PAO chief Atty. Persida Acosta against death penalty

Atty. Persida Acosta on how to prevent crime: “Strict enforcement of the law. Kailangan marami tayong mga mobile na nagro-roaming, parang patrol na nakikita, kasi takot ang mga kriminal diyan. ’Tapos lagyan ng CCTV ang mga kalye. Mura na lang naman ang CCTV ngayon, e. Kailangan talaga strict enforcement of the law at saka talagang monitoring ng peace and order.”


Bagamat aware ang chief ng Public Attorney’s Office na si Atty. Persida Acosta sa malagim na pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache, hindi pa rin siya pabor na ibalik ang death penalty sa bansa.

Nabuhay kasi muli ang isyu ng pagbabalik sa parusang kamatayan dahil sa sunud-sunod na krimeng nagaganap, kabilang na nga ang pagpaslang sa ina ni Cherry Pie.

Ngunit saad dito ni Atty. Acosta, “Oo, kaya lang, mamaya baka hindi siguradong yung makukulong yung talagang pumatay sa kanya.

“Kawawa naman ang pamilya ng papatayin, ng bibitayin.

“Dapat tiyakin.

“Kaya nga mas mabigat na parusa ang makulong namg habambuhay kaysa bitayin.

“Rest in peace na iyon, e, pinagpahinga mo na yun, e.

“Marami nga nagsu-suicide ngayon, e. Nagpapakamatay dahil gusto nang magpahinga.”

May mga nagsasabing kaya laganap ang krimen ngayon ay dahil walang death pemalty, na hindi na gaanong takot ang mga kriminal na gumawa ng krimen.

Reaksiyon dito ng PAO chief, “Hindi, hindi death penalty ang kailangan diyan.

“Ang kailangan diyan, strict enforcement of the law. Strict!

“Istrikto, huli dito, huli doon.

“’Tsaka magbantay, bantayan, magbantay ang mga pulis sa mga kalye.”

Ano sa palagay niya ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng matinding kriminalidad sa bansa?

Tugon ni Atty. Acosta, “Strict enforcement of the law.

“Kailangan marami tayong mga mobile na nagro-roaming, parang patrol na nakikita, kasi takot ang mga kriminal diyan.

“’Tapos lagyan ng CCTV ang mga kalye. Mura na lang naman ang CCTV ngayon, e.

“Kailangan talaga strict enforcement of the law at saka talagang monitoring ng peace and order.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Atty. Acosta sa Shangrila restaurant, sa West Avenue, Quezon City, kahapon, September 29.



VHONG NAVARRO CASE. Umiwas namang magbigay ng komento ni Atty. Acosta sa pagkaka-grant ng bail kina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at iba pang mga akusado sa serious illegal detention case na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag niya, “Hindi ko kasi alam ang ebidensiya, e. Maaaring may nakita yung judge.”

Hindi ba dapat ay non-bailable ang kaso nila, pero bakit pinayagan ng judge na makapagpiyansa ang mga akusado?

Saad ni Atty. Acosta, “Kasi may element yung serious illegal detention, iyon siguro yung hinimay ng judge.

“Pero kung babae si Vhong, automatically hindi sila mapapalaya.

“Kasi may ano sa law na ‘pag babae, automatically, ano yun, serious illegal detention yun.”

RAPE CASE. Tinanong din ng PEP si Atty. Acosta tungkol sa latest sa isang lalaking overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia na ginahasa ng limang kabataang lalaking Arabo.

Naospital ang naturang Pilipino at umabot na sa halos dalawang milyong piso ang hospital bill nito sa Riyadh, kaya hindi makalabas at hindi makauwi sa Pilpinas.

May magagawa ba ang gobyerno o ang opisina niya sa kasong iyon?

“Hindi ko pa alam, ano ‘yan… sa DFA [Department of Foreign Affairs] ‘yan.”

Maraming kontrobersiyal na kasong patuloy na inilalaban si Atty. Acosta.

Kasama na rito ang mga biktima—at ang kanilang mga kapamilya—ng M/V Princess of the Stars, na anim na taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin nagkakaroon ng karapat-dapat na solusyon o hustisya sa pagkamatay ng mga pasahero nang lumubog ang naturang barko na pag-aari ng Sulpicio Lines, Inc.

Si Atty. Acosta rin ang may hawak ng kaso ni PMA Cadet Aldrin Cudia, na hindi naka-graduate sa PMA dahil na-late sa isang klase nito.



ENTERING POLITICS. May bulung-bulungang tatakbo raw si Atty. Acosta sa pagka-senador sa 2016 elections, ngunit aniya, “Yung iba nag-a-announce para sa akin, pero ako, wala akong announcement. Wala!”

Aminado naman siyang may mga nag-iimbita sa kanya na tumakbo bilang senadora.

Pero fifty percent daw sa mga kakilala ni Atty. Acosta ay gustong pasukin niya ang pulitika, fifty percent naman ang ayaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin daw niya alam kung kaya niyang iwanan ang Public Attorney’s Office, kung saan siya ang namumuno sa loob ng labing-apat na taon.

Kaya masusi at malalim daw niyang pinag-iisipan kung tatanggapin o hindi ang alok na pasukin ang pulitika.

Samantala, kung isasapelikula ang buhay ni Atty. Acosta, ilan a daw sa choices niya na gumanap bilang siya, ayon na rin sa suggestion sa kanya ng marami, ay sina Nora Aunor, Bea Alonzo, Lorna Tolentino, Alice Dixson, at Eula Valdes.

“Depende sa direktor at saka sa producer. Ako, kahit sino!” natatawang sabi pa ni Atty. Acosta.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN