Veteran comedienne Tia Pusit dies at 66

Sumakabilang-buhay na ang veteran comedienne na si Tia Pusit, o Myrna Villanueva sa totoong buhay, magha-hatinggabi ng Huwebes, October 2.


Pumanaw na ang beteranang komedyante na si Tia Pusit—Myrna Villanueva sa totoong buhay—bandang 11:29 P.M. ng October 2, Huwebes.

Siya ay 66 years old.

Kinumpirma ng matalik na kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Tia Pusit na si Inday Garutay sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang malungkot na balitang ito.

Nasaksihan daw mismo ni Inday nang malagutan ng hininga si Tia Pusit.

Kasalukuyang nasa Philippine Heart Center si Inday dahil tinawagan daw siya kanina ng panganay na anak ng komedyana na si Christian Uybengkee.

Sabi raw sa kanya ni Christian, "Dalawin mo na si Mommy kasi brain dead na siya para makapagpaalam ka naman nang maayos."

Kuwento pa ni Inday, “Dumating ako dito ng 10 P.M., tapos biglang ano… sinabi ko sa kanya na, ‘Tia Meng, I love you... Kung pagod na pagod ka na, sige na, baunin mo na lang sakit ko, ’sabi ko.

“’Tapos bumaba na yung heart rate niya.

"Una muna, bumaba yung BP [blood pressure] niya mga 11 [P.M.]. ’Tapos nalagutan siya, 11:29.”

Bago bawian ng buhay si Tia Pusit ay ilang linggo na siyang naka-confine sa ospital dahil sa kanyang sakit sa puso.

Noong September 9 ay sumailalim siya sa double heart bypass surgery, ngunit hindi naka-recover ang komedyana mula sa operasyon at inilagay siya sa life support.

Hanggang sa bawian na nga siya ng buhay kagabi dahil sa multiple organ failure.

Si Tia Pusit ay nakababatang kapatid ng veteran comedienne na si Nova Villa.

Nagsimula ang acting career ni Tia Pusit noong mid-’80s.

Huli siyang napanood sa comedy series ng TV5 na Confessions of A Torpe, kung saan bida sina Ogie Alcasid, Alice Dixson, at Gelli de Belen.

Ilan pa sa mga TV series na nagawa niya ay ang mga sumusunod: Akin Pa Rin Ang Bukas (GMA), One True Love (GMA), Mara Clara (ABS-CBN), Momay (ABS-CBN), Tinik Sa Dibdib (GMA), Kamandag (GMA), Zaido (GMA), I Luv NY (GMA), at Sana Ay IKaw Na Nga (GMA).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang naman sa mga pelikulang nagawa niya ang mga sumusunod: Tarima (2010), Pinay Pie (2003), Pakners (2003), Bakit Ba Ganyan? (2000), at D’ Sisters: Nuns of the Above (1999).

Ngumit marahil, pinakatumatak sa isip ng maraming manonood ang role niya noon sa ’80s sitcom na Eh Kasi Babae ng IBC-13, at ang pagganap niya bilang Tita Bella sa defunct sitcom ng GMA na Bahay Mo Ba ’To (2005 to 2006).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN