Iza Calzado asks for Judy Ann Santos’s blessing before accepting role in Maria Leonora Teresa

"Bittersweet" ang deskripsiyon ni Iza Calzado tungkol sa tinatamasa niyang tagumpay ngayon sa ABS-CBN ngunit hindi na ito nakita ng kanyang yumaong ama na si Lito Calzado. Sabi ni Iza, "Siyempre bittersweet siya dahil maraming mga pagkakataon na naiisip ko na kung buhay ang daddy, sobrang saya niya na makita kung nasaan ako ngayon. Sayang lang, sayang talaga."


Aware daw si Iza Calzado na hindi siya ang original choice sa kanyang role sa pelikulang Maria Leonora Teresa.

Si Judy Ann Santos ang dapat sanang gaganap sa papel ni Iza sa horror drama movie na ito ng Star Cinema tungkol sa tatlong magulang na sabay-sabay mamamatayan ng mga anak dahil sa isang road accident at sasanib ang kaluluwa ng mga bata sa mga manika.

Pero sa ilang kadahilanan ay hindi nga natuloy si Juday sa naturang pelikula.

Kuwento ni Iza, “Ako po dapat ay hindi naman kasama sa original lineup.

“Isang araw, ako po ay nakatanggap ng tawag mula kay Direk Wenn [Deramas].

“Sabi niya, ‘Iza, may gagawin akong pelikula, isasama kita.’

“And then, sabi ko, ‘Direk, gagawa ako ng serye [Hawak Kamay], baka hindi ko kayanin.’

“Sabi niya, ‘Hindi, gagawin mo iyan.’

“‘Okay, Direk!’”

“’Tapos nalaman ko from my manager [Noel Ferrer], si Judy Ann daw pala, si Ate Juday ang gagawa [dapat].

“And then, humingi na lang ako ng basbas through Noel.

“Sabi niya, binigyan naman daw ako ng basbas ni Ate Juday.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Iza sa grand presscon ng Maria Leonora Teresa kahapon, Setyembre 4, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound.

Nakasama ni Iza sa presscon sina Direk Wenn, ang writer na si Keiko Aquino, at ang iba ang cast members na sina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo, Joem Bascon, Dante Ponce, Maria Isabel Lopez, Cris Villanueva, Tess Antonio, Joey Paras, Eagle Riggs, at Atak.

Nakipag-usap pa ba si Iza kay Juday tungkol dito?

Sagot niya, “Hindi na kami nagkausap kasi hindi ko naman inagaw sa kanya yung role or anything.

“At dito po, gusto ko pong magpasalamat.

“Hindi na kita Ate Juday… Juday!!! Thank you, thank you so much at binigyan mo ako ng basbas para gawin ito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matagal nang magkaibigan sina Iza at Juday. Nagkasama na rin sila sa mga pelikulang Ouija (2007) at Mga Mumunting Lihim (2012).



NO ISSUE ON BEING SECOND CHOICE. Hindi raw isyu kay Iza kung second choice man siya sa pelikula.

Saad niya, “Ako pa ba? Choosy pa ba ako? Buti nga merong ibinibigay.

“I mean, it doesn’t matter if you’re first, second, third or whatever choice.

“Sandra Bullock wasn’t the first choice for Gravity. I mean, you know, this things happen.

“Kung lagi mong iisipin yung ego, kung palagi mo siyang pagaganahin, saan ka dadalhin nun sa buhay mo.

“Hindi puwedeng iyon ang laging paiiralin.”

Ang ginawa na lang daw niya ay pagbutihin ang pagganap at i-imbibe ang role.

“Yung pagkamaarte ng role ko dito… maarte ako dito!

“Ang reaksiyon ko, ang lalaki! Para maiba rin.

“Kasi kailangang maiba from Patty [of Starting Over Again], and then nagkaroon ako ng Somebody To Love, Barber’s Tales, ‘tapos may Hawak Kamay.

“So, sana medyo iba rin yung makita nila dito,” sabi ni Iza.



SUCCESS AND HER FATHER. Nao-overwhelm ba siya na sunud-sunod ang mga proyektong ginagawa niya ngayon?

Sagot ng Kapamilya actress, “Medyo nakakapagod po.

“And then, in the end, it is overwhelming because parang bigla yung… yung parang dumagsa yung trabaho.

“Pero wala, e, at the end of the day, sasabihin mo lang, ‘Lord, salamat po.’

“’Tapos magdadasal ka lang, halimbawa thirty minutes pa lang yung tulog mo, ‘tapos kailangan mo ulit mag-breakdown sa ibang set.

“Sabihin mo lang, ‘Lord, kayo na po ang gagana rito.’

“And that’s when you know that prayers do work.”

Muntik namang maluha si Iza sa tanong sa presscon mula sa beteranong showbiz columnist-TV host na si Aster Amoyo na kung ano ang nararamdaman niya na sa kabila ng tinatamasa niyang tagumpay ngayon sa ABS-CBN ay wala na ang kanyang amang si Lito Calzado para makasama niyang mag-celebrate.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakangiti ako ‘tapos biglang… shocks, hindi ako iiyak!

“Nagulat lang kasi ako sa biglang kabig ng tanong mo, e.

“Siguro, unang-una sa lahat, nagpapasalamat lang ako sa Diyos dahil ibinigay Niya lahat itong opportunities na ito sa akin.

“And of course, ABS-CBN for all the wonderful opportunities.

“At to answer the last part of your question, siyempre bittersweet siya dahil maraming mga pagkakataon na naiisip ko na kung buhay ang daddy, sobrang saya niya na makita kung nasaan ako ngayon.

“Sayang lang, sayang talaga.

“But I guess this is part of how he’s guiding me and making sure that I’m doing great.

“Ramdam na ramdam ko yung kanyang presence sa buhay ko dahil alam niya ultimong small detail at alam niyang fan na fan ako ni Piolo simula bata ako.

“Ang dami, e… ‘Si Daddy talaga o, siguro gawa niya ito.’ Yung minsan may mga ganun ako.

“So, sobrang nami-miss ko man siya, alam kong masaya siya para sa akin.

“So, I just want to keep making him proud, and my mother, as well.”

Kapwa patay na ang mga magulang ni Iza.

Ang kanyang inang si Maria Antonia “Mary Ann” Ussher ay yumao noong 2001, habang ang ama niyang si Lito ay namatay noong Nobyembre 11, 2011.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN