Marian Rivera to lessen sexy exposure after her wedding to Dingdong Dantes

“Kung dati walang limitations, this time, may asawa ka, may kompromiso na ‘yan. Hindi lang ako ang magde-decide kasi may Dingdong na,” says Marian Rivera about accepting sexy projects after her wedding to Dingdong Dantes on December 30.


Kasabay ng paghahanda para sa kanyang kasal, pinaghahandaan din ni Marian Rivera ang kanyang pagrampa sa The Naked Truth fashion show.

Sa panayam ng ilang piling entertainment reporters kay Marian kahapon, September 10, sinabi ng Kapuso Primetime Queen na iniingatan niyang madagdagan ang kanyang timbang dahil sa nalalapit na Bench fashion show, na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena, sa Pasay City, sa September 19.

“Pinaghahandaan ko talaga kaya payat ako para ’di naman nakakahiya sa 19,” nakangiting sabi ng actress-TV host.

Dagdag pa niya, nakatulong din marahil sa pagme-maintain ng kanyang balingkinitang katawan ang paghahanda nila ni Dingdong Dantes para sa kanilang kasal sa December 30.

“Siguro isa rin ‘yan sa dahilan kaya ang payat ko, kasi ngarag ako sa mga bagay-bagay.

"Kasi, hands-on kami ni Dong sa lahat ng bagay.

“May katulong kami sa mga ginagawa namin, pero still, kami pa ring dalawa ang nagde-decide.

“Mabusisi, mahirap, madugo... lahat na lang ng term!

“Pero ang importante, nag-e-enjoy kami sa bawat detalye ng ginagawa namin.”

Hindi tiniyak ni Marian kung ano ang magiging suot niya sa The Naked Truth.

Pero sabi niya, “Doon talaga ako sa line ng Bench Body, so may pagka-sexy pa rin.”



LESS SEXY PROJECTS. Kaugnay nito, tinanong ng entertainment press si Marian kung tatanggap pa rin siya ng offers kung saan kailangan niyang magpa-sexy kapag kasal na sila ni Dingdong.

Sagot ng reigning Sexiest Pinay ng FHM Philippines, “Puwede siguro rumampa nang hindi masyadong sexy.

“Pero ako, siyempre, iba na yata ‘yon kasi may asawa ka na.

“Dapat more presentable ka na sa mga ginagawa mo, at saka nakakahiya naman sa magiging asawa mo.

“Pero hindi naman to the point na magiging manang ako, hindi naman.”

Hindi pa matiyak ni Marian kung anu-ano ang magiging limitasyon niya pagdating sa mga ganitong offer.

Katuwiran niya, “Mahirap kasi magsalita nang tapos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero kung dati walang limitations, this time, may asawa ka, may kompromiso na ‘yan.

“Hindi lang ako ang magde-decide kasi may Dingdong na.

“May consultation dapat kasi kung wala, para saan pa yung salitang asawa?

“Huwag na lang, dyowa-dyowa na lang, ’di ba?”



STARTING A FAMILY. Nabanggit din ni Marian ang hiling niyang pagkatapos nilang makasal ni Dingdong ay magkaroon sila agad ng anak.

Natatawang sabi pa ng 30-year-old actress, “Hindi na ako bagets, kailangan ko na. Mukha lang po akong 20!”

Nang tanungin kung ilan ang gusto niyang maging anak, pabirong sagot ni Marian, “Hanggang ilan ang kayang ibigay. Sunud-sunod sana, walang tigil!”

Sa ngayon, hindi pa raw nila napag-uusapan ni Dingdong kung ano ang magiging limitasyon nila sa kani-kanilang career kapag nagsimula na sila ng kanilang pamilya.

Aniya, “Hindi pa namin napag-uusapan.

“Siguro kapag nagkalaman na ang tiyan ko, doon papasok ang topic na ‘yan.

“As of now, wala pa naman.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN