Dino Guevarra has known the plan of friend Dingdong Dantes to wed Marian Rivera since last year

Dino Guevarra has known the plan of his friend Dingdong Dantes to wed Marian Rivera since October last year, "Kasi nagtatanong-tanong na, e, ‘Pare, ano ba ang buhay ng may asawa?’


Bilang isa sa mga matalik na kaibigan ni Dingdong Dantes sa showbiz, matagal na raw alam ni Dino Guevarra ang plano ng aktor na pakasalan ang girlfriend nitong si Marian Rivera.

Isa nga raw siya sa mga unang nakaalam tungkol sa nangyaring first engagement ng dalawa noong 2012.

Sina Dino at Dingdong ay magkagrupo noon sa Abztract Dancers bago sila naging mga artista. Kasama rin nila noon sa dance group ang pinasan ni Dingdong na si Arthur Solinap.

Kuwento ni Dino, “Matagal ko nang alam. Lagi naman kaming nagkikita nun [Dingdong], e.

"Noong una, every three months, naging every six months, hanggang sa naging busy siya, naging once a year.

"Pero we make it a habit na at least isang beses sa isang taon o dalawang beses sa isang taon ay nagkikita-kita kami."

Bukas na bukas naman daw ang komunikasyon nila sa isa’t isa.

“Oo, may Viber kami, e. Every day, Viber kami.

"Naka-Viber kami for how many years. Lahat kaming grupo [Abztract] nandoon, sila Arthur, lahat.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dino sa presscon at launching niya kasama ang anak na si Joaquin bilang mga endorser ng Indomie Instant Noodles, na ginanap kahapon, Setyembre 4, sa Annabel’s restaurant sa Quezon City.

Nakasama rin nila rito ang kapwa nila endorsers na si Bettina Carlos at ang anak nitong si Gummy, kung saan nagkaroon pa sila ng cooking demo ng noodles.

PUBLIC ENGAGEMENT. Natuwa nga raw si Dino nang kamakailan ay isapubliko na nina Dingdong at Marian ang kanilang engagement.

“Siyempre naman masaya ako para sa kanila, kasi nararamdaman ko na iyan noong October 31 last year nang mag-reunion kami.

"Kasi nagtatanong-tanong na, e, ‘Pare, ano ba ang buhay ng may asawa?’

"Sabi ko, ‘Pare, it’s about time.’

"So, parang alam na namin. May idea na kami.”

Boto ba siya kay Marian para sa kanyang kaibigan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ni Dino, “Oo naman, okay si Marian.

"Ang sa akin kasi, kung saan magiging maligaya si Dingdong.

"Nakikita ko namang happy si Dingdong, yun naman ang importante.

"Okay si Yanyan para kay Dingdong. They are a perfect couple.

"King and Queen nga, ’di ba?”

COMEBACK. Matapos ang matagal na pamamahinga, muling nagbalik sa showbiz si Dino noong 2013 at napasama sa cast ng GMA primetime series na Anna Karenina.

Pero nang matapos umere ang naturang serye ay muling nagpahinga si Dino. Ngayon ay gusto na ulit niyang maging aktibo.

Saad niya, “Ang plano ko, bumalik sa GMA.

"Wala pa akong pinipirmahang kontrata, pero I have shows coming up sa GMA.

"Yun nga, tomorrow [today, September 5], yung Love Hotline.

"May guesting din ako sa show ni Marian, so sasayaw ako kasama ko sina Wowie de Guzman at Michael Flores.

"Alam ko may Magpakailanman ako, ’tapos I have a teleserye coming up.

"I have a movie na gagawin, kaya lang hindi pa ako pwedeng magbigay ng detalye.”

Ang Love Hotline, hosted by Jean Garcia, ay isang love advice reality talk show na napapanood sa GMA-7 tuwing Biyernes ng hapon.

Tampok ang love story ni Dino at ng kanyang kasalukuyang kinakasamang si Karen sa episode na mapapanood ngayong hapon.

Totoo bang naiyak daw ang mga nasa studio during taping dahil sa istorya nila?

Sabi ni Dino, “Hindi ko nga alam kung bakit [sila umiyak], siyempre first time ko ulit lalabas sa telebisyon, e.

"Gusto ko ring siyempre on my part mag-apologize sa lahat ng tao, kila Kim [delos Santos, dati rin niyang karelasyon].

"Sa mga taong nasaktan ko kumbaga.

"I don’t want to mention names, kilala naman nila kung sino sila.

"Yun yung pagkakataon ko para mag-apologize sa kanila.

"E hindi ko alam na napapaiyak na pala ako, lahat din pala sila umiiyak din, hindi ko naman alam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre ayoko rin sanang umiyak, kasi alam mo naman ang mga tao...

"You can’t please everybody, pero yun, inilabas ko lang yung totoong nararamdaman ko."

KIM DELOS SANTOS. Matatandaang naging isa sa pinakasikat na loveteams noong ‘90s ang tambalan nina Dino at Kim sa bakuran ng Viva Films.

Kasabayan nila noon ang tambalan nina Dingdong at Antoinette Taus at Polo Ravales at Sunshine Dizon.

Naging kontrobersiyal noon ang relasyon ni Dino kay Kim dahil matapos nilang magpakasal ay nauwi rin ito sa hiwalayan at humantong pa sa annulment.

Si Kim naman ay sa Amerika na nanirahan. Hindi sila nagkaroon ng anak.

Hindi pa rin ba sila okay ni Kim?

Ayon kay Kim, “Ang huling usap namin… November 2004 kami naghiwalay, magte-ten years na.

"’Tapos November 24 yata siya umalis papuntang Amerika.

"Nag-usap kami… actually, hindi usap, nag-e-mail siya after three months.

"So, noong February [2005], nag-e-mail siya sa akin, yun na, it’s time to move on, yung mga ganun-ganun.

"Sinagot ko naman, maganda naman yung e-mail, yun ang closure namin.

"From then on, mula noong February 2005, hindi na kami nag-usap, hindi kami nagkita.”

Wala rin daw silang komunikasyon nang nagbakasyon sa Pilipinas noong 2011 si Kim.

Pero gusto niya pa rin bang makausap si Kim?

Sagot ni Dino, “Kaya nga yun ang gusto kong sabihin, na para sa akin, dahil lumabas ulit ako sa TV, nag-a-apologize ako.

"Yun naman yung parang closure ko naman.”

HUSBAND AND FATHER. Ngayong naayos na niya ang mga gusot sa kanyang buhay noon, iniisip na rin ba niyang magpakasal ulit at pakasalan si Karen, na executive sa isang malaking kumpanya?

Sagot ni Dino, “May mga anak na kami, e.

"Gusto rin namin pag nagpakasal kami, yung sa tamang paraan, sa maayos na paraan.

"Darating din tayo riyan. Mahal na mahal ko ang asawa ko at ang lahat ng mga anak ko—apat yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung dalawang lalaki ko sa una, kay Monica, are 16 and 15.

"And then kay Karen, si Joaquin and yung daughter ko.”

Kumusta naman siya bilang tatay?

“Naku, ang pinakamagandang sumagot niyan ay yung mga bata at saka yung asawa.

"Pero humbly, sasagutin ko iyan, siyempre I’m trying so hard na maging yung tinatawag na tunay na ama.

"Kasi ’pag tunay kang ama, nandiyan yung reponsibilidad.

"Sa ilalim ng responsibilidad, napakaraming sangay niyan, ’di ba, siyempre iisipin mo yung mga bata.

"Ano ang kakainin nila araw-araw, yung kalusugan nila, yung pag-aaral nila.

"Basta lahat ng para sa kanilang kabutihan, yun ang iniisip ko."

Feeling blessed naman si Dino na kahit hindi siya ganun ka-active sa showbiz ay napagkakatiwalaan pa rin siya para maging endorser.

Dagdag-saya pa raw iyong makasama niya sa endorsement ang anak niyang si Joaquin.

“Thankful lang ako na meron pa rin tayong ganitong endorsement, ’tapos kasama ko pa si Joaquin.

"Actually, kasama talaga sa bonding namin iyan ng mga bata, e, yung pagkain ng noodles.”

Hindi raw ito ang first time na magkasama silang mag-ama sa endorsement.

Photo by Glen P. Sibonga

“Meron kami yung SM Hypermarket. Kasama rin si Karen doon pati yung daughter ko, lahat kaming pamilya.”

Nakikita ba niya na papasok din sa showbiz ang mga anak niya?

Ayon kay Dino, “Actually, yung dalawa kinukuha yata ng ABS-CBN noong ipa-guest namin sa ASAP noong Father’s Day episode.

"Etong si Joaquin, nakita mo naman kanina, salita na nang salita sa mic, hindi na nahihiya.

"Okay lang naman sa akin kung papasok din sila sa showbiz, pero ang gusto ko, mag-aral muna sila.

"Yung mga commercial, endorsement, yung mga ganun-ganun, okay lang.

"At saka na sila mag-full time sa pag-aartista.

"Hindi ko naman sila pipigilan, susuportahan ko sila, basta mag-aral sila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN