Wowie de Guzman still coping with grief six months after wife’s death: “I’m taking it one day at a time.”

Wowie de Guzman (shown with baby girl Alex Rafael) on slowly moving on after the death of his wife Sherry Ann Reyes: “Pero unti-unti naman ay natatanggap ko na. Sanay na akong matulog at magising na wala na akong katabing asawa. I’m taking it one day at a time. Hindi puwedeng madaliin ang lahat.”


Malaki ang pasasalamat ni Wowie de Guzman dahil sa pagkakataon na ibinigay ng GMA Network sa kanya para makasama sa remake ng ‘80s drama series na Yagit.

Dumating ang offer ng Kapuso network sa ‘90s teen heartthrob noong kasalukuyang naglukuksa ito sa pagpanaw ng kanyang misis na si Sherry Ann Reyes.

Sumakabilang-buhay si Sherry Ann noong April 2014, isang buwan pagkatapos nitong isilang ang baby girl nila ni Wowie na si Alexandria Rafael.

Anim na buwan na ang nakalipas, pero ramdam pa rin ni Wowie ang lungkot ng pag-iisa.

Sabi niya, “Hindi naman basta agad na mawawala yung lungkot, ‘di ba?

“Kasi two years pa lang kaming kasal ni Sherry. Kaya masyadong mabilis ang lahat ng mga nangyari sa buhay namin.

“Minsan nga napapaisip ako kung bakit ganito ang nangyari sa amin. Bakit siya kaagad kinuha ni Lord? Paano na ang baby naming dalawa?

“Pero unti-unti naman ay natatanggap ko na.

“Sanay na akong matulog at magising na wala na akong katabing asawa.

“I’m taking it one day at a time. Hindi puwedeng madaliin ang lahat.

“Lalo na kung ang nawala sa buhay mo ay ang pinakamamahal mong tao.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Wowie sa press launch ng Yagit sa Studio 6 ng GMA Annex Building last October 7.

THANKFUL TO GMA. Malaking bagay raw kay Wowie na mabigyan siya ng trabaho dahil kailangan niyang maging abala para hindi raw siya masyadong nalulungkot.

Matagal ding hindi nakagawa ng teleserye si Wowie, at kabilang sa mga huli niyang ginawa ay sa bakuran ng ABS-CBN na Little Champ at sa TV5 na Enchanted Garden.

“Thankful ako dahil may work tayo para maging busy. Mahirap yung wala kang ginagawa, e.

“Nagpapasalamat ako sa pagkakataon na ibinigay sa akin ng GMA-7 na makapagtrabaho sa teleserye na Yagit.

“Ang GMA-7 naman talaga ang unang naging tahanan ko because of That’s Entertainment.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mainstay kami doon ng grupo namin na UMD [Universal Motion Dancers]. Una kaming nakilala sa bakuran ng GMA-7.

“’Tapos naging regular guest din ako noon sa show nila na Click.

“Parang bumabalik lang tayo sa dati nating tahanan.

“At masaya akong makatrabaho ang mga bagong artista ngayon. ’Tulad ng mga bata sa Yagit, magagaling sila.

“’Tapos first time akong madirek ni Ms. Gina Alajar. Never ko pa kasing nakatrabaho si Direk Gina kahit sa anumang pelikula or TV show.

“Kaya na-excite ako na makakatrabaho ko na siya,” saad niya.

BABY GIRL. Kontrabida ang role ni Wowie sa Yagit bilang si Chito. Obsessed siya kay Dolores (played by Yasmien Kurdi) at aagawin niya ito kay Victor (played by James Blanco).

Aniya, “Okey lang naman sa akin kahit na anong role. Hindi naman tayo choosy sa trabaho natin.

“Dito sa Yagit, na-challenge ako kasi never din akong gumanap na kontrabida pa.

“Dahil nga sa guidance ni Direk Gina at sa mga artistang katrabaho ko, nag-e-enjoy ako sa ibinigay nilang role sa akin.

“Ang importante ay may work tayo at lahat ng ito ay para sa baby girl ko,” diin niya.

Habang nagte-taping nga si Wowie ng Yagit ay iniiwan muna niya ang kanyang baby girl sa kanyang ina na nasa Olongapo City.

Wala raw magbabantay sa kanyang anak at ayaw naman daw niyang ipagkatiwala sa yaya.

Kaya mabuti na yung sa kanyang ina na niya iwan ito.

“Mahirap na rin kasi na iwan mo sa ibang tao.

“Hindi sa wala akong tiwala, pero mabuti na yung nag-iingat tayo.

“’Tsaka mabuti na rin na ang mommy ko ang nag-aalaga sa apo niya. Para mas maging close sila.

“Weekdays naman ang taping ko ng Yagit at weekends ko inuuwian ang baby girl ko.

“Alam ko na safe siya with my mother,” ngiti pa ni Wowie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PAST WORKS. Isa si Wowie sa mga sikat na teen heatthrobs noong ‘90s, lalo na nang maging ka-loveteam niya si Judy Ann Santos.

Nagsama sila sa mga toprating TV series sa ABS-CBN na Mara Clara at Esperanza.

Big hits naman ang mga pelikulang pinagsamahan nila ni Juday tulad ng Wow Multo, Sana Naman, Kung Alam Mo Lang, Mara Clara: The Movie, Esperanza: The Movie, Nasaan Ka Nang Kailangan Kita, Paano Ang Puso Ko?, Muling Ibalik Ang Tamis Ng Pag-ibig, My Pledge of Love, Kasal-Kasalan (Sakalan), Dito Sa Puso Ko at Luv Text.

Noong mabuwag ang loveteam nila, nag-solo na lang si Wowie at ginawa niya ang mga series na Kung Fu Kids, Rubi at Little Champ.

Ikinatutuwa ni Wowie ay nandiyan pa rin daw ang fans nila ni Juday.

“Nagugulat nga ako kasi nandyan pa rin ang mga Juday-Wowie fans.

“Akala ko kasi nawala na sila noong maghiwalay na kami ni Juday.

“Pero nagparamdam na ulit sila at happy sila na meron na akong TV show na mapapanood nila.

“Susuportahan daw nila ang Yagit kahit na hindi na si Juday ang partner ko,” pagtatapos pa ni Wowie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN