Court of Appeals gives go signal to file case vs. suspects in Ruby Rose Barrameda murder

“Napakagandang regalo ‘yon para sa kanya, at para na rin sa family namin dahil kami ang lumalaban for justice,” says Rochelle Barrameda (left) about the new ruling of Court of Appeals, allowing the Barrameda family to file parricide charges against suspects in Ruby Rose Barrameda (right) murder.


Maaari nang magsampa ng kasong parricide ang pamilya Barrameda laban sa mga suspek sa pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda.

Si Ruby Rose ang nakababatang kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda na nawala noong March 2007 at natagpuang patay noong June 2009.

Read: Family of Ruby Rose Barrameda-Jimenez identifies her remains

Ang dalawang itinuturong suspek sa krimen ay ang mismong mister ni Ruby Rose na si Manuel “Third” Jimenez III at ang tiyuhin nitong si Lope Jimenez.

Ayon sa ulat ni Mark Merueñas ng GMA News kagabi, August 4, pinanindigan ng Court of Appeals Special Sixteenth Division ang desisyon nito noong December 2013 na ibasura ang petisyong inihain ng asawa ni Ruby Rose.

Sa nasabing petisyon, hiniling ni Third na baliktarin ang May 2, 2012 decision at July 4, 2014 resolution ng Office of the President.

Sinusuportahan ng dalawang Palace rulings na ito ang August 11, 2010 resolution ng Department of Justice (DOJ), kung saan inirekomenda ang paghain ng kasong parricide laban sa magtiyuhing Jimenez.

Samantala, ang petisyon naman ni Third ay bunsod ng pagbaligtad ng naunang humarap na witness sa kaso na si Manuel Cantero.

Si Cantero ang nagturo sa awtoridad ng lugar kung saan natagpuan ang labi ni Ruby Rose noong 2009, at kumilala sa mga suspek.

Subalit kalaunan ay binawi ni Cantero ang kanyang mga pahayag at bigla na lamang hindi mahanap ng mga awtoridad.

Subalit nakasaad sa panibagong ruling ng CA, na nilagdaan ni Associate Justice Pedro Corrales, “A recantation does not necessarily cancel an earlier declaration. As with any other testimony, it is subject to the test credibility and should be received with caution.”

Dagdag pa rito, “No rule or doctrine requires previous testimony to be presumed false merely because a witness now says so.”



DUE PROCESS. Samantala, sa phone interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa ate ni Ruby Rose na si Rochelle Barrameda kanina, August 5, sinabi niyang natutuwa ang kanilang pamilya sa naging desisyon ng Court of Appeals.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya ang buong family, kasi on August 14, birthday ni Ruby Rose.

“So, alam mo ‘yon, napakagandang regalo ‘yon para sa kanya, at para na rin sa family namin dahil kami ang lumalaban for justice.”

Nakarating na rin daw sa kanila na inapela na ng kampo ng mga Jimenez ang desisyon ng CA sa Supreme Court.

Gayunman, umaasa pa rin si Rochelle at ang kanyang pamilya na dire-diretso na ang pag-usad ng kaso.

Aniya, “Ang alam ko, inapela na nila ‘yan sa Supreme Court.

“We’re just waiting for the resolution.

“Noong nag-follow-up ang daddy ko, malapit na raw ilabas.

“Alam mo, I can’t wait.

“I can’t wait na lumabas yung resolution na magkaroon ng warrant of arrest yung asawa ni Ruby Rose dahil ang tagal na naming hinihintay at ipinagdarasal ‘yon.”



AGAINST HOSPITAL ARREST. Bukod sa asawa ni Ruby Rose na si Third Jimenez at tiyuhin na si Lope Jimenez, kabilang din ang father-in-law nitong si Atty. Manuel Jimenez Jr. sa mga itinuturong suspek.

Kamakailan ay naglabas ng sama ng loob si Rochelle dahil sa diumano’y pagbibigay ng special treatment kay Atty. Jimenez, sa pamamagitan ng pagkaka-hospital arrest nito sa Philippine Heart Center sa Quezon City.

Read: Rochelle Barrameda questions hospital transfer of Atty. Gigi Reyes; brings up similar issue related to her sister Ruby Rose’s murder suspect

Nang tanungin ng PEP si Rochelle tungkol dito, sinabi niyang hihilingin nila sa korte na ipatingin sa ibang doktor si Atty. Jimenez upang alamin kung ano ang totoong karamdaman nito.

Saad ng aktres, “For five years, naka-hospital arrest siya, sa September.

“Alam mo ‘yon, hindi pa rin nabawasan yung bigat sa pakiramdam namin, kasi hindi namin siya nakita behind bars.

“Sabi ko nga, gusto ko na malaman ng lahat ito, kasi hindi ko naman alam who’s to blame.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman kami tanga na naniniwala kaming forever na may sakit siya.

“Alam namin na may binayaran dito para magkaroon ng VIP treatment.”

Sinubukan na raw nilang humingi ng tulong kay Justice Secretary Leila de Lima, na nangako namang kakausapin si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno para hilinging ibang doktor ang tumingin kay Atty. Jimenez.

Subalit hanggang ngayon daw ay wala pang feedback.

“So, ang napag-usapan na lang namin na susulat kami sa court administrator ng Supreme Court bago mag-birthday si Ruby Rose ng August 14, para at least man lang may mangyari.

“Ang sarap na ng buhay niya [Atty. Jimenez], for almost five years ng buhay niya roon, tama na,” sabi ni Rochelle.



THE BATTLE CONTINUES. Sa kabila ng mabagal na pag-usad ng kaso, umaasa pa rin si Rochelle na makakamit nila sa huli ang hustisya para sa pinaslang na kapatid.

Ano ang nararamdaman ng pamilya nila tungkol sa takbo ng kaso?

Sagot ni Rochelle, “May mga time na kapag nag-uusap kami, ‘Ano na ang mangyayari sa kaso?’ Ang mommy ko, ang daddy ko, umiiyak.

“Ako, hindi ko masyadong inaano na wala na siya talaga.

“Kaya sabi ko nga, ayaw ko yung masyadong madalas pumunta sa sementeryo.

“Kumbaga, kung may special occasions lang or death anniversary, ‘yon lang ako pumupunta. Or kapag may magagandang balita tungkol sa kaso niya.

“Kasi, parang sabi ko, kasa-kasama ko siya sa laban namin.”

Naglabas din ng hinaing ang aktres dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nasisilayan ang mga anak ni Ruby Rose, na kasalukuyang nasa poder ng pamilya Jimenez.

Ani Rochelle, “Siyempre, mabigat para sa pamilya.

"Wala na nga siya, hindi pa namin nakikita yung mga anak niya.

“Hindi namin alam kung alam ba nila ang nangyari sa nanay nila.”

Hiling pa niya, “Yun lang ang ipinagdarasal namin, na sana dumating na yung tamang pagkakataon, tamang oras, na makasama namin sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabay-sabay kaming pupunta sa sementeryo para malaman nila kung ano ba talaga yung ipinaglalaban namin ngayon para makamit ang hustisya na para sa nanay nila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN