Vice Ganda gives update on his health condition; assures return to It’s Showtime

Vice Ganda on his health: "Kahit araw-araw akong nagtatrabaho, parang ang saya-saya, ‘di ba? Palagi kang nakangiti… ini-enjoy mo yung kita mo, ini-enjoy mo yung fame, lahat, yung ningning ng ilaw, ini-enjoy mo. Pero hindi mo alam, meron nang bumibigay na ibang bahagi ng pagkatao mo. ‘Yung kalusugan mo, ganyan, na nakakalungkot, kasi kahit anong gawin mo, hindi mo talaga mababalanse, e."


Pinangunahan ni Vice Ganda ang pagbibigay ng mensahe kay Coco Martin sa selabrasyon ng aktor ng kanyang ng 33rd birthday at 10th anniversary sa showbiz, na ginanap sa Cities Events Place, kagabi, October 29.

Pagkatapos ay nagbigay rin ng kanyang pagbati si Vice kay Coco sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media.

Saad niya, “Ang birthday wish ko kay Coco, dumire-diretso pa ang mga magagandang bagay na nangyayari sa kanya ngayon.

“Lahat ‘to ay simula pa lamang at deserved na deserved niya kasi mabuting tao ‘yang si Coco.

“Nakita ko kung anong klaseng tao siya bago pa siya pumasok sa showbiz.

“Hanggang sa nandito na siya at namamayagpag sa showbiz, e, nakita ko lalo, mas nagniningning ang kabutihan niya.

“Kaya lahat ng magagandang bagay na nangyayari sa kanya, deserved na deserved niya.”


HEALTH ISSUES. Ang pagpunta ni Vice sa double celebration ni Coco ang kauna-unahan niyang paglabas sa isang showbiz event pagkatapos niyang pansamantalang magpaalam sa noontime show ng ABS-CBN na It’s Showtime.

“Sinabi ko naman na ang rason noon. I need to rest. Health issues,” pahayag ng comedian-TV host.

Ano na ang kalagayan ngayon ng kanyang lalamunan?

“Kanina, galing ako sa St. Luke’s, kasi may follow-up check.

“Medyo umayos na yung hitsura ng larynx ko, nung throat ko.

“Maaliwalas na, hindi na siya punung-puno ng mucus.

“Pero nandoon pa rin yung polyps, e. Inaalam nila kung cyst siya o polyps.

“E, kailangan kong… may choice kung gusto kong i-biopsy.

“Pero kailangan kong magpahinga ng dalawang linggo, total voice rest.

“E, for now, hindi ko siya puwedeng gawin.”

Paliwanag niya, “Kasi nagmu-movie ako, so sabi nila, since hindi natin magagawa, prinolong [prolonged] yung gamot ng dalawang linggo pa.

“’Tapos titingnan kung gaganda yung sitwasyon after two weeks.

“Pero kung after two weeks hindi pa gumaganda, ganoon pa rin, e, kailangan na talaga siyang operahan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero sabi nung doktor, huwag daw akong matakot kasi wala naman daw hiwa sa loob.”

Ano ang naramdaman niya nung sinasabi ng doktor ang mga pagdadaanan niya sa kanyang sakit?

Sabi ni Vice, “Wala, hindi naman... mas masaya kasi ako na nalalaman hangga’t maaga kesa yung malalang-malala na.

“Kung wala nga lang din akong masyadong maraming ginagawang trabaho, kung wala akong pelikula, tatapusin ko na ‘to lahat, e.

“Kaya lang, kailangan kong matapos ang Praybeyt Benjamin for the filmfest.”



PRAYBEYT BENJAMIN. Speaking of Praybeyt Benjamin 2, nakakapag-shooting ba siya ng kanyang pelikula sa kabila ng health condition niya?

Ayon kay Vice, “Oo, almost every day, e.

“Pero hindi ko alam kung ilang percent na yung natatapos namin.

“E, si Direk Wenn [Deramas], aalis din, first week ng November…

“Kaya sabi ko nga, ‘November 4, wala ang direktor ko, baka puwede doon?’

“Pero feeling ko, hindi na aabot, e, kasi gagaling na sa medisina.”



ADVICE FROM KRIS AQUINO. On the same event, nainterbyu rin ng taga-media si Kris Aquino.

Sinabi ni Kris na nandiyan lang siya para magbigay ng advice kay Vice.

Reaksiyon dito ni Vice, “Masaya... nakakatuwa.

“Kasi para kaming mag-best friend. Magkadugtong ang bituka namin.

“Kahit hindi ko sabihin sa kanya, alam niya, oo.”

Biro pa niya, “Bukod sa may bionic ears siya dahil naririnig niya lahat!

“Kahit hindi ko sabihin sa kanya ang problema ko, nararamdaman niya.

“’Tapos nagugulat na lang ako, tatawag.

“’Tapos kahit hindi ako umamin, alam niya. Alam niya talaga.”

Sabi pa ni Kris, huwag sumuko si Vice sa kung anuman ang nangyayari sa kanya ngayon.

Sabi naman ni Vice, “Hindi… masaya kasi yun, in this industry, I was able to find a best friend just like Coco Martin.

“I was able to find good friends. May mabubuting tao na nakapaligid sa akin.

“Kaya masaya, dagdag… maraming bonus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bukod sa kumikita ng ganoon kalaki sa showbiz, nakakatagpo ka ng ganoong klaseng tao.”

Payo pa ni Kris kay Vice, huwag maging emosyunal kahit araw-araw nagtatrabaho.

Pagsang-ayon naman ni Vice, “Oo, kahit araw-araw akong nagtatrabaho, parang ang saya-saya, ‘di ba?

“Palagi kang nakangiti… ini-enjoy mo yung kita mo, ini-enjoy mo yung fame, lahat, yung ningning ng ilaw, ini-enjoy mo.

“Pero hindi mo alam, meron nang bumibigay na ibang bahagi ng pagkatao mo.

“‘Yung kalusugan mo, ganyan, na nakakalungkot, kasi kahit anong gawin mo, hindi mo talaga mababalanse, e.

“Meron at merong masa-sacrifice, oo, kaya that’s sad.”



IS THIS FINAL GOODBYE? Marami naman ang nalungkot nang magpaalam si Vice sa It’s Showtime. Babalik pa ba siya rito?

“Oo, ano ba! Kapag maayos na lahat, babalik ako,” paniniguro ni Vice.

Bukod sa sakit na nararamdaman niya, may iba pa ba siyang pinagdadaanan?

“Sa ngayon, ang dinadama ko lang yung pinagdadaanan ng kalusugan ko.

“Yun ang priority ko, yun ang kailangang ayusin.”

May tampo ba siya sa It’s Showtime?

“A, wala.

“Sa Showtime? Sa programa ko? Wala akong tampo.

“Malaki ang utang na loob ko doon. Hindi ako nagtatampo sa programa,” saad ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN