Gloc-9 dismisses rivalry with fellow rapper Abra

About himself, Gloc-9 says, “Ako po ay taga-probinsiya, e. Ako po ay taga-Binangonan, Rizal. Hindi po ako kasing-privileged na makita muna sa YouTube bago ako mapakinggan ng tao."


Masaya si Gloc-9 sa double win niya sa nakaraang 6th PMPC Star Awards For Music.

Bukod sa Rap Artist of the Year award ay nanalo ring Rap Album of the Year ang kanyang Liham at Lihim album, kung saan kabilang ang latest hit niyang "Magda."

Ikalawang beses na niyang nanalo sa dalawang nabanggit na kategorya; una ay noong 2011 para sa album niyang Talumpati.

Saad niya, “Very thankful ako siyempre sa PMPC.

“Ako po kasi ay alagad ng OPM din, e.

"Nagkataon lang na ako ay rap artist, pero as a whole ay Pinoy music pa rin ang pinu-promote ko.

“Sobra lang akong privileged na makatrabaho ang magagaling na music artists kaya nagiging ganun kaganda rin ang kinalalabasan ng kanta.

“Malaki ang pasasalamat ko sa Universal Records dahil alam ko po na ito ay tulungan din, e. Tulungan ng artist at ng record label.

“Ang Universal Records ay napaka-supportive at napakabait na record label na mapupuntahan ng isang artist.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gloc-9 sa presscon na ipinatawag ng PPL Entertainment Inc. kahapon, September 30, sa Kanin Club restaurant, Quezon City.



COMPETITION. Maraming bagong rap artists ang nagsusulputan ngayon. Tumitindi ang competition sa linya ng rap, pero hindi raw nati-threaten si Gloc-9.

Aniya, “Ako po ay natutuwa dahil siyempre nabibigyan ng pagkakataon ang ibang rap artists na ipakita kung ano yung maio-offer nila.

“At the end of the day, ‘yan po ay trabaho para sa lahat, so it’s always okay.

“Para po sa akin, ang competition ay hindi against sa iba, e.

"Ang competition palagi ay nasa tao, e. Nasa ’yo, ikaw ang pinakamatindi mong competitor.

"Ikaw ang magsasabi kung kaya mo pang patagalin ang trabaho mong ito or hindi na.”

May mga nagsasabing ang maituturing na pinakamahigpit na karibal ni Gloc-9 ngayon sa larangan ng pagra-rap ay si Abra. Ano ang reaksiyon niya rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, “Ako po ay natutuwa din sa tinatamasa ng aking kapatid na rapper na si Abra.

“Pero katulad po ng sinabi ko, wala po akong tinitingnan na kakumpitensiya.

"Dahil ang kakumpitensiya ko po lamang ay ang sarili ko.

“Ako po ang susulat ng kanta ko, e.

"Hindi naman po si Abra ang susulat ng kanta ko, so hindi po ganun."

INSPIRATION. Bago siya sumikat bilang rapper, sino ang iniidolo niya noon na naging inspirasyon niya during his struggling years?

Mabilis na sagot ni Gloc-9, “Si Francis M [Magalona].

"Wala naman po akong ibang pangalang masasabi talaga, e.

“Si Francis M po ay ang aking foundation when it comes to writing my lyrics…. writing my songs.”

Kanino naman sa mga bagong sulpot na rap artists niya nakikita ang kanyang sarili?

“Ang hirap pong i-compare ng sarili ko sa iba dahil iba po ang pinanggalingan ko pagdating sa paghabol ko ng dream na ito.

“Ako po ay taga-probinsiya, e. Ako po ay taga-Binangonan, Rizal.

“Hindi po ako kasing-privileged na makita muna sa YouTube bago ako mapakinggan ng tao, e.

“Dumaan po ako sa process of submitting demos sa bawat label na pinupuntahan ko.

"Seven o eight years akong nagtiyaga na pagtrabahuhan kung anuman ang kinalalagyan ko ngayon."

Sabi pa niya, “Marami akong nakikitang magagaling na sumisibol ngayong rap artists.

"Si Smig Glass, magaling, si Looney rin.

"Ako ay fan palagi ni Looney... madaming-madami pa, e.

"And I wish everybody the best of luck sa lahat ng endeavors nila.

“And, ‘yon nga, at the end of the day, it’s always trabaho para sa lahat.”

PROJECTS. Ano ang bagong aabangan sa kanya?

“Ako po ay may iri-release na DVD documentary na Biyahe Ng Pangarap itong early November under Universal Records.

“Meron din po akong concert with Yeng Constantino and Rico Blanco sa November 21 sa Araneta Coliseum.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, ‘yan po ang aking pinagtutuunan ng pansin ngayon,” sabi niya.

Hindi ba niya naiisip gumawa at mag-record ng mga kantang hindi rap kundi ibang tema, gaya ng love songs, pop, o ballad?

Saad ni Gloc-9, “Lagi ko pong sinasabi na ang kanta ay blessing para sa akin.

"Kung ako ay mabibigyan ng pagkakataon na sumulat ng kanta na hindi rap, bakit po hindi?

“I hope na one day, makagawa rin ako.”

Paano kaya ang dating kapag kumanta siya halimbawa ng love song?

“Lagi ko pong ginagawa ‘yan kapag ako ay naliligo!” biro ni Gloc-9.

“Alam ko po kasi ang capabilities ko, e.

"Alam ko na okey ako na rap artist, pero medyo kulang talaga ako.

"Hindi ako kasing-galing kumanta ng mga sikat nating singers.”

Naiisip ba niyang subukan din ang pag-aartista?

“Tina-try ko pong i-imagine na sasabak ako sa acting, pero parang hindi yata nabubuo, e!” tawa na naman niya.

Dagdag ni Gloc-9, “Hindi ko talaga forte ang pag-arte.

"Pero sakaling may mag-offer, pag-iisipan ko po nang matagal at nang mabuti.

“Although malayo pa rin kung iisipin ko, pero kung saka-sakali, siguro pupuwede ako sa comedy lang.

"I’m not really a natural actor, e.

“Kita mo sa mukha ko kapag umaarte ako dahil nangangawit na yung pisngi ko.”

FAMILY MAN. Kilala siya bilang sikat at iniidolong rapper ng bansa sa ngayon. Pero sino nga ba si Gloc-9 sa totoong buhay?

Paglalarawan niya sa sarili, “Ako po ay isang simpleng family man.

"May anak po akong kambal, babae at lalaki, magsa-sampung taon na sila.”

Bakit hindi na nasundan ang kambal na anak niya?

“Maselan pong magbuntis ang aking misis.”

Ano ang nasasabi ng kanyang kambal ngayong sikat na sikat na siya?

“Very happy sila, very proud sila.

“Ang mga anak ko po palagi ang aking number one fan.

"Kahit anong i-record at i-release ko na kanta, sila po ang basis ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dahil kapag narinig nila at sandali pa lang ay kinanta na nila, it’s a good sign.”

Nai-influence ba niya ang mga ito sa hilig niya sa musika?

“Individually, alam ko na mahilig sila sa music.

“I encourage them na kung gusto nila ng music, okey lang.

"Pero ang role nila lagi ay isa lang—they need to finish school first bago ang kahit ano,” sabi ni Gloc-9.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN