Glydel Mercado warns public about fake Maynilad employees

Glydel Mercado says fake Maynilad employees are trying to extort money from alleged tampered water meter. “Ang dami pa nilang IDs. Alam ko na marami pa silang maloloko,” she says.


Muntik nang mabiktima si Glydel Mercado ng pangingikil ng isang grupo na nagpakilalang mga empleyado ng Maynilad.

Naikuwento ng Kapuso actress sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters ang modus operandi ng nasabing grupo sa pocket press conference para sa teleseryeng Ang Lihim ni Annasandra kaninang tanghali, August 26.

Ayon kay Glydel, may ilang nagpanggap na empleyado ng water company ang sumita sa diumano’y tampered water meter ng kanyang salon kamakailan.

Dahil daw dito, hinihingan siya ng P97,000 para sa diumano’y unpaid water bills niya.

Sinubukan daw ni Glydel na makipag-negotiate, sa pamamagitan ng telepono, para sa nasabing dapat bayaran.

Lahad ng aktres, “Sabi ko, ‘Sir, ayaw kong magbayad ng P97,000.’

“Sabi niya, ‘Ano ang gusto niyong mangyari, Ma’am?’

“Sabi ko, ‘Hindi ko alam, Sir. Ano ba ang dapat mangyari?’

“Nag-suggest siya na lahat ng employees ng Maynilad, kapag nakakahuli ng tampered meter, may incentive na 20 percent commission from that bill."

Sa kanilang pag-uusap, sinabi raw ng nagpanggap na empleyado ng Maynilad na puwede pang “maayos” ang problema ni Glydel sa tampered water meter.

Sinabi raw nitong magbayad siya ng P18,000 para sa dapat sana ay incentive ng nakahuling empleyado. Samantala, may karagdagang P3,000 para sa auditor na “gagapang” sa Maynilad bilang pampalubag-loob.

Sa puntong magbibigay na siya ng halagang P21,000 sa nagpapanggap na empleyado ng Maynilad, nakipag-ugnayan na si Glydel sa ilang barangay kagawad at pulis para sa isang entrapment operation.

Isang "Jon Albert Ortis" umano ang ipinadala ng nakausap niya sa telepono.

Nang dumating ang ipinadalang kukuha ng pera, sinubukang kunan ng video ng isang staff ni Glydel ang pagbibigay ng pera.

Habang ibinibigay ang P21,000, bigla umanong itinapon ng nagpakilalang "Jon Albert" ang pera.

Pag-alala ni Glydel, “Sabi ko, ‘Bakit mo hinagis?’ ‘Yon pala, pagtingin ko, may pulis na.

"Yung mga kagawad ko, tinawag na yung apat na police from PCP [Police Community Precint] ng Blumentritt.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala pa kaming tinatanong sa kanya, bigla siyang nagsalita, ‘Wala po kaming kinalaman diyan, napag-utusan lang po ako.’”

Dahil sa insidente, nahaharap sa kasong extortion si Leonardo Alonzo, Jr., na nagpanggap bilang Jon Albert.

Siya ay kasalukuyang nakapiit sa Manila Police Station 3.

Nakuha raw sa akusado ang pekeng ID ng Maynilad, wrench, water meter, at driver’s license.

Kasalukuyan naman hinahanap ang umano’y kasabwat ni Alonzo na si Wilbury Galvez, na nagpanggap naman bilang "Edwin Vargas" kay Glydel.

Binalaan din ng aktres ang publiko na maaaring mabiktima pa ng ibang grupo na may ganitong klase ng modus operandi.

“Ang dami pa nilang IDs. Alam ko na marami pa silang maloloko,” pagtatapos ni Glydel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN