Superstar Nora Aunor receives UP Gawad Plaridel award

Ang Superstar na si Nora Aunor ang pinili ng College of Mass Communication ng UP upang hiranging ng Gawad Plaridel ngayong taon dahil sa kanyang malaking naiambag sa larangan ng pelikula at telebisyon.


Personal na tinanggap ng Superstar na si Nora Aunor ang kanyang natatanging parangal bilang recipient ng Gawad Plaridel Award, sa taong 2014, sa simpleng seremonyas na ginanap kahapon, August 27, sa Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute (UPFI).

Si Nora ang ika-sampung media practitioner na ginawaran ng natatanging mataas na karangalan ng College of Mass Communication ng UP.

Kabilang sa roster ng awardees ng Gawad Plaridel sina Eugenia Duran Apostol (2004, print); Vilma Santos (2005, film); Tiya Dely Magpayo (2006, radio); Cecilia Lazaro (2007, radio); Pachico Seares (2008, community print); Kidlat Tahimik (2009, independent film); Eloisa "Lola Sela" Canlas (2011, radio); Rosa Rosal (2012, television); at Pete Lacaba (2013, print).

Ang parangal ay ipinangalan sa dakilang bayaning propagandista na si Marcelo H. del Pilar, na nagtatag ng peryodikong La Solidaridad sa panahon ng pag-aaklas tungo sa reporma noong ika-19 na siglo, mula 1889 hanggang 1895.

Ang may likha ng natatanging tropeyo ay ang eskultor na si Napoleon V. Abueva, National Artist for Sculpture.

Lubos na ikinagalak ng mga opisyal ng Pamantasan ng Pilipinas, sa pangunguna ni UP President Alfredo Pascual, ang pagdalo ni Nora sa okasyon.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binanggit din ni UP Chancellor Michael Lim Tan ang iba pang mga guro, mga mag-aaral ng UP, at iba’t ibang pamantasan, "mga kasama namin sa media at sa sining, mga kapwa ko Noranian!"

Ang huling sinambit ni Dr. Tan, bilang isang Noranian, ay sinalubong ng masigabong palakpakan ng karamihan, kabilang sa mga hukbo ng tagahanga at tagasuporta ng Superstar.

Pahayag ng UP chancellor, "Wala pong tumpak at akmang salitang makapaglalarawan kay Nora Aunor dahil siya ay kaisa-isang artistang Pilipino na kumurot sa ating buhay, sa pamamagitan ng kanyang mga awitin, pelikula, pagganap sa entablado, sa radio, at sa telebisyon.

"Maging ang kanyang tunay na buhay ay naging inspirasyon sa araw-araw na pakikipagsapalaran.

"Si Nora Aunor ay natatanging Superstar dahil siya lamang ang artistang Pilipino na matagumpay na nakatawid sa lahat ng larangan ng sining sa pagtatanghal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ikinagagalak ng Unibersidad ng Pilipinas ang presensiya ng nag-iisang Nora Aunor.

"Kulang na lang, magsu-suspend sana kami ng klase!

"Dahil para sa komunidad, para sa Pambansang Unibersidad, kayo po, Ate Guy, ay ang Pambansang Alagad ng Sining!"



PLARIDEL LECTURE. Nakasaad sa ipinamahaging souvenir program na bahagi ng parangal ang pagbibigay ng Plaridel Lecture, o ang pagtalakay ng mahahalagang isyung may kaugnayan sa media.

Mapapalathala ang lektyur sa Plaridel: A Journal of Philippine Communication, Media and Society, a biannual reference journal of the college.

Sabi naman ni Nora, bilang panimulang mga salita, "Sabi po, magbibigay daw po ako ng lecture.

“Hindi naman po ako marunong mag-lecture, e.

"Puwede siguro natin tawaging pakikibahagi. Iba yung pakikibahagi, mas mauunawaan."

Mahaba ang ibinahaging "lecture" ni Nora.

Tumagal iyon ng mahigit kalahating oras, kung saan binalikan niya ang pagsisimula ng kanyang pagiging artista, na may mahahalagang simulain at butil ng aral hinggil sa buhay at pagpupunyagi.

Ilang bahagi niyon ay ganito ang pagkakasaad ng aktres: "May nagtanong po sa akin kung ano ang aking inspirasyon sa buhay ko, lalo na sa aking sining. At bakit tumagal ako ng mahigit limampung dekada..."

Sa mga talaan, ibinibilang na ang pagsisimula ni Nora sa show business ay nagmula lamang noong 1967, nang hirangin siyang kampiyon ng nationwide amateur singing search na Tawag Ng Tanghalan.

Pero bago pa ang Tawag Ng Tanghalan at ang kanyang winning song na “Moonlight Becomes You”—as undefeated champion for 14 weeks— may mga pagtatagumpay na si Nora sa ilang amateur singing contests sa kanyang hometown sa Iriga, Camarines Sur at karatig-bayan.

Masayang nagbalik-tanaw si Nora sa kanyang pagsisimula, udyok ng hangaring makatulong sa nakagisnang hikahos na pamumuhay sa piling ng kanyang mga magulang at apat na kapatid.

Saad pa niya, "At lahat po ng ginagawa ko ngayon ay paglingon sa aking pinanggalingan.

"Magpahanggang ngayon, na ako ay isa nang artista, ay hindi ko akalaing ako ay magiging artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sapagkat nung bata po ako, [ako] ay isang napakapayat na bata.

“At parang lalaki dahil sa buhok kong napakaikli at pagkaitim... hindi naman pagkaitim-itim, maitim lang po.

“Pagkaitim-itim, uling na po yun!" kuwela pa niyang sambit.

Dagdag niya, "Hindi ko talaga pinangarap na maging artista, pero nag-umpisa po akong mang-aawit."

Kinalaunan, sa pagbabahagi ni Nora ng marami niyang naging makabuluhang karanasan, sa kanyang propesyon bilang mang-aawit at aktres, ay ang kanyang pagmamalasakit sa kasalukuyang kalagayan ng lokal na sining pang-aliwan.

Ugnay rin sa mga karanasang ito ang kanyang lovelife at ang longtime professional rivalry nila ni Vilma Santos.

Saad pa ng Superstar, "Mga kaibigan, magtulungan po tayo na patuloy nating gawin kung ano yung nararapat gawin sa industriya, lalo na po sa mga baguhang artista.

"Na gumawa rin sila ng mga pelikulang makabuluhan at tulungan natin sila sa pagganap ng kung ano yung character nila... para po maiangat natin ang industriya ng pelikulang Pilipino."

Sina Gretchen Fullido at Ivan Mayrina ang tumayong emcees ng programang tumagal ng mahigit tatlong oras.

Kabilang dito ang pag-awit ng UP Concert Chorus at mga mag-aaral-performers ng UP-CMC; at pagpapalabas ng isang maikling dokumentaryo, ang Paglingon, sa direksiyon ni Prof. Roehl Jamon, mula sa panulat ni Prof. Shirley Palileo Evidente.

Tampok sa docu-film ang testimonials, kabilang ang kina Ricky Lee, German Moreno, Joel Lamangan, Boy Palma, John Rendez, at ni Nora mismo.



PAGKILALA. Si Nicanor Tiongson, Professor Emeritus at dating dekano ng UP College of Mass Communication, ang nagbasa ng pagkilala kay Nora.

Narito ang kabuuang tala ng naturang Pagkilala:

"Para sa kanyang bukod-tanging kasiningan at bersatilidad bilang mang-aawit, na naglipad sa kanya sa rurok ng tagumpay bilang nag-iisang kampiyon nang maraming buwan sa pambansang paligsahan na Tawag ng Tanghalan, at nagpatunay na sinuma’t alin na ang talino, saan man nag-ugat, ay may kakayahang buwagin ang mga bakod na itinakda ng mayayaman at nagmamarunong, at kapag nilakipan ng karisma, ay makalilikha ng dambuhalang hukbo ng mga tagahanga, na ngayo’y sumasaklaw na sa maraming sektor, uri, at salinlahi ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa;

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Para sa matalino at sensitibong pagganap niya sa kagilagilalas na dami at uri ng papel sa pinilakang tabing, mula movie fan sa Bona hanggang pekeng faith healer sa Himala, mula aktibista sa Bakit May Kahapon Pa? hanggang abogado sa Naglalayag, mula nars sa Minsa’y Isang Gamu-Gamo hanggang madre sa Fe, Esperanza, Caridad, mula titser sa Tatlong Taong Walang Diyos hanggang disco dancer sa Annie Batungbakal, mula domestic helper sa The Flor Contemplacion Story hanggang manghihilot ng tribo sa Thy Womb—mga papel na umani para sa kanya ng pinakamatataas na papuri mula sa mga kritiko at makapelikula mula sa lahat ng sangay ng lipunang Pilipino;

"Para sa pagpoprodyus niya, sa pamamagitan ng kanyang NV Productions, ng mga pelikulang may natatanging kalidad, tulad ng Banaue, Alkitrang Dugo, Tatlong Taong Walang Diyos, Annie Batungbakal, Bona, at Tisoy, kung saan nagsama ang mga batikang direktor, iskriprayter, aktor, at iba pang artista ng pelikula, at sa pagtataguyod niya bilang prodyuser at/o aktor ay nakalikha ng mga pelikulang nakatulong sa pag-aangat ng antas ng mga pelikulang ginagawa sa Pilipinas;

"Para sa paglabas niya sa mga programa sa telebisyon na nagtagal nang maraming taon at nakintal sa pambansang alaala, tulad ng musical variety show na Nora Aunor Show at Superstar, na nagpakita ng kanyang kahusayan sa pag-awit at pagsayaw at nagpauso ng isang pormat sa telebisyong Pilipino, at ang lingguhang drama anthology na Nora Cinderella at Ang Makulay Na Daigdig ni Nora, na naghatid sa publiko ng pulyidong pag-arte sa drama at mga makabuluhang naratibo ng pang-araw-araw na buhay;

"Para sa paghamon niya sa pamantayang kolonyal na nagtatanghal sa mestisa bilang huwaran ng kariktan sa pelikula at lipunang Pilipino at sa paggigiit niya na ang tikas na kayumanggi—balat na kulay ng gintong pulot, buhok na sing-itim ng uwak, at katawang balingkinitan—ay kapantay ng iba pang uri ng kagandahan, lalo na’t sa Pilipinas ay kinakatawan ng kayumanggi ang nakararaming may lahing Malayu, na umiral mula panahong pre-kolonyal hanggang kasalukuyan, mula kanayunan hanggang kalungsuran, mula barong-barong hanggang mansion;

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Para sa paggamit niya ng kanyang di-matatawarang popularidad bilang susi para mabuksan para sa masang umiidolo sa kanya at hawig sa kanya ang pinagmulan, ang mundo ng mga makabuluhang pelikula at dulang naglalarawan at sumusuri sa nakalulunos na kinasasadlakan ng nakararaming Pilipino at ang mga tauhang hubad sa yaman at kapangyarihan na kanyang matagumpay na isinabuhay at biniyayaan ng silay ng pag-asa sa pagbabagong lipunan;

"Para sa kanyang lantay na kasiningan at nakamamanghang birtuosidad sa pagganap, na nagdala ng ningning at liwanag sa radyo, telebisyon, at pelikulang Pilipino, nagtakda sa kanya bilang huwaran at pamantayan ng kagalingan para sa kanyang mga kasabayan at kasunuran, at nag-angat sa ating pelikula at brodkast midya sa antas na higit na mataas kaysa sa dinatnan niya sa pagsisimula ng kanyang masanghayang buhay bilang artista;

"Ang U.P. Gawad Plaridel ng taong 2014 ay ibinibigay kay Nora Aunor (Nora Cabaltera Villamayor) ng Unibersidad ng Pilipinas, ngayong ika-27 ng Agosto ng taong 2014, sa Cine Adarna, UP Film Institute Film Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon."

Ang Pagkilala ay nilagdaan nina Alfredo Pascual, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Michael Tan, tsanselor ng U.P. Diliman; at Roland Tolentino, dekano ng UP Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN