Dingdong Dantes spearheads socio-civic programs in Iloilo as part of his birthday plans: “Sa totoo lang, sa halip na pagod, mas nakakaramdam ako ng saya.”

Despite his back-breaking schedule, Dingdong Dantes reveals how his family and Marian Rivera keep him grounded: “Well, hindi talaga maaaring mawala ang mga personal commitments. Para sa akin, isang nagpapalakas sa akin e ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan, lalung-lalo na si Marian.”


Isang napakahabang araw ang bisperas ng kaarawan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.

Sinimulan ni Dingdong ang araw niya nang madaling-araw pa lamang noong Biyernes, August 1 sa pamamagitan ng pagpunta sa Iloilo City.

Ngayong araw na ito, August 2 ang aktuwal na kaarawan ni Dingdong.

Nasaksihan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung gaano kasipag at halos walang nararamdamang kapaguran ang aktor lalo na at pagtulong sa kapwa ang ginagawa nito.

Simpleng tanong sa kanya ng PEP, sa dami na ng nagawa at napuntahan niya mula nung umaga pa lamang ay kung hindi ba siya napapagod.

Pero nakangiti kaming sinagot ni Dingdong, “Sa totoo lang, sa halip na pagod, mas nakakaramdam ako ng saya dahil nakikita ko kung gaano rin kasaya yung mga napuntahan natin at kahit paano ay nabigyan ng konting tulong.

“Siguro rin, kapag gusto mo talaga ang ginagawa mo.”

SOCIO-CIVIC CAMPAIGNS IN ILOILO. Nagpunta ng Iloilo City si Dingdong para sa programa ng National Youth Commission (NYC) kunsaan siya ang commissioner-at-large, ang unang tungkulin na tinanggap niya sa mula sa gobyerno.

Pinamumunuan ni Dingdong ang “Make YOUth Count" campaign ng Comelec para maging aware ang mga kabataan sa karapatan nilang bumoto at magparehistro.

Isinabay na rin ni Dingdong ang isa pang programa ng NYC na “Abot-Alam” program sa pakikipagtulungan ng Department of Education.

Hindi naman nagpahuli ang sarili niyang foundation na Yes Pinoy Foundation (YPF) na namahagi ng mga tsinelas katulong ang STEPS Foundation sa Balasan Elementary School at saka tumuloy sa Estancia Elementary School kunsaan naman ipinamahagi na ng YPF katulong ang Lifeline ng kanilang “One Child, One Chair” program na nakapagbigay sila ng 3,000 classroom tables sa Estancia.

Nakita rin ni Dingdong ang two-storey classroom building na ipinatayo ng YPF sa Estancia matapos na salantahin ng typhoon Yolanda at maaaring sa loob ng isang buwan ay maaari nang magamit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakita ng PEP kung gaano kasaya at nagpapasalamat ang mga taga-Estancia sa aktor, pero nakita rin namin si Dingdong kung gaano siya kasaya sa nakitang kasiyahan ng mga natutulungan nila.

BIRTHDAY SALUBONG. Pasado 10:00 P.M. na nang makarating si Dingdong sa Ninoy Aquino International Airport kagabi. Pero bago kami makarating, tinanong namin ang Kapuso Primetime King kung ano pa ang plano niya pagdating ng Manila bilang pagsalubong sa kanyang kaarawan.

Gayundin, kung ano ang plano niya sa aktuwal na birthday niya.

Kay Dingdong na rin nanggaling na sa halip na magagarbong birthday party bilang pagsalubong sa kanyang ika-34 birthday, masaya raw siya sa paraan na mabalikan niya ang mga taga-Estancia at Iloilo sa mismong kaarawan niya talaga.

Pero ayon din dito, pagdating daw sa airport, ang alam niya ay may inihahanda sa kanya ang girlfriend, ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Wala lang daw siyang idea kung ano ito.

Ayon kay Dingdong nang kausap namin sa Iloilo, “Magkikita pa lang kami ni Marian mamaya. So, hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Pati bukas, hindi ko alam kung ano ang panahon.

“Hindi ko alam kung matutuloy ako sa Clark para mag-motor. Bahala na, I don’t wanna plan.

“Gusto ko lang, free-flowing ang araw ko. Kung anuman ang ma-feel ko sa moment na yun, gagawin ko. Kumbaga, relax man ‘yan o hindi, gusto kong maging masaya sa araw na yun.”

Yun pala, isang intimate birthday party ang sorpresa ni Marian kay Dingdong sa Manila Peninsula Hotel kunsaan ang bandang kinuha nitong mag-perform ay ang paboritong banda ni Dingdong na Wolfgang.

BIRTHDAY WISH. Ngayong kaarawan niya, tinanong namin si Dingdong kung ano pa ang gusto niya para sa kaarawan niya, may hinihiling pa rin ba siya lalo na para sa sarili niya?

“Yes,” saad naman niya.

“Isa siguro sa pinakaimportanteng bagay na kailangan ko ngayon, number one, strength para magampanan ko lahat ng mga tungkulin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi siyempre, malaki ang demands as an actor at saka siyempre, malaki rin ang mandate para sa amin sa National Youth Commission and all these are in His hands.

“I really ask for strength and guidance and to make the right decision and ma-lead ako sa tamang landas. Lahat naman ‘yan ay inaasa ko sa pananampalataya palagi.

“Hindi naman ako kumikilos o gumagawa ng bagay based on instinct, but there’s always a Divine Intervention, somewhere, somehow.”

DRAWING INSPIRATION FROM MARIAN. Kung titingnan ang schedules ni Dingdong sa showbiz commitments niya na lang kunsaan, ilang araw sa isang linggo ay nakatutok siya sa taping ng Ang Dalawang Mrs. Real at tungkulin niya ngayon sa NYC, bukod pa sa kanyang foundation na YPF, literal na puwedeng sabihin na kulang ang pitong araw sa isang linggo para sa kanya.

Pero base sa mga pinu-post na lang nila ni Marian at binabahagi nilang ilang “moments” na magkasama sila sa Instagram account nila, hindi maitatanggi na nakakapaglaan pa rin siya ng oras at panahon sa girlfriend.

Sa parte ni Marian, paano siya nasusuportahan nito sa lahat ng gawain at adhikain niya?

“Well, hindi talaga maaaring mawala ang mga personal commitments. Para sa akin, isang nagpapalakas sa akin e ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan, lalung-lalo na si Marian.

“So, kapag tinanggal ko sila sa equation, para mo na rin sinabing hindi ako makaka-function because I also draw my inspiration from her.”

PLANS FOR MARIAN’S B-DAY. Birthday na rin ni Marian sa August 12, nasusulat na isa siya sa magiging espesyal na bisita ni Marian sa show nitong Marian.

Nakaplano na nga ba ito?

Saad niya, “Yes, oo, I’m very excited to guest. For the first time, magiging live ang Marian show at sobrang excited ako sa mga mangyayari.”

Sasayaw ba siya?

Nakangiting sabi naman ni Dingdong, “Basta sabihin na lang natin na since first time kong mag-guest at makabuluhan ang araw since birthday niya at kaka-birthday ko lang din, very, very special ang mangyayari.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN