Ritz Azul on how Direk GB Sampedro “faded” from her life: "Noong sinabi ko sa kanya na friendship lang ang maibibigay ko.”

Ritz Azul says although GB Sampedro has kids with his ex-wife, this is not why the actress decided not to continue her relationship with the director: “Kasi nga, hindi pa ‘ko at the point na reding-ready. Pero ako, kahit hindi si Direk GB, kung ang manliligaw sa akin ay may anak na siguro or nakipaghiwalay sa iba, kung mahal ko talaga siya, go ako.”


Aminado ang isa sa TV5 Princesses na si Ritz Azul na pagdating sa mga teleserye, biglang nawala siya rito at hindi na siya masyadong napapanood sa telebisyon katulad noong nagdaang taon.

Pero sa kabila raw ng pangyayaring ito, nagugulat daw si Ritz na ngayon siya nagkakaroon ng sunud-sunod na product endorsements.

Noong October 8 nga lang sa Gloria Maris sa may CCP Complex, Pasay City, ay pumirma ng kontrata si Ritz bilang kauna-unahang celebrity endorser ng cosmetics brand na Shawill.

Ayon kay Ritz, “Sabi ko this year, kahit wala ako masyado sa TV5, sa screen, bumobongga naman ako sa labas, kaya sulit na sulit pa rin.

“At saka, doon na ako nagpapasalamat sa mga tao, sa mga sumusuporta sa akin.

“Kahit na hindi ako nagkaroon ng teleserye this year, aside from Tropa [Tropa Mo Ko Unli] and Separados, ramdam na ramdam ko ang suporta nila sa akin. At nakikita naman din sa mga tumatawag sa akin para mag-endorse.”

Dugtong pa ni Ritz, “At feeling ko, nag-uumpisa na. Sa tulong din ng TV5, sa alaga nila sa akin, hayan na, nag-uumpisa na tayo.”

Mas marami na ang nakakapansin sa kanya, dahil na rin sa pagbu-bloom niya physically.

Nakangiting sabi naman ni Ritz, “Kinikilig ako, feeling ko, napi-pressure ako. Noong hindi pa ako nagkakaroon ng ganito, siyempre, easy-easy lang. Feeling ko, kailangan din magtulungan dahil siyempre, nagtitiwala sila sa akin.

“Nagtitiwala rin ako sa kanila at dapat magtulungan kami sa pag-angat at doon ako medyo napi-pressure. Nag-iisip ako kung ano ang mga bagay na dapat kong gawin para magkaroon ng progress, makatulong din sa kumpanya. Siyempre, kung aangat ang kumpanya, aangat din ako.”

Sa taong ito, nakatatlong product endorsements daw siya.

Sa isang banda, kinumusta nga namin si Ritz kung nadismaya rin ba siya na biglang wala siyang teleseryeng ginagawa kumpara dati na sunud-sunod halos na nagbibida na siya sa mga teleserye ng Kapatid network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi naman niya, “Actually, nalulungkot din ako. Yun, totoo, sa puso ko, nalulungkot ako na natigil yung momentum from Misibis Bay and from Love or Money, nanghinayang ako.

“Kasi, from Misibis Bay, doon medyo pumik-up. Sayang, pero, ganun talaga.”

Kaya natuwa naman daw siya na may episode sa Wattpad Presents siyang gagawin.

DIREK GB “FADES" OUT.Sa huling proyekto niya, ang Separados na ipinalabas sa Cinemalaya, naging matunog ang pagkaka-ugnay niya sa direktor mismo ng pelikula na si GB Sampedro.

“Naging usap-usapan ang panliligaw nito sa kanya at madalas na nakikita silang magkasama.

Pero nagulat kami nang tanungin namin si Ritz tungkol sa kanila at sabihin nitong matagal na silang walang komunikasyon.

“Wala, wala na… well, busy siguro kami parehas. Hindi na kami masyadong nagkakausap ngayon.”

Ano na nangyari sa kanilang dalawa pagkatapos ng Separados?

“After nun, mga ilang months, lumalabas—nagdya-jogging pa rin kami, lumalabas. ‘Tapos ngayon, biglang wala na.”

Biglang hindi na lang nagpaparamdam sa kanya?

“Hindi, unti-unti naman siyang pa-fade, ganun,” saad niya.

Ano ang naramdaman niya noong “unti-unting pa-fade” na ang relasyon nila?

“Ako, okey lang. Noong sinabi ko sa kanya na friendship lang ang maibibigay ko.”

Tahasan niyang masasabi na hindi siya nakapag-commit ng relasyon sa direktor?

“Wala, wala talaga,” nakangiti niyang sabi.

Parang binasted niya pala ito?

“Hindi naman binasted,” natawang sabi niya.

“Actually, naintindihan naman niya yun. Sa lahat ng nanliligaw sa akin, sinabi ko na open yung chances. Pero as of now, kung ngayon talaga ako pipilitin, sobrang hindi. Or baka next year, hindi pa.”

Kung tutuusin, 20 taon gulang na siya.

Tumatanggap naman siya ng mga manliligaw, pero, bakit parang nahihirapan siyang mag-commit?

“Well kasi, yung relationship... 20 pa lang ako ngayon. Gusto ko sana, yung medyo... natatakot kasi ako, yung thought na baka malihis ako. Baka maiba yung focus ko.

“Kasi, nakikita ko ngayon, kapag nagkaroon ng relationship...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ayokong mapapabayaan siya, yung magiging boyfriend ko. Pero, siguro darating din ang time.”

Diretsahan naman naming tinanong si Ritz kung naging factor ba sa kanya na kaya hindi niya natugunan ang panliligaw ni GB ay dahil may mga anak na ito sa dating asawa?

“Nakilala ko si Direk GB, alam ko naman ang background niya.

“Hindi naman siya naging factor, hindi ko rin naisip yun. Kasi nga, hindi pa ‘ko at the point na reding-ready.

“Pero ako, kahit hindi si Direk GB, kung ang manliligaw sa akin ay may anak na siguro or nakipaghiwalay sa iba, kung mahal ko talaga siya, go ako.”

Sa mga magulang ni Ritz, hindi rin naging isyu na may mga anak na si Direk GB?

“Hindi rin,” nakangiti niyang sabi.

Yung biglang nawala ang komunikasyon nila, nalungkot ba siya?

“Hindi naman, hindi naman yung lungkot na lungkot. Nalungkot lang ako sa friendship na bakit biglang, from close na close, parang after lang ng Separados, nawala na.”

SEXY WITH LIMITS. Sa huli, tinanong na rin namin kay Ritz ang isyu na diumano’y pagkatapos niyang magpa-sexy sa Misibis Bay at Love or Money, nag-iinarte na raw siya at ayaw nang magsuot ng mga sexy clothes. Marami na raw siyang limitasyon.

May isyu noong mag-guest siya sa game show ni Richard Gomez na Quiet Please: Bawal Ang Maingay, ayaw daw niyang isuot ang maikling shorts na ipinapasuot sa kanila.

Nagulat naman si Ritz na may ganoon daw palang isyu.

Sabi niya, “Wow, ngayon ko lang narinig yun, ha. Limitasyon? Not true.”

Yung sa Quiet Please, anong nangyari dun?

“No, baligtad nga ang nangyari dun.

“Ang nangyari dun, naka-[micro] shorts kami, kaming tatlong guest, tapos, fit na fit na top. Pero, ang gusto nilang ipasuot, casual, like pants. Tapos, pang-taas na glamor. Pero, baligtad siguro ang pagkakaintindi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, ang suot ko noong mag-guest ako, [micro] shorts, e.”

Yung dating Ritz, ganoon pa rin ba siya pagdating sa pagpapaseksi o binabawasan na niya?

“Ganoon pa rin naman ako, pero yung paghigit, siguro depende sa paghigit.

“Hindi ko kayang mag-topless or something. Basta may limitasyon ako na kaya pa rin akong irespeto. Pero siyempre minsan, kapag ako ang nasa labas, hindi ako nagsusuot ng hindi bagay.

“Yung conservative, ganoon pa rin ako.

“Kasi dati, kung ano ang sinusuot ko sa screen, yun din ang sinusuot ko sa labas. Pero ngayon, nagbago kasi, mas nagiging conservative ako kapag nasa labas.

“Sabi kasi ng mentor ko dati, kung ano ang nakikita sa ‘yo sa screen, yun ang tingin nila sa ‘yo. Pero natutunan ko ngayon na hindi naman pala.

“Kung sino ako talaga, puwede kong ilabas.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN