Coco Martin personally apologizes to women’s organizations; owns up to his mistakes

"Para akong nabunutan ng tinik," says Coco Martin after meeting with the women’s groups that complained about his segment in the recent The Naked Truth fashion show.


Personal nang nakahingi ng paumanhin si Coco Martin sa mga women’s group na tumuligsa sa segment niya sa The Naked Truth fashion show ng Bench.

Kaninang umaga, October 6, ay nakipag-usap si Coco sa mga kinatawan ng grupong Gabriela, UN Women, UNIFEM, at pati na sa sangay ng gobyerno para sa kababaihan, ang Philippine Commission on Women (PCW).

Ang Gabriela at PCW ang dalawa sa mga pumuna sa ginawa ni Coco para sa “The Animal Within Me” segment ng The Naked Truth, kung saan rumampa ang aktor bilang circus master na may hawak na lubid na nakatali naman sa leeg ng isang babaeng gumanap bilang “circus pet.”

Dahil nagkaayos na, sabi ni Coco, “Para na po akong nabunutan ng tinik.

"Kasi personal akong nakapag-sorry sa lahat ng taong concern.

"Sa lahat ng kababaihang aking nasaktan at naapakan.

“Honestly, ngayon ay nakakangiti na ako.”

Dagdag pa niya, “Sa showbiz, alam niyo, kilala niyo ako na pagdating sa personal kong buhay, ayaw ko siyang pinanghihimasukan ng ibang tao.

“Pero ito, kahit personal ko ito ay kailangan kong panindigan ang kasalanan o kamalian kong ginawa.

“Kaya madami ding salamat sa lahat ng taong sumuporta.”



OWNING UP. Sa pagharap ni Coco sa entertainment reporters, inamin niya ang pagkakamaling nagawa.

Saad niya, “Alam ko sa sarili ko, buong akala ko ay wala akong ginagawang masama.

"Wala akong inaapakang tao, wala akong ginagawang mali.

“’Yon po ang tingin ko sa mga panahon na ginagawa ko yung sa Bench fashion show.

“Sabi ko nga, sa paningin ko ay wala akong ginagawang mali.

"Kasi halos lahat yata ng rumampa roon na artista, ako yata yung balot na balot.”

Aminado si Coco na hindi niya agad napansin ang magiging implikasyon ng kanyang ginawa.

Aniya, “Lahat po, ’di ba, ng artista, mayroon tayong responsibilidad sa bawat manononod natin.

"Sa lahat ng audience natin, o sa lahat ng humahanga sa atin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro hindi ko nakita ng yumalalim na aspeto.

"Mayroon akong napabayaan at mayroon akong pagkukulang.

“Noong naintindihan ko ’yon, ’Oo nga,’ sabi ko.

"Unang-una, laki ako sa lola ko, may nanay ako, may mga kapatid ako, at yung concern ko sa mga tao.

“Sabi ko nga, bakit sa dami nun, bakit ko napabayaan ang anggulong ’yon.

"Bakit hindi ko siya nakita, na nakakaapak na pala ako ng pagkatao, lalung-lalo na sa mga kababaihan.”

Naging sanhi ng kanyang depresyon ang isyu, ayon kay Coco.

Pahayag ng Ikaw Lamang actor, “Noong lumabas ang isyu na ’yon, honestly, na-depress ako.

“Naaawa sa akin ang lahat ng mga katrabaho ko.

"Kasi nakikita po nila na parang ang bigat-bigat ng loob ko kapag nagtatrabaho ako."



APOLOGY. Dahil sa nagawang mali, tiniyak daw ni Coco sa kanyang manager na si Biboy Arboleda at legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan na personal siyang hihingi ng dispensa.

Aniya, “Alam ko na hindi ito basta-basta showbiz isyu o kung anuman ang ibinabato nila sa akin.

“Sabi ko, responsibilidad ko ’to bilang isang tao, hindi lang bilang artista.

“May responsibilidad ako sa aking kapwa, lalung-lalo na sa mga kababaihan na naapakan ko,” sabi ni Coco.

Dagdag ng aktor, “Hindi ito yung parang mag-a-apologize ako, ’tapos yun na ’yon.

“May mga tao rin na nagsasabi sa akin na, ’Hayaan mo na, huwag ka na lang sumagot para matapos na yung isyu.’

“Siyempre, on my part, kailangan kong i-clarify.

“Kailangan kong humingi ng dispensa o paumanhin sa lahat ng mga taong concerned.

"At sa lahat ng mga kababaihang naapakan ko.

“Humihingi po talaga ako ng dispensa sa aking nagawang pagkakamali.”

Pahayag pa niya, “Sabi ko nga, sa isyung ’to, inaako ko na.

“Kumbaga, ako na yung nagkaroon ng pagkukulang o pagkakamali sa nangyari rito.

“Kaya sana po, sa lahat ng aking nasaktan at naapakan, sana po, mapatawad niyo po ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

APOLOGY ACCEPTED. Pormal namang tinanggap ng mga kinatawan ng mga women’s group ang paghingi ng paumanhin ni Coco Martin.

Sabi ni PCW executive director Emmeline Versoza, “Ina-accept namin ang kanyang apology...

"Sinserong-sinsero at genuine ang aming pagtanggap.”

Bilang parte ng “moving on” ay hinikayat din ni Versoza ang publiko isulong na ang mga programang naglalayong matigil ang violence against women.

“Siguro, sana lahat po tayo ay magsama-sama para isulong ang kampanyang ito.”

Nabanggit din niya ang viral campaign na “He for She,” na isinusulong ng Hollywood actress at UN ambassador for UN Women na si Emma Watson.

Aniya, "Nabasa niyo na din siguro si Emma Watson na UN ambassador ng UN Women na may kampanya globally na ’He for She.’

“Kasi sa usaping women’s empowerment, hindi lang kababaihan ang kailangang iorganisa.

“Hinihikayat din natin ang kakalakihan kasi hindi natin makakamit ang pagkakapantay-pantay kung hindi din mababago ang pananaw ng kalalakihan.

“Sa ’He for She,’ ang target ay one billion men kasama na din ang LGBT.

“So, siguro, kung papayag si Coco ay puwede rin nating hikayatin siya na manguna sa kampanyang ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN