Shaira Mae is happy that boyfriend Edgar Allan Guzman approves of her loveteam partner Mark Neumann

Shaira Mae (shown with loveteam partner Mark Neumann) reveals that she knew all along that Mark had a crush on her: “E, kasi bago kami nagkatrabaho ulit ang tagal na, e. Kaya feeling ko, yung crush na iyon nawala na. Napunta na sa friendship, kasi feeling namin mas okay kami pag friends lang talaga.”


Tiwala ang TV5 Talent Center sa artist at alumna ng Artista Academy na si Shaira Mae na hindi magkakaroon ng isyung selosan sa pagitan ng kanyang actor-boyfriend na si Edgar Allan Guzman at sa ka-loveteam niyang si Mark Neumann.

Pagkatapos kasi ng mga proyekto sa TV5 na hindi sila magkasama, balik-tambalan sina Shaira at Mark sa second offering ng bagong Kapatid primetime mini-series, ang Wattpad Presents: Mr. Popular Meets Miss Nobody, na mapapanood mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 3.

Kasama nila sa cast sina Perla Bautista, Lander Vera Perez, Shirley Fuentes, Carlos Morales, Diego Loyzaga, Pam Mendiola, Donnalyn Bartolome, Bryan Olano, at Prince Justine Navarro.

Sabi ni Shaira, “Actually, sa lahat po ng boys, kay Mark po pinakamalaki ang tiwala ni Edgar kaya nakakasigurado po ako na wala pong selosang mangyayari.

“Happy si Edgar na si Mark ang ka-loveteam ko and sabi niya, bagay daw kami at kahit siya raw kinikilig.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Shaira Mae sa pocket interview na inorganisa ng TV5 para sa Wattpad Presents: Mr. Popular Meets Miss Nobody na ginanap noong Setyembre 25 sa conference room ng TV5 Media Center sa Reliance Street, Mandaluyong.

Bakit sa tingin ni Shaira ganun na lang ang tiwala ni Edgar kay Mark?

“Kasi po matagal na rin silang magkakilala and magkakasama po kami sa Tropa Mo Ko Nice Di Ba? [weekly gag show ng TV5]. Kumportable na talaga siya kay Mark.”

ON MARK NEUMANN. Natanong ng PEP si Mark kung ano ang pakiramdam na pinagkakatiwalaan siya ng boyfriend ni Shaira?

“Siyempre unang-una, proud kasi bilang kuya ko si Kuya Edgar, pinagkakatiwalaan niya ako to have his girlfriend as my loveteam partner.

“He trusts me, and I respect that. He always tells me na, ‘Take care of her and ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko.’

"Sabi ko, ‘Oo naman, bro. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala.’ Kumbaga walang malisya, trabaho lang. I respect their relationship,” ani Mark.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natutuwa nga si Shaira na may magandang samahan sina Edgar at Mark. Sinusuportahan nga raw ni Edgar ang loveteam nila.

Kumusta naman ang balik-tambalan nila ni Mark?

Sabi ni Shaira, “Mas kumportable, mas okay kami. Mas kilala na namin yung sarili namin, gamay na namin yung bawat isa kung paano yung atake sa eksena, ganun.”

Pero pareho raw silang nakakaramdam ng pressure dahil isa sa most popular novels sa Wattpad ang mini-series na pinagbibidahan nila lalo na’t may 11.9 million online readers na ang Mr. Popular Meets Miss Nobody.

Pag-amin niya, “Actually, may pressure talaga. Kahit noong nagte-taping kami, meron talaga.

“Bawat scene iniisip ko kung ano kayang puwedeng gawin, kailangan matuwa yung mga readers, and now yung mga viewers. Hindi mawawala na may expectations sila, so pinagbutihan talaga namin.”

May mga bago ba siyang natuklasan kay Mark?

“Kay Mark? Flexible naman si Mark, kaya niya lahat gawin and determinado siya. Kapag may ibinigay sa kanya talagang inaayos niya.

“And then yung pagta-Tagalog niya mas okay na ngayon. Kahit na magkabulul-bulol siya ita-try niya talaga at talagang pag-aaralan niya,” lahad niya.

Sa isang interview, inamin ni Mark na noong nasa Artista Academy pa raw sila ay naging crush niya talaga si Shaira. Ano ang reaksyon dito ng aktres?

Natawa muna si Shaira bago sumagot, “Ah oo, kasi before, meron kaming aminan na ganun.”

Pero hindi naman daw ito na-develop sa mas malalim na pagtitinginan?

“E, kasi bago kami nagkatrabaho ulit, ang tagal na e. Kaya feeling ko, yung crush na iyon nawala na. Napunta na sa friendship kasi feeling namin mas okay kami pag as friends lang talaga.”

ON EDGAR ALLAN. Ano ang reaksyon ni Edgar sa bagong proyekto ni Shaira sa TV5?

Ayon kay Shaira, “Siyempre masaya siya, proud siya sa akin at saka talagang sinusuportahan niya ako. Kasi finally ’eto bida na kami ni Mark talaga at saka Wattpad pa, so natuwa siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkita na ba ulit si Edgar at si Mark?

Dagdag pa niya, “Yes, in fact ipinakita ko sa kanya yung MTV ng show namin and kinongratulate niya ako pati si Mark din, natuwa siya sa amin. Proud siya.”

One year and seven months na raw ang kanilang relasyon ni Edgar. Ano sa tingin niya ang sikreto kaya tumatagal ang relasyon nila?

“Trust! Trust lang and guidance from our parents, from our families. And siguro understanding lang pagdating sa trabaho. Intindihan lang din, give and take. Ayun,” pahayag ng dalaga.

Maganda raw talaga na may consent mula sa mga magulang nila ang kanilang relasyon.

Pagsang-ayon din ni Shaira, “Yes, of course, kasi 19 pa lang ako. At saka si Edgar naman, willing siyang gawin ang lahat and ako rin to make our relationship work.

“Nagpupunta siya sa bahay namin, nakaka-bonding namin siya ng family ko. And ako, ganun din sa family niya. So as in, wala kaming problema, masaya lang.”

IDEAL BOYFRIEND. Nakikita niya raw na ideal boyfriend si Edgar.

“Yeah, nakikita ko. Gusto ko talaga na magtagal kami,” pakli pa niya.

Ano ang pinaka-sweet na nagawa ni Edgar para sa kanya?

“Naku, lagi siyang sweet. Pag ’monthsary’ namin, sweet talaga siya, as in ang dami niyang surprises.

“Hindi siya nawawalan ng gimik. Like noong anniversary namin, surprise dinner sa yate. Nag-cruise kami sa Manila Bay. Sobrang sweet, hindi ko ine-expect yun.”

Hindi ba mahigpit ang boyfriend niya?

Mabilis niyang tanggi, “Ay, hindi. Yun nga yung isang sinabi niya sa akin na nagbago nga raw siya. Hindi siya mahigpit, supportive siya pagdating sa loveteam namin ni Mark.

“Walang problema kahit may kilig-kilig na mga eksena, yakap, kiss. Naiintindihan naman niya kasi artista rin naman siya, so alam naman niya na trabaho lang lahat ng ginagawa namin.

“Aktor din naman siya at nape-pair din siya kahit kanino. Kami kasi pag trabaho, trabaho. Hindi naman kami humaharang sa trabaho ng bawat isa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gaano katotoo naman ang isyung lagi raw nagbabantay at nagbababad sa set nila si Edgar kahit na hindi naman ito kasama sa cast?

Paglinaw niya, “Hindi po totoong nagbababad siya sa set. Dumadalaw lang po siya minsan, nagdadala siya ng food lalo na pag alam niyang pagod ako, ganun.

“And then aalis na rin siya. Kasi gusto rin niyang makapag-focus ako.”

Pati raw ba sa bahay nila ay nagbababad din ang aktor?

Muli niyang tanggi, “Hindi po, siyempre umuuwi naman siya kasi may bahay naman siya at may pamilya siyang kasama. At ako naman siyempre, kasama ko ang parents ko sa house. Siyempre mahihiya naman si Edgar.”

Aware din daw si Shaira sa isyu noon kay Edgar tungkol sa pagli-live-in umano nito at ng dati nitong girlfriend. Hindi raw papayag si Shaira sa ganitong set up.

“Aware naman ako doon. Alam niya naman na bata pa ako and may family ako and may family siya. Alam naman namin sa sarili namin kung ano yung tama at mali,” sabi pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN