Dennis Trillo on ’Drama King’ title: “Hindi naman ako after sa mga title-title na ‘yan.”

Hindi naman daw ibig sabihin na namimili ng proyekto si Dennis Trillo kaya hindi siya ganun kadalas napapanood sa GMA. Mas gusto lang daw niya na iba’t ibang karakter ang kanyang gagampanan, yung hindi paulit-ulit dahil ayaw raw niyang pagsawaan ng publiko.


Sa grand launch ng bagong primetime series ng GMA na Hiram Na Alaala kagabi, September 11, ipinakilala ang isa sa mga bida ritong si Dennis Trillo bilang “Drama King.”

Pero halatang naiilang ang Kapuso actor sa bagong titulong ibinigay sa kanya ng home network.

Pahayag niya matapos ang cast presentation, “Hindi ako ready sa mga ganyang title, e, dahil hindi naman ako after sa mga title-title na ‘yan simula pa noon.

“Pero gusto ng network, yun na lang, okay lang.

"Medyo awkward, pero medyo naaano ako ’pag sinasabi, kasi hindi talaga ako naghahangad ng mga ganoong title.”

Ito ang pahayag ng 33-year-old actor sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media kagabi, September 11, sa grand presscon ng Hiram Na Alaala, na ginanap sa Studio 6 ng GMA Network.

DENNIS, THE SERIOUS ACTOR. Halos isang taon na matapos ang phenomenal success ng My Husband’s Lover, kung saan lalong kuminang ang bituin ni Dennis bilang isang aktor.

Kasalukuyan namang umeere ang medical-drama show niya sa GMA na Sa Puso Ni Dok.

Dahil sa matagal-tagal ding pagitan ng kanyang mga proyekto, namimili na ba talaga siya ng roles na tinatanggap?

Paliwanag ng award-winning actor, “Hindi naman namimili.

“Siguro yung GMA yung namimili para sa akin dahil alam nila na gusto ko, iba.

"Kasi marami na rin akong nagawang… yung plain lang na role na husband na mabait, boring.

"Para sa akin, nabu-bore na ako sa ganun."

Mula sa gay role niya sa My Husband’s Lover, gagampanan naman ni Dennis ang isang matikas na sundalong si Ivan sa Hiram Na Alaala.

Sabi niya tungkol sa kanyang bagong karakter, “Gusto ko yun, e, na iba-iba yung lagi kong ginagawa.

“Katulad ng sinabi ko dati, ang tagal ko na sa industriya, marami na akong nagawang roles.

"At kung yun at yun lang yung makikita nila sa akin, magsasawa sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At ayoko namang magpi-fade away na lang yung career ko.

"Gusto ko lagi akong nag-i-improve, gusto ko may bagong inaabangan lagi ang mga tao sa akin.

“Kailangan mo pa ring nire-reinvent ang sarili mo dahil parang business din ‘yan, e. Kung walang bago, magsasawa ang kliyente mo."

Tinatalakay ng Hiram Na Alaala ang kuwento ng pakikipaglaban para sa bayan at sa mga nawawalang alaala na manunumbalik dahil sa isang aksidente.

Stolen Memories ang dating titulo ng show, pero parang negatibo raw ang dating sa management dahil parang ninakaw.

Kaya minabuti nilang palitan na lang ang titulo para maging positibo ang connotation nito.

Bukod kay Dennis, kasama rin niya bilang mga bida rito sina Kris Bernal, Lauren Young, at Rocco Nacino.

Magsisimulang mapanood ang Hiram Na Alaala simula September 22, sa babakantehing timeslot ng Ang Dalawang Mrs. Real.



HAPPY BEING SINGLE. Kung sa Hiram Na Alaala ay dalawa ang magiging love interest ni Dennis—sina Kris at Lauren—sa totoong buhay ay nananatili pa ring single ang aktor.

Aniya, “Magdadalawang taon na.

"Kasi nakita ko na mas maganda rin naman yung nangyayari.

“Nung wala akong girlfriend, napansin ko na mas matino nang konti [takbo ng career], so natuwa ako dun.

"Kaya itinuluy-tuloy ko lang naman."

Kahit pakikipag-date ba ay iniiwasan din niya?

Sagot ni Dennis, “Bihira, e.

"Kasi ’pag wala akong taping, ini-spend ko yung oras ko sa pamilya ko, sa anak ko. Kasama ko sila lagi,” pagtatapos ni Dennis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN