German Moreno clarifies rumored transfer to ABS-CBN

German Moreno on his loyalty to GMA Network: “Lagi ko ngang sinasabi, every time na matatanong ako, na hangga’t kailangan pa ako ng GMA-7, mananatili at mananatili ako dito at hindi ako aalis. Pero ‘pag si Atty. Gozon na mismo ang nagsabi na hindi na ako kailangan, yun siguro ang hudyat na dapat ko nang lisanin ang GMA-7. Mahalaga kasi na may loyalty ka sa pinagtatrabahuhan mo, para maging role model ka sa iba.”


Nilinaw ng veteran TV host na si German Moreno ang balitang iiwan na raw niya ang GMA Network at lilipat na siya ng ABS-CBN.

Ito ay pagkatapos mapanood ang Master Showman sa late-night talk show ni Vice Ganda na Gandang Gabi Vice.

Reaksiyon dito ni Kuya Germs, “Ano ba ‘yan! Sa tanda ko ba namang ito, ngayon pa ako lilipat?

“Ilang dekada na ang naging serbisyo ko sa GMA. Kung kailan ako tumanda, ‘tsaka pa ako lilipat?”

Ipinaliwanag din ni Kuya Germs ang kanyang paggi-guest sa programa ni Vice.

“Mangyari lang na nagkaroon ako ng imbitasyon na mag-guest sa show ni Vice Ganda, sa Gandang Gabi Vice, kaya nagpaalam ako kay Atty. Felipe Gozon at pinayagan naman ako.

“Respeto na lang kina Atty. Gozon kaya nagpaalam ako.

"Pinayagan naman ako kaya nakapag-guest ako doon."

Patuloy niya, “Lagi ko ngang sinasabi, every time na matatanong ako, na hangga’t kailangan pa ako ng GMA-7, mananatili at mananatili ako dito at hindi ako aalis.

“Pero ‘pag si Atty. Gozon na mismo ang nagsabi na hindi na ako kailangan, yun siguro ang hudyat na dapat ko nang lisanin ang GMA-7.

“Mahalaga kasi na may loyalty ka sa pinagtatrabahuhan mo, para maging role model ka sa iba.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kuya Germs kahapon, October 13, bago magsimula ang kanyang radio program na Walang Siyesta sa dzBB.



ROLE IN SHOWBIZ. Paniniwala pa ng veteran TV host, “Iba kasi ang role ng isang Kuya Germs sa showbiz.

“Kailangan naba-balance mo ang lahat, yung napapagbigyan mo rin yung ibang TV networks.

“Bale tulong na rin ng Kuya Germs yun sa showbiz.

“Yun kasi yung kinamulatan ko sa showbiz na lahat ng artista, puwede kahit saan, para lahat may trabaho, wala masyadong nababakante.

“Yun yung nakakalungkot ngayon, kasi bawat TV networks, may kanya-kanyang contract artist.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ang mangyayari, sa network kung saan ka nakakontrata ka lang puwedeng gumawa ng project.

“Kaya kapag wala kang project sa TV network mo, bakante ka dahil ‘di ka puwede gumawa sa iba.

“Kaya nga sa show ko [Walang Tulugan with the Master Showman], lahat puwede.

“Lahat puwede mag-promote ng album o pelikula. Kumbaga, everybody is welcome.”

Si Vice ba ay inimbitahan niyang mag-guest sa Master Showman?

Ayon kay Kuya Germs, “Inimbita ko siya sa taping ng third month celebration ng birthday ko sa Walang Tulugan.

“Hopefully mag-drop by siya at mag-guest sa show ko.

“Wala namang magiging problema kasi birthday ko naman yun at isa siya sa magiging espesyal na guest ko sa month-long birthday celebration ko.”



NORA AUNOR. Speaking of his birthday celebration, totoo bang nagtampo siya sa Superstar na si Nora Aunor dahil hindi ito sumipot sa first week ng birthday celebration niya?

Paglilinaw ni Kuya Germs, “Hindi naman ako nagtampo sa Ni [tawagan nila ni Nora] ko.

“Isang buwan naman ang celebration ng birthday ko kaya puwede pa siya mag-guest sa third or fourth week ng celebration ko.

“’Tsaka binati naman niya ako through call at sa text.

“Nagkataon lang na may shooting siya sa Tacloban para sa bago niyang pelikula about Yolanda.

“Siyempre trabaho yun, kaya kailangan niyang unahin yun. Naiintindihan ko siya.

“Si Ni naman, kapag walang appointment ‘yan na nauna, pupunta at pupunta ‘yan.”



KUYA GERMS’S CHILDREN. Sa kabilang banda, nalulungkot daw si Kuya Germs dahil sa dami ng kanyang mga naging anak-anakan sa showbiz ay hindi man lamang daw nakakaalala yung iba.

“I don’t want to mention names, alam nila kung sinu-sino sila.

“Natural na bilang naging ama nila sa showbiz, nami-miss ko rin sila at gustong makita kahit paminsan-minsan.

“Pero may mga anak-anakan pa rin naman ako na lagi pa rin nandiyan at nakakaalala at bumibisita sa show ko,” sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN