Superstar Nora Aunor feels neglected during TV5 show press conference

Wala na raw balak pumirma muli ng kontrata si Nora Aunor sa TV5 ngayong magtatapos na ang kanyang three-year exclusive guaranteed contract sa istasyon.


May sama nga ba ng loob ang Superstar na si Nora Aunor sa mga namamahala ng musical-comedy series ng TV5 na Trenderas?

Wala kasi ito sa grand presscon ng nabanggit na show noong Martes, September 9, sa TV5 Media Center sa Mandaluyong City. May guest appearance si Ate Guy sa show pero hindi ito nakita ng media sa nasabing press launch.

Kaninang tanghali, September 16, sa grand presscon ng pelikula niyang Dementia sa Imperial Palace Suites, Tomas Morato, Quezon City, hiningan ng komento si Nora ng ilang press tungkol sa bago niyang show sa Kapatid Network.

Sabi niya, “’Di ko pa alam. Binago nila yung istorya, e. Wala pang script na ibinibigay sa akin.”

Wala nang iba pang detalyeng ibinigay si Nora.

May malapit kay Ate Guy na nakapagsabi sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na feeling daw nila nabastos sila noong grand presscon ng Trenderas dahil masyado raw silang maagang pinapunta sa TV5 Media Center.

Alas-kuwatro ng hapon ang call time ng mga artista para sa naka-schedule na 6 p.m. presscon, pero 3:30 pa lamang daw ng hapon ay nandun na sila.

Kaya naman daw ganun kaaga ang calltime para raw may oras para sa pagmi-make up.

Sabi ng aming source, “E, naka-make up na si Ate Guy ’pag dumadating sa mga presscon niya.”

Okay lang daw sana kung may nag-asikaso man lamang daw sa kanila na mga tao ng production o mula sa public relations office. Kaso wala raw.

Mabuti na lamang daw at may isang bumaba sa kanila na nagngangalang "Maru" upang kakausapin sila tungkol sa presscon.

Bandang 5:30 raw ng hapon, dahil gutom na gutom na raw si Ate Guy, umalis na lamang daw ito ng TV5 Media Center.

Nagpahatid daw ito sa driver sa may Eastwood at bumaba raw ito sa isang restaurant na kanilang nadaanan upang dun kumain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HIGH REGARD FOR ATE GUY…” Kaagad na hiningan ng reaction ng PEP ang Corporate Communications head ng TV5 na si Peachy Guioguio.

Sa statement na kanilang ipinadala, humingi sila ng despensa kung naramdaman daw ng Superstar na naitsapuwera ito sa presscon ng Trenderas.

Sabi niya, “We’re sorry to hear that Ate Guy felt neglected during the presscon of Trenderas.

“Call time for all artists was at 4pm and she was welcomed by one of our TV5 executives.

“We have such high regard for Ate Guy and it is unfortunate that she felt that way.”

NOT TO RENEW CONTRACT. October 28, 2011, nang pumirma si Nora ng three-year exclusive guaranteed contract sa TV5 noon.

Personal na nasaksihan ng PEP ang pagpirma ng kontrata ni Ate Guy sa Meeting Room A ng Marriott Hotel sa may Resorts World Pasay City.

Kasama ni Nora sa pagpirma ang bigwigs ng TV5 na sina Atty. Ray Espinosa, Mr. Bobby Barreiro, at Mr. Perci Intalan.

Incidentally, si Perci ay nag-resign na sa TV5 noong June 2013 at naging director ni Nora sa Dementia na ipapalabas na sa mga sinehan sa darating na September 24.

Read: Nora Aunor signs three-year guaranteed contract with TV5

Ngayong isang buwan na lang halos ang kanyang kontrata sa TV5, balak pa ba niyang pumirma muli sa istasyon sakaling mag-offer muli ito sa kanya?

Diretsong sagot nito, “Hindi na siguro. Wala na siguro.”

Nilinaw naman niyang wala pa siyang offer sa ibang istasyon at okey na rin daw sa kanya ang maging freelancer muna.

Inulit din niyang malaki pa rin ang utang na loob niya sa istasyong muling nagbigay ng break sa kanya matapos ang ilang taong pamamahinga sa Estados Unidos.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN