Dingdong Dantes and Marian Rivera are engaged!

Nag-propose na ng kasal si Dingdong Dantes sa longtime girlfriend niyang si Marian Rivera sa programa ng aktres ngayong gabi, August 9. Sabi ni Dong kay Marian, “Sa tagal ng pagsasama natin… may isang bagay na malinaw sa akin—that I want to spend the rest of my life with you... So please, Marian, will you be my wife?” Sinagot ito ni Marian sa pamamagitan ng paghalik niya sa labi ni Dingdong.


Nagkaroon na ng kasagutan ang katanungan ng marami kung kailan magpapakasal ang reel- and real-life couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Sa live birthday celebration ni Marian sa kanyang dance program sa GMA Network na Marian ngayong gabi, August 9, ay nag-propose na ng kasal sa kanya ang kasintahang si Dingdong.

Isa sa mga espesyal na bisita sa programa ni Marian—na magdiriwang ng kanyang 30th birthday sa August 12—si Dingdong.

Sa isang bahagi ng programa ay ipinakita ni Dingdong ang ilang larawan ng special at memorable moments sa buhay ni Marian, kasama siya at ang pamilya at mga kaibigan ng Kapuso Primetime Queen.

Pagkatapos ipakita sa screen ang larawan ng isang butterfly dome ay napaiyak si Marian.

Sumunod nito ay ipinakita naman ang video kung ano ang naganap sa loob ng butterfly dome.

Ikinuwento ni Dingdong na kuha ang video na iyon sa Butterfly Pavilion, MGM, sa Macau, kung saan nag-celebrate siya ng kanyang kaarawan noong August 2012.

Kasama ni Dingdong noon ang kanyang buong pamilya at si Marian.

Makikita sa video na may ibinulong si Dingdong kay Marian at pagkatapos ay napahagulgol ang aktres.

Pagkatapos nito ay ipina-freeze ng Kapuso Primetime King ang video.

Saad ni Dingdong kay Marian, “May kailangan akong aminin, may kailangan akong sabihin sa iyo.

“Alam ko na nung nangyari ‘yon, meron akong importanteng bagay na hindi nagawa.

“Maraming bagay na hindi ko nasabi dahil sobrang overwhelmed ako… hindi ko alam kung papaano.

“Pero allow me to do it right this time.

“Mas magiging espesyal siya ngayon dahil, ngayon, kaharap mo na ang pamilya mo.

“Nandito ulit ang pamilya ko, at nandito ang mga taong nagmamahal sa atin.

“Ngayon, ang gusto kong mangyari, gusto kong ipagsigawan sa buong mundo kung gaano kita kamahal.

“And I wanna do it right this time…”

Pagkatapos nito ay lumuhod si Dingdong sa harapan ni Marian, kaya lalong nagsigawan ang mga tao sa loob ng studio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Marian naman ay hindi na napigilan ang emosyon at napahagulgol.

Patuloy ng 34-year-old actor, “Yan, whenever I pray, tuwing nagdarasal ako, alam mo, ito ang isa sa parati kong hinihiling, na sana bigyan Niya ako ng isang taong makakasama ko sa kalokohan, sa kalungkutan, sa kasiyahan….

“Isang taong alam kong ibibigay ko ang buong buhay ko sa kanya.

“Right now, wala na akong mahihiling pang iba.

“There’s nothing that I want and to ask for, but to settle down and have a family.

“Yan, sa tagal ng pagsasama natin… may isang bagay na malinaw sa akin—that I want to spend the rest of my life with you.

“Kaya ngayon, saksi ang mga mahal natin sa buhay, gusto kong ipagsigawan sa buong mundo, na ikaw ang sagot sa aking mga dasal.”

Kasunod nito ay inilabas ni Dingdong ang isang maliit na itim na box mula sa kanyang suit, na naglalaman ng isang singsing.

Medyo naiiyak na patuloy ni Dingdong, “I offer you this gift on your birthday, something that’s beyond any material thing or tangible want, but I offer myself, my love today and all the days of my life.

"So please, Marian..."

Sa gitna nito ay napatawa si Marian, kaya sabi ni Dingdong sa kanya, "Hoy, serious ’to..."

Seryosong patuloy ni Dingdong, "Marian, will you be my wife?"

Nakabibinging hiyawan ang umalingawngaw sa loob ng studio dahil sa nasaksihang eksena.

Hindi sumagot si Marian sa tanong ni Dingdong, sa halip ay hinalikan niya sa labi ang aktor at sinabihan ang kasintahan ng, "I love you."

Makalipas ang ilang sandali ay isinuot na ni Dingdong ang singsing sa daliri ni Marian.

Pagkatapos ay hinalikan ng aktor sa labi ang aktres at nagyakapan sila nang mahigpit.



LAST DANCE. Pagkatapos nito ay ipinakilala na ni Dingdong, sa kauna-unahang pagkakataon, si Marian bilang kanyang “fiancée.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ladies and gentlemen, I proudly present to you, my fiancée… the birthday girl in her last dance with me before we become one—Marian Gracia, the soon to be Marian Gracia Dantes."

Pagkatapos nito ay nagsayaw ang engaged couple sa saliw ng “Viva La Vida” ng Coldplay.

Pagkatapos ng commercial gap ay makikitang kasama na nina Marian at Dingdong sa stage ang kani-kanilang pamilya, at ang co-hosts ng Marian na sina Paolo Ballesteros, Julie Anne San Jose, at Christian Bautista.

Kinuhanan ng maikling mensahe ni Paolo ang ina at lola ni Marian at ang ina ni Dingdong.

Doble raw ang kasiyahang nararamdaman ng ina ni Marian na si Amelia Rivera, habang gusto na raw magkaapo ng lola ng aktres na si Francisca Rivera.

Pinasalamatan naman ng ina ni Dingdong na si Angeline Gonzalez Dantes si Marian sa pagmamahal at pag-aalaga nito sa kanyang anak.

“Welcome to our family,” sabi pa ni Mrs. Dantes kay Marian.

Sa huli ay nagsalita naman si Marian.

Saad niya, “Sa lahat ng nagtatanong, ano ba ang simbulo sa akin ng butterfly, ngayon alam niyo na.

“Kaya tinatak ko siya sa likod ko dahil memorable sa akin ang butterfly, dahil sa butterfly na ‘yan, naging isa kami ni Dong.”

May mensahe rin si Marian para kay Dingdong.

“Dad, gusto ko lang sabihin sa iyo na sa lahat ng pinagdaanan natin, sa lahat ng batikos na ibinato nila sa akin, lahat yun kaya kong lunukin.

“Dahil alam nating dalawa kung ano ang totoo.

“At isa lang ang sasabihin ko sa iyo, habang buhay kitang mamahalin at aalagaan.

“Kahit ilang anak, wala akong pakialam, kahit lumaki ang katawan ko, maibigay ko lang ang lahat ng ikasasaya mo. Ganun kita kamahal.

“Thank you, dahil alam ko na maraming babae talaga, pero ako ang minahal mo nang sobra, at alam ko ‘yon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tanong naman ni Dingdong: “Is that a yes?”

Pasigaw naman na sagot ni Marian: “Yes!”

Agad na nag-trending sa Twitter—hindi lamang sa Pilipinas kundi maging worldwide—ang hastags na #DongYan, #lastdance, at #onedance.

Nagkakilala sina Dingdong at Marian nang gawin nila ang Pinoy version ng sikat na Mexicanovela na Marimar noong 2007.

Dahil sa naging matagumpay ang unang tambalan nila ay nasundan pa ito ng mga sumusunod na primetime series: Dyesebel (2008), Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang (2009), Endless Love (2010), at My Beloved (2012).

Sa pelikula naman ay nagkasama sila sa One True Love (2008) at You To Me Are Everything (2010).

Sa pagitan ng mga proyektong ito umusbong ang pagmamahalan nina Dingdong at Marian.

Ito ang video ng proposal ni Dingdong kay Marian sa Marian kanina:

Video courtesy of GMA Network


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN