Gloc-9 announces Perry Lansigan as new manager

Rap artist Gloc-9 on entrusting his career to new manager Perry Lansigan: “Ang clear lang naman, kung ano ang expertise ni Perry sa mga bagay na hindi namin alam, I’m sure mapa-polish namin yun, matutulungan niya kami.”


Isa sa mga naging big winners sa nakaraang 6th Star Awards for Music si Gloc-9.

Napanalunan niya ang mga award para sa Album of the Year, Rap Album of the Year, at Rap Artist of the Year.

Kasabay naman nito ang pag-anunsiyo niya tungkol sa pagkakaroon ng bagong manager.

Kabilang na si Gloc-9 sa mga talents ng PPL Entertainment Inc. ni Perry Lansigan.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gloc-9 kamakailan lang sa opisina ng PPL sa may Scout Area sa Quezon City at isa nga sa una naming tinanong sa kanya ay kung bakit niya naisipang magpa-manage sa PPL.

Sabi naman niya, “Ang nagma-manage po talaga sa akin ay ang aking maybahay/manager/stylist, si Thea [Pollisco].

“Mga three years na siya talaga ang nagma-manage sa akin. Pero walang formally nagha-handle sa akin.”

NEW “FAMILY.” Ang huling naging manager daw talaga niya ay si Richard Tan (na yumao noong 2012) ng Parokya ni Edgar hanggang sa nag-desisyon si Gloc-9 na sila munang mag-asawa ang magtulungan.

“Pero si Thea po kasi, matagal na niyang kakilala si Perry.

“Ako naman, matagal ko nang kilala si Perry sa SOP at Party P pa lang. Nagkikita na kami, nagkakausap na kami and very comfortable ako sa kanya.

“I trust Thea naman sa judgement niya na magpa-manage ako kay Perry.

“If anything, excited talaga ko sa mga opportunity na puwede kong gawin in the future,” masaya niyang pahayag.

Nararamdaman ba niyang kasama na siya sa pamilya ng PPL?

Tugon niya, “Kahit naman po wala pa ako sa PPL, kaibigan ko na po sina Geoff [Eigenmann], sina Gabby [Eigenmann].

“Bihirang-bihira lang—well, sina Rochelle [Pangilinan], sina Arthur [Solinap] nakatrabaho ko na, sobrang babait po.

“Medyo mahiyain po ako lalo na kung alam kong artista, pero sa kanila, totoong-totoo ‘yan, e.”

CAREER PLANS. May mga plano na ba ang PPL para sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi pa niya, “Ang clear lang naman, kung ano ang expertise ni Perry sa mga bagay na hindi namin alam, I’m sure mapa-polish namin yun, matutulungan niya kami.

“So yun… yun namang ginagawa ko, tuluy-tuloy pa rin. I still record songs and may bago akong project sa Universal Records.

“Yung DVD na Biyahe ng Pangarap at meron din akong upcoming concert with Rico Blanco and Yeng Constantino sa Araneta sa November 21. So kung meron man po, yung mga bagong projects na gagawin namin kay Perry, very excited po ako.”

Ngayong October na raw iri-release ng Universal Records ang DVD niya na may documentary ng pagsisimula niya bilang artist at may kasamang mga live performances.

May mga gusto pa ba siyang gawin sa kanyang singing career?

Patuloy pa niya, “Sabi ko nga po kay Perry, nasa point na ako ng career ko na kung alam ko rin lang na kaya kong gawin ang isang bagay, regardless kung ito ay hindi ko madalas na ginagawa, open ako.

“Sabi ko nga, kahit pakantahin mo ako sa tabi ng canal, okey lang sa akin.

“Kasi, wala na po akong mahihiling pa. Pipigain ko na lang talaga kung ano ang kaya kong pigain sa trabahong ito.”

RAP’S RESURGENCE. Labimpitong taon na raw sa music industry si Gloc-9. Nagsimula raw siyang mag-rap sa Viva Records, at nagtrabaho rin daw siya sa ABS-CBN at sa Star Records bilang music researcher. Nakapag-release din siya ng dalawang album sa Star Records hanggang sa nag-Sony siya at ngayon ay sa Universal Records.

Kung titingnan, bumabalik daw ang interes ng tao sa rap music. Masaya ba siya sa pangyayaring ito?

“Ang ikinatutuwa ko lang po talaga, dumating sa 17 years ko—hindi ko po alam kung paano ko iko-construct pero, napabilang po ako sa genre na hindi rap.

“Puwede akong tumugtog sa event ng rap, puwede akong tumugtog sa event ng wholesome. Pero, not necessarily rap,” paglinaw niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GRATEFUL TO FRANCIS M. Malaki ang paniniwala at pagtitiwala sa kanya ni Francis Magalona noong nabubuhay pa ito.

Pero noon ba, nakita niya ito bilang ka-kumpetensiya?

“Ah, hindi po, hindi po,” madiin niyang tanggi.

“Every time na meron akong opportunity na makasama siya o maka-kuwentuhan, sobra akong thankful. Si Francis M yun, e.

“Bibihira lang ang taong natutulala ako kapag nakakausap ko. Si Joey de Leon, si Ely Buendia at si Francis M, yun…

“At saka si Sir Kiks kasi, sobrang bait niya, every time na may mag-i-interview sa kanya, tatanungin ay tungkol sa amin, sobrang bait po niya.

“At never ko rin pong pinagsiksikan sa bulsa ko ang mga bagay na sinabi niya tungkol sa akin.

“Alam ko lang din po na sobrang bait niya and very thankful lang din ako na nagkaroon ako ng opportunity na makasama siya,” pagpapasalamat niya.

UNFAZED BY COMPETITORS. Marami nang popular na rappers ngayon at isa na rito si Abra. Nakikita ba niya ito na threat?

Ayon sa sikat na rap star, “Hindi ko po puwedeng sabihing threat sila, e. Parang napaka-insecure ko naman po kung ganun.

“Labimpitong taon ko na pong ginagawa ‘to at para magkaroon ako ng insecurity, parang hindi po yata okey na characteristic yun sa akin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN