Dennis Trillo on his zero lovelife: “Ayoko nang magsayang ng oras ng iba, ayoko na ring sayangin yung oras ko.”

Dennis Trillo explains why he chose career over romance: “Kasi mahirap lang ding pagsabayin. Siyempre may anak ako, may pamilya ako... Matagal ako nakapahinga, pero pag dumating kasi ang mga projects, sunud-sunod naman.”


“Lovelife ko? Wala. Medyo boring kasi wala, e.

“Hindi, siguro ano, hindi talaga puwedeng makuha mo yung best of both worlds.

“Mahirap.”

Ito ang sagot ni Dennis Trillo nang tanungin namin kung kumusta na ang lovelife niya.

“Kasi mahirap lang ding pagsabayin. Siyempre may anak ako, may pamilya ako... Matagal ako nakapahinga, pero pag dumating kasi ang mga projects, sunud-sunod naman.

“So ayoko lang na pilitin yung relasyon tapos wala rin naman akong mai-o-offer na oras so, basta pag okay na lahat, susunod na yan,” dagdag pa niya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa press launch ng Hiram na Alaala na bagong drama series na pinagbibidahan niya kasama sina Kris Bernal at Rocco Nacino. Ginanap ang launch noong Huwebes, September 11, sa Studio 6 ng GMA Network Center.

Hindi naman daw siya naiinggit sa sunud-sunod na wedding proposals sa showbiz, una ni Dingdong Dantes kay Marian Rivera, na sinundan ni Senator Chiz Escudero kay Heart Evangelista.

Aniya, “Wala pa, e.”

Sa tingin ba niya, kapag nagkaroon na siya ulit ng girlfriend ay magpu-propose na siya dito? Na ito na ang “the one”?

“Hindi ko alam kung ready na ako, e. Pero kung papasok man ako sa relasyon, gusto ko talaga yung sigurado na rin.

“Ayoko nang magsayang ng oras ng iba, ayoko na ring sayangin yung oras ko.

“At marami na rin akong natutunan sa mga relasyon kaya siguro, naging mas maingat lang ako kaya medyo matagal lang bago ulit ako magkaroon ng relasyon,” pahayag niya.

ON BREWING TOM-CARLA ROMANCE. Napapabalitang may namumuong relasyon sa pagitan nila Tom Rodriguez at Carla Abellana.

Tanong ni Dennis, “Confirmed na ba?

“Kaibigan ko pareho yung dalawa na yun.”

Iisa ang manager nina Dennis at Tom—si Popoy Caritativo ng Luminary Management.

Bukod dito ay magkakasama dati sina Carla, Tom at Dennis sa My Husband’s Lover.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noon ba ay nakikita na niya na nagkakadebelopan ang dalawa niyang co-stars?

Pagklaro niya, “Hmmm, parang naramdaman ng konti pero ayoko namang pag-isipan ng masama.

“Pero natutuwa ako na masaya sila pareho. Iyon lang ang masasabi ko. Masaya sila.”

Naturuan ba niya si Tom kung paano maging malihim tungkol sa lovelife?

“Malihim na ba? Malihim na,” at natawa si Dennis.

“Hindi, baka ayaw niya lang na ano, siguro sobrang special lang nung mga nangyayari sa kanya ngayon kaya pinag-iingatan niya din na alam mo yun, protektahan, na yung pakiramdam na yun.”

Hindi siya naiinggit sa dalawa?

“Inggit? Naku, wala, wala! Ako yung taong hindi inggitero sa mga ganyan pero alam ko naman na darating rin yung para sa akin kaya antay-antay lang,” sabi pa niya.

ON JENNYLYN. Medyo naging malihim naman si Dennis pagdating sa naganap na recording nila ni Jennylyn Mercado para sa album ng singer-actress.

Nagawang maitago ang naturang recording session nila kaya hindi napagpiyestahan ng media.

Depensa niya, “Hindi, wala, ano lang...”

Sabay daw silang nag-recording ng duet nila.

Saan yun?

“Sa... saan ba, sa isang recording studio.

“Duet lang yun, duet lang. Alam mo yun, parang gesture lang na okay na lahat, na magkaibigan na lahat,” natatawa niyag sagot.

Matipid rin ang mga sagot ni Dennis nang tanungin kung sino ang nag-approach para maging guest siya sa album ni Jennylyn.

Dagdag pa niya, “Paano ba?

“Siguro, kasi album ni Jen yan kaya siguro mas maganda siguro ano na lang, siya na lang [ang tanungin].”

Sino ang nag-request?

“Wala, napag-usapan lang,” pakli pa niya.

Silang dalawa ni Jennylyn ang nag-usap?

“Paano ba? Hindi ko na maalala, e. Hindi ko na naaalala.

“Hiram na rin ang alaala ko, hindi ko na matandaan,” ang natatawa pa ring pag-iwas ni Dennis na pag-usapan ang kaganapan.

“Hindi pero ano, maganda yung kanta. Maganda yung kanta.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ni Dennis, “Ayokong mapangunahan yung promo ng album niya, baka puro sa akin pa manggaling lahat. Siyempre album niya yun, gusto ko siya [ang magsasalita].”

RECONCILIATION? Sa recording nila nag-ugat ang balitang nag-date sila.

“Baka kumain lang dahil siyempre nakakagutom ang recording, baka iyon lang yun, pero wala naman talaga.

“Trabaho lang. Walang personal, trabaho lang talaga,” paliwanag niya.

Isang teleserye na kaya ang susunod na project nila ni Jennylyn?

“Puwede naman talaga, puwede naman. Wala naman akong tinatanggihang mga katrabaho. Lahat naman.”

At ang kasunod na kaya ng teleserye ay reconciliation?

Lahad niya, “Ay naku! Hindi ko pa alam. Wala pa nga yung teleserye, e.

“Tingnan muna natin, ’di ba? Pero…”

NO TO POLITICS. Malapit na ang 2016 election; wala bang kumukuha kay Dennis para tumakbo sa pulitika?

Paglinaw ni Dennis, “Naku, iyan ang hindi ko papasukin, ’yang pulitika na yan!”

May mga kumausap na raw sa kanya.

“May mga lumalapit, pero hindi ko linya ang pulitika talaga, e.

“Magulo, e! Nakita naman natin yung mga nangyayari sa mga kapatid natin sa pulitika.

“Iyon lang, ayoko nang magsabi ng ano,” at natawa si Dennis.

Ano ang isinasagot niya sa mga kumukuha sa kanya?

“Sabi ko lang, ‘Pasensiya na po, hindi ko talaga hilig yan, hindi talaga ako yung tamang tao para sa trabaho na ’yan.’

“Siguro may ibang mas deserving na mas makakapagbigay ng mabuting serbisyo sa bansa natin.

“Pero hindi ako yun,” diin niya.

Sa Hiram na Alaala na ipapalabas na sa Lunes, September 22, gaganap si Dennis bilang si Ivan Legaspi, si Kris naman ay gaganap bilang si Andrea Dizon, si Lauren Young bilang si Bethany Sandoval, at si Rocco ay gaganap bilang si Joseph Corpuz.

Sa direksyon ni Dominic Zapata, mapapanood din sa naturang GMA drama series sina Jackielou Blanco bilang Regina Legaspi, Shyr Valdez bilang Araceli Corpuz, Dexter Doria bilang Ola Dizon, Antonio Aquitania bilang Benedict Corpuz, Allan Paule bilang Xander Dizon, Julia Lee bilang Gelai, Kenneth Paul bilang Chris Corpuz, Rap Fernandez bilang Bruno, Nina Ricci Alagao as Martina Sandoval, at si Miss Lotlot de Leon bilang si Annabelle Sta. Cruz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN