Gilas forward Marc Pingris targets finals berth in Asian Games

Gilas player Marc Pingris vows to clinch finals slot in Asian Games: “Dodoblehin namin yung pagpa-practice namin ngayon, galing nga kami sa FIBA [Basketball World Cup]. So kailangan talaga itong target natin sa Asian Games, kailangan makapasok tayo ng finals. Yun talaga ang target namin ngayon.” Accompanying Marc at the 2014 FIBA in France were his wife Danica Sotto (inset), their kids, his father and his mother-in-law, Dina Bonnevie.


Bago umalis si Marc Pingris patungong Korea para sa laban ng Gilas Pilipinas sa Asian Games, nagpaunlak ito ng isang panayam sa Startalk kasama ang asawa niyang si Danica Sotto.

Nagpapasalamat si Marc sa lahat na nagdasal para sa Gilas at sa mga kababayan natin sa France na nanood at nakisigaw para sa kanila sa nakaraang FIBA World Cup.

Pero malaki ang pasasalamat ni Marc sa kanyang mother-in-law na si Dina Bonnevie dahil sinamahan sila para suportahan ito. Mas malakas pa nga raw ang tili ni Dina kesa kay Danica.

“Kasi hawak ko ang mga bata, kaya nadi-distract ako,” pakli ni Danica.

TEARFUL LOSS. Nakiiyak din daw ang mag-inang Dina at Danica nang na-eliminate na ang Gilas, dahil hindi raw napigilan ni Marc na maiyak.

“Bumalik kasi sa akin yung lahat ng mga training namin. Lahat ng mga pinaghirapan namin, bumagsak,” napapangiting pahayag ni Marc dahil naluluha na naman daw siya.

“Parang masakit lang kasi, pero kailangan mong tanggapin. Siguro part ng buhay mo yun para mas mag-grow ka.

“Para mas malaman mo kung ano yung mga kulang sa ‘yo,” dagdag pang pahayag ni Marc.

“Nakakahinayan lang kasi makikita mo rin yung mga Pilipinong sumisigaw dun, umiiyak din sila, e.

“Sa totoo lang, 80 percent ng nanonood dun sa FIBA mga Filipino talaga. Sa aming lahat talaga sila. Talagang malungkot, e.

“Siguro, talagang may purpose si Lord, kaya nangyayari yung ganung bagay.”

Sabi naman ni Danica, “Umiiyak din ako nun. Si Marc kasi yung ugali niya, ayaw na niya muna yung pag-uusapan or ipapaalala mo yung ganun.

“Gusto niya makapag-isa muna, yung maihinga niya muna, and then after, sige you can talk to me. So, I gave him space, tapos nung ready na siya, nag-dinner na lang kami.”

REUNION WITH MARC’S DAD. Ang isa lang sa nagpasaya kay Marc sa paglaro niya sa FIBA ay ang pagkikita nila ng kanyang ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Natuwa lang talaga ko, sobrang natuwa ako. Masaya lang, sa dami-dami ng bansang mapupuntahan yung France pa, tapos nandun pa sila Daddy, malapit lang,” sagot ng 32-year old na basketbolista.

Dagdag pa ni Danica, “Kaya ko nga sinama yung mga bata kasi, nangungulit talaga siya na matagal na daw niyang hindi nakikita sila.

“So gusto niyang makasama naman. Siya rin yung main reason why dinala ko yung mga bata.”

VIC’S SUPPORT. Nandiyan din daw ang suporta ni Vic Sotto kahit hindi ito nakasama sa kanila.

“We were in touch the whole time,” pakli ni Danica.

“Pero baka try niya raw sa Korea itong Asian Games, baka makapunta raw. Sa September 20, 21 to October 3,” singit naman ni Marc.

TRAINING FOR ASIAN GAMES. Ngayong lalaban na naman sila sa Asian Games sa Korea, tuluy-tuloy pa rin daw ang ensayo ng kanilang team.

“Every day naman nagpa-practice kami sa Gilas. Ganun pa rin, kailangan mas mag-work hard kami ngayon.

“Dodoblehin namin yung pagpa-practice namin ngayon, galing nga kami sa FIBA.

“So baka mamaya, lumaki yung ulo namin. Ayaw din namin mangyari yun.

“So kailangan talaga itong target natin sa Asian Games, kailangan makapasok tayo ng finals. Yun talaga ang target namin ngayon,” pahayag ng kilalang baskebolista.

MORE TIME WITH KIDS. Ang isa lang sa ikinalulungkot ni Marc ay nawawalan na raw siya ng panahon sa kanyang mga anak.

Madalas na hinahanap nga raw siya sa bahay ng mga anak niya. Kaya nang nakita raw siya, tuwang-tuwa ang mga bata.

“Sobrang hinahanap nila ako sa totoo lang,” bulalas ni Marc.

“Pag nakita kami, sabik na sabik ako, sabik din silang makasama kami sa pagtulog.

“Ang sarap din sa pakiramdam na hinahanap ka ng anak mo. So sinasabi ko, nasa work lang si Daddy. Kaya pag-uwi ko, talagang todo laro kami, then kuwentuhan,” sabi pa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahit kay Danica ay kulang na rin daw ng oras si Marc. Kung siya raw ang masusunod, gusto raw niyang masundan sana ang dalawa nilang anak.

Gusto raw sana ni Marc madagdagan pa sila ng tatlong anak, pero kung si Danica naman ang tatanunign, tama na raw ang tatlo.

“O sige, last na yung ano, sana twins para isang anuhan na lang,” natatawang pahayag ni Danica.

IDEAL RELATIONSHIP. Ipinagmamalaki ng mag-asawa na wala raw pressure ang kanilang relasyon. Buo raw ang tiwala ni Danica sa kanyang asawa, kahit aware siyang malapit sa mga babae ang mga sikat na basketbolista.

Kuwento ni Danica, “Minsan pa nga nang-iinis pa siya sa akin, e. Parang nagmi-make up siya ng story para mainis ako.

“Una, tina-trust ko siya, and alam ko naman na kung may kalokohan naman siya, mai-expose naman yun.

“Pero pinagpi-pray ko na lang siya parati, ’tsaka pinaparamdam din naman niya sa amin na safe kami, secured kami.”

Dagdag pang pahayag ni Danica, “Alam ko kasi kung ano ang pinasok ko bago kami nagpakasal.

“Alam ko naman na basketball player. Saka galing din kasi ako sa showbiz, naiintindihan ko rin kung paano yung fans minsan.

“Mas happy nga ako kapag hinahangaan siya ng mga babae.”

Saad naman ni Marc, “Siyempre unang-una iniisip ko rin yung family ko. Kasi hindi rin yun talaga mawawala [yung temptations]. Katulad nung sinabi ni Danica, hindi mawawala sa trabaho namin yun.

“Hindi lang naman ako, pati rin sa asawa ko ganyan, dahil alam mo naman artista si Danica.”

Sumingit din si Danica, “Kahit sino mati-tempt.”

“Blessed naman ako palagi. Si Danica, nagpi-pray para sa akin, lagi niya akong niri-remind. Palagi niya akong tini-text, ganun.

“Napaka-blessed ako na may asawa akong ganito,” masayang tukoy ni Marc kay Danica.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN