Kim Chiu says working with Coco Martin has been a "learning experience"

Kim Chiu learned a lot from her co-star Coco Martin throughout their stint in Ikaw Lamang: “Ang dami ko talagang natutunan ko kay Co, hindi lang yung basta umarte ka, involved ka dapat sa lahat, sa kabuuhan. Yung hindi naman masama na magbigay ka ng opinyon.”


Hindi maitago ni Kim Chui ang lungkot na nararamdaman sa nalalapit na pagtatapos ng primetime teleseryeng pinagbibidahan niya sa ABS-CBN, ang Ikaw Lamang.

Halos isang taon nilang ginawa ni Coco Martin ang teleserye na ito, kung kaya ang pakiramdam niya ay mawawalan siya ng isang pamilya.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng entertainment media si Kim sa location shoot ng Ikaw Lamang sa Lantana, Cubao, Quezon City, noong October 17, isa sa pinag-usapan ay ang estado ng kanyang emosyon ngayong ilang taping days na lang ang kanilang binubuno.

Saad ng Kapamilya actress, “Siyempre, nakakalungkot din.

"Kasi mag-iisang taon din kaming magkakasama sa teleseryeng ito, ’tapos ilang araw lang ay maghihiwa-hiwalay na kami.

“Siyempre, mami-miss din namin yung bonding, at itong Ikaw Lamang, ang dami kong nakatrabahong artista rito.

“Thirty-four kami dito, so dun sa thirty-three na yun, sobrang honored ako nakatrabaho ko silang lahat sa isang show.”

GETTING TO KNOW COCO BETTER. Sa halos isang taon na magkasama sila ni Coco, anu-ano ba ang mga na-discover niya kay Coco bilang tao at bilang aktor?

Ani Kim, “Ako, kay Coco, ’pag nagsimula na siyang tumawa, sampung minuto na siya, hindi siya titigil, tawa lang siya nang tawa.

“Kaya lahat kami sa set, tawa na rin nang tawa. So, yun, nakakatuwa.

“At least, kahit sobrang drama, iyakan, may galit at lungkot, ’tapos, after that, tatawa na lang kami nang tatawa, yun.”

Kung si Kim nga raw ang masusunod, mas gugustuhin niya na isang happy ending ang pagtatapos ng kanilang teleserye.

Pakli ng Pinoy Big Brother Teen Edition alumna, “Oo naman, kasi sobrang bigat na.

“Kahit maging sa dulo man lang ay maihatid namin na masaya sila, maging para sa amin, at yun, para sa ending ng teleserye.”

Dito rin nga raw napansin ang pagiging isang aktres ni Kim, dahil sa tindi ng mga eksenang pinagdaanan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang masasabi niya?

Aniya, “Ayun, nagpapasalamat nga ako sa Dreamscape [producer ng Ikaw Lamang] at sa lahat ng mga kasama ko rito.

“Siyempre, kasama ko si Coco at ang sobrang magagaling na artista.

“Sabihin mo kung sino ang magaling na artista dito sa ating industriya ay nandito sila sa Ikaw Lamang.

“Siguro naisama ako dun, at napansin ang kakayanan ko.”

LEARNING FROM COCO. Maging sa leading man niya na si Coco ay napakarami raw ang kanyang natutunan.

Pagmamalaki ni Kim, “Napakarami talaga, lalo na sa dedikasyon niya sa trabaho.

“’Pag nakikita mo siya sa set, parang hindi siya yung normal na Coco na nakakakuwentuhan mo, nakakatsika o nakaka-bonding mo, iba talaga.

“Nandun yung professionalism na parang sabi ko, ’Ay, puwede pala yung ganito?’ Tapos, magpapasabog na lang ’yan ’pag eksena.

“’Ay, kaya pala siya, nagku-concentrate doon sa malayo kasi may gagawin pala siyang kakaiba.

“Tahimik lang po siya at hindi nakakausap, pero ’pag eksena na, yun na pala yun.”

Dagdag niya, “Ang dami ko talagang natutunan kay Coco, hindi lang yung basta umarte ka, involved ka dapat sa lahat, sa kabuuan.

“Yung hindi naman masama na magbigay ka ng opinyon.”

Dahil sa malapit na ang kaarawan ng kanyang leading man, ibinuking ni Kim kung ano wish ni Coco para sa kanyang 33rd birthday.

Nangingiting pambubuking niya, “Alam niyo, napag-usapan namin kanina, at ang sabi nga niya, ’Alam mo, hindi pa ako nakakapag-travel na ako lang, yung hindi trabaho, at saka makapagpahinga.’"

Ano ang regalo niya kay Coco?

“Kung ano ang regalo ko sa kanya? Wala pa, secret na lang muna, saka na lang yun!” natatawang tugon niya.

TIME MANAGEMENT. Samantala, isa nga si Kim sa pinakaabalang artista ngayon.

Bago siya nag-taping para sa episode na yun ay kagagaling lang niya sa Canada at Amerika para sa ibang shows.

Marami ang curious kung paano pa niya nababalanse ang kanyang oras. Bukod kasi sa teleserye, may ginagawa pa siyang pelikula at may itinatayo na ring negosyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Kim, “Kinakaya naman kasi kung ano ang nandiyan, yun muna ang focus ko.

“Hindi ko muna pinagsasabay-sabay lahat, kasi ’pag papatung-patungin mo, nandun yung pressure sa iyo.

“Wala, walang pressure, kung ano ang nandiyan, dun ka mag-concentrate.

“Katulad nito, nagti-taping, dito muna ako naka-concentrate.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN