Carl Guevara reveals his relationship with Kris Bernal lasted for two years

Carl Guevara on moving on after his breakup with Kris Bernal: "Siyempre, may time na mga unang linggo, naiisip ko siya, apektado ako. Pero ngayon, masasabi ko na naka-move on na ako. Magtu-two months na rin kaming walang conversation."


“Tapos na tapos na.”

Ito ang sagot ng hunky actor na si Carl Guevara nang tanungin kung tapos na ba talaga ang relasyon nila ng Kapuso actress na si Kris Bernal.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Carl sa presscon ng bagong TV5 series na Trenderas noong Martes, September 9, sa TV5 Media Center, Reliance St., Mandaluyong City.

Ano ba ang dahilan ng kanilang breakup?

Sagot ni Carl, “Meron lang mga bagay na hindi napagkasunduan at mas mabuti na rin siguro na itinigil na namin.”

Sino ang nagdesisyong tapusin na nila ang kanilang relasyon?

“Mutual,” sambit niya.

“Napagod” na ba siya?

“Siguro sa mga pangyayari, paulit-ulit. Mga maliliit na bagay, pagtatalunan.

“Pero wala namang third party.”

Ano yung mga maliliit na bagay na pinagtatalunan nila?

“Mga tampuhan lang, paulit-ulit,” nakangiting sabi ni Carl.

Pinabigyang-linaw naman namin kay Carl kung totoong nagsawa na si Kris sa mga “kalokohan” daw niya.

May mga pagkakataon daw kasing hindi nagpapaalam si Carl kapag lumalabas siya. Minsan yata ay nalaman pa ni Kris na may kasama siyang babae.

Sabi ng model turned actor, “Totoong lumalabas ako, minsan kasama ko ang mga kaibigan ko, kapatid ko… bonding.

“Kasi, hindi naman ako yung taong makuwento.

“Minsan, hindi ko nasasabi lahat.”



HE SAID, SHE SAID. Natawa naman si Carl nang tanungin kung bakit may paalamanan pa sila ni Kris, gayong sinasabi nila noon na hindi naman talaga sila.

Naging sila nga ba?

“Naging kami,” pag-amin na rin ni Carl.

Gaano katagal?

“Two years.”

Hindi ba salungat ang sinasabi niyang naging sila sa loob ng dalawang taon sa mga nagiging pahayag ni Kris?

Ayon kay Carl, “Kasi, sa totoo lang, sa management niya yun.

“Ayoko namang kontrahin ang management niya. Kanya-kanya kami ng management, e.”

Sabi naman ng ilang entertainment press kay Carl, itinanggi naman daw ng management na pinagbabawalan nila si Kris na umamin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero depensa pa rin ni Carl, “Yun ang sabi sa akin ni Kris. Okey lang naman, kasi kailangan ko siyang intindihin.”

Base sa obserbasyon ng ilang press, tuwing may bagong proyekto si Kris ay nagbi-break sila ni Carl.

Sabi naman ng binata tungkol dito, “Nagkakataon, e, hindi naman namin pinaplano yun. Pero nagkakataon.”

Inamin ni Carl na sa text message lang sila nag-break ni Kris. Parang hindi yata maganda na sa text lang sila nag-break?

“Actually, oo, ang daming nagsasabi,” pagsang-ayon niya.

Siya ba ang nag-text na break na sila?

“A, hindi, hindi… kaming dalawa, magkausap kami.”

Sabi ni Carl ay napagod siya. Nasaktan din ba siya?

“Oo naman, nasaktan… two years din.”



MOVING ON. Aminado si Carl na minahal niyang talaga si Kris sa loob ng dalawang taong relasyon nila.

“Siyempre, nakasama ko siya ng two years.

“So, siyempre, may time na mga unang linggo, naiisip ko siya, apektado ako.

“Pero ngayon, masasabi ko na naka-move on na ako.

“Magtu-two months na rin kaming walang conversation.”

Ayon sa usap-usapan, naka-block na raw si Carl sa social media accounts ni Kris.

Siya ba, in-unfollow na rin niya ang dating kasintahan?

Sagot ni Carl, “Hindi, hindi ko naman siya kailangang i-unfollow.

“Hindi ko alam kung in-unfollow niya ako.

“Kung yun ang gusto niya, kung yun ang ikatatahimik niya para maka-move on siya, e, di okey.”

Paano kung aksidente silang magkita?

“Okey lang, babatiin ko siya siyempre, kahit paano.”

Kumusta na siya ngayon?

“Mas okey ako ngayon, mas nabibigyan ko ng oras ang sarili ko, trabaho ko.

“Siyempre, ang oras ko kasi, hawak ko lahat.”

Marami bang naibigay sa kanya si Kris?

“Meron din, maraming naibigay sa akin at marami rin akong naibigay sa kanya.

“Pero siyempre, sa akin naman, wala namang bilangan.

“Kapag nagmamahalan kayo, hindi naman sa pera yun, walang bilangan. Pangit yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka, siyempre, kapag mahal mo ang isang tao, gagawan mo ng paraan para maibigay sa kanya kapag alam mong ikaliligaya niya.”



ESCORT GUY? Sa kabilang banda, pinasagot na rin ng PEP kay Carl ang pagkakasama ng larawan niya sa isang online site ng diumano’y escort guys, at may presyo pa raw siyang “P30,000 per 3 hours.”

Sa hanay ng mga lalaking artista kasama sa naturang site, lumalabas na siya ang “pinakamahal.”

Nakarating na raw kay Carl na may ganito ngang site na nandoon ang picture niya at may presyo pa.

Sabi niya, “May nagsabi nga, gusto ko ngang hanapin yun, ‘tapos ako na magbibigay sa kanya ng 30K.”

Ano ang naging reaksiyon niya nang malaman niya ang tungkol dito?

“Siyempre, nagulat ako.

“Nanay ko rin, mahilig magbasa ng diyaryo. Kung makita niya, siyempre magugulat siya.

“Itatanong agad niya sa akin.

“Sa totoo lang, nakakapikon din.

“Kasi, hindi naman biro na magpu-post siya ‘tapos ilalagay ang pangalan ko, ‘tapos may ganyan.

“Pero nakakatawa rin, parang, ‘Sino ba ang gumawa nito?’

“Siyempre, kung makita ng iba, maniwala pa.”

Paano kung may kumontak nga sa kanya?

Natatawang sabi niya, “Paano naman nila ako makokontak?

“Siyempre hindi, wala talaga.”

Wala pa namang indecent proposal sa kanya?

“Wala naman,” sagot niya.

Hindi naman daw siya breadwinner sa pamilya nila at kahit paano, nakakaipon siya sa pagtatrabaho niya.



TRENDERAS. Sa Trenderas, si Carl ang gaganap sa papel ni EJ bilang ka-love triangle nina Isabelle de Leon at Lara Maigue.

Masaya ba siya ngayon sa TV5?

Sagot niya, “Okey naman, masaya naman kasi sunud-sunod ang trabaho.

“Alam kong binibigyan nila ako ng importansiya at pagmamahal. Parang winelcome naman nila ako.

“And then, meron din akong gagawin na Almost A Cinderella with Eula Caballero.

“Hindi naman ako nakakontrata sa TV5, per project ako, kaya nakakalabas din ako, like sa GMA, gumawa ako ng Wagas, Maynila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN