Family and friends celebrate Mark Gil’s wonderful life and career

Isa sa nakaagaw ng atensiyon sa lamay ng aktor na si Mark Gil, sa chapel ng La Salle Greenhills kaninang umaga, September 3, ay ang labis na pag-iyak ng anak niyang si Sid Lucero. Kadarating lang ni Sid mula sa Singapore, kung saan nag-taping siya para sa GMA primetime series na My Destiny. Labis daw ikinasama ng loob ni Sid na wala siya nang pumanaw ang ama.


Dama ang kalungkutang bumalot sa La Salle Greenhills Chapel kaninang umaga, September 3, para sa lamay ng yumaong aktor na si Mark Gil—o Raphael John Eigenmann sa totoong buhay.

Sa kabila nito, masaya pa ring nagbalik-tanaw ang pamilya at mga kaibigan sa magagandang alaala ng aktor noong nabubuhay pa ito.

Pumanaw si Mark noong Lunes, September 1, sa edad na 52, pagkatapos ng pakikipaglaban niya sa sakit na liver cancer.

Noong araw ring iyon ay ipina-cremate ang kanyang mga labi.

Ipagdiriwang sana ng aktor ang kanyang ika-53 kaarawan sa September 25.

Bagamat pinayagan na pumasok sa loob ng La Salle chapel ang mga miyembro ng media kanina, pinakiusapan ang mga itong huwag kumuha ng larawan o mag-interview.

Isa raw kasi sa bilin ni Mark bago ito namatay ay bawal ang TV and photo cameras, at media interviews sa kanyang lamay.

Kaya naman sa gate pa lamang ng La Salle ay mahigpit nang ipinapaalala ng mga guwardiya na bawal ang camera sa loob ng chapel.

Maliban dito, sa palibot ng chapel na kinalalagakan ng urn ni Mark ay may mga nakapaskil na paalalang bawal kumuha ng anumang litrato sa loob.



GRIEVING FAMILY AND FRIENDS. Maagang namataan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa chapel ng La Salle Greenhills ang bunsong kapatid ni Mark na si Cherie Gil.

Maaga ring dumating sa burol sina Jose Mari Chan, Gary Lising, Pilita Corrales, Rio Locsin, Gretchen Barretto, at ang panganay na anak ni Mark na si Gabby Eigenmann.

Isa sa madamdaming eksena kanina ay ang pagdating ng isa pang anak ni Mark na si Sid Lucero.

Hindi itinago ng aktor ang pagdadalamhating nararamdaman dahil umalingawngaw sa loob ng chapel ang kanyang hagulgol habang hinahalikan ang urn na naglalaman ng mga abo ng yumaong ama.

Ngayong araw lang din dumating si Sid mula sa Singapore, kung saan nag-taping siya para sa GMA primetime series na My Destiny.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Umalis ng bansa ang Kapuso actor noong Linggo, August 31, isang araw bago bawian ng buhay ang kanyang ama, ngunit nagpaalam naman si Sid kay Mark bago siya umalis.

Kasama ni Sid na dumating sa chapel kanina ang rumored girlfriend niyang si Alessandra de Rossi, na makailang beses namataan ng PEP na umiiyak.

Humahagulhol ding dumating sa chapel ang asawa ni Mark na si Maricar Jacinto-Eigenmann. Inalalayan ito ni Gabby papasok ng chapel.

Bukod kina Gabby at Sid, dumating din ang iba pang mga anak ni Mark na sina Max Eigenmann, Ira Eigenmann, at Andi Eigenmann.

Namataan din ng PEP ang kapatid ni Mark na si Michael de Mesa at ang anak nitong si Geoff Eigenmann.

Personal ding nakiramay sina Governor Vilma Santos, Angel Locsin, Erich Gonzales, Andrea Torres, Jackie Aquino, Joem Bascon, Marjorie Barretto, at Lolit Solis.

Si Vilma ay nakapareha ni Mark sa 1980 film na Miss X, habang si Angel naman ay nakasama ng yumaong aktor sa huling acting project nito, ang The Legal Wife ng ABS-CBN.

Nagkaroon din ng video tribute para kay Mark bandang ala-una ngayong hapon.

MONTEMAR, BATAAN. Sandaling nakausap ng PEP si Cherie Gil kanina.

Sinabi ng aktres na ang mga abo ni Mark ay paghahati-hatian ng mga anak nito, asawa, at silang magkakapatid.

Ito raw ay ilalagay sa maliliit na vials para gawing kuwintas.

Ang ilang bahagi naman nito ay kanila raw isasaboy sa Montemar Beach sa Bataan.

Paboritong lugar daw kasi ito ni Mark at ng kanilang pamilya tuwing may espesyal na selebrasyon sa kanilang buhay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN