Eula Valdes reveals her choice to play Amor Powers character—is it Jodi Sta. Maria or Angelica Panganiban?

Eula Valdes picks the likely "heiress" to her Amor Powers character: “Kasi kaibigan ko si Jodi (Sta. Maria), e! So alam mo yun? Pero sa kakayahan, malay mo naman, may pasabog si Angelica (Panganiban)? Hindi mo rin masasabi, e. Nasa materyal yan, e. Kung maganda ang materyal, lalabas at lalabas ang galing mo.”


“Nanay pa rin yun.

“Pare-pareho ang nanay, ang pakiramdam...

“Pero iba ang pakiramdam ng nanay na alam mo na kapag umuwi ang anak mo sa Pilipinas ay papatayin,” sagot ni Eula Valdes nang tanungin namin kung saan siya humugot ng emosyon sa pagganap bilang si Teodora Alonzo sa Ilustrado, ang bayaniserye ng GMA.

“Kay Teodora Alonzo mismo,” tugon naman niya kung sino ang peg niya sa kanyang pagganap sa Ilustrado.

Hindi na raw niya kinailangang mag-research tungkol sa buhay ng ina ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal na ginampanan naman ni Alden Richards sa nabanggit na bayaniserye.

“Sa totoong buhay, anong mararamdaman ng nanay na naniniwala sa pakikipaglaban ng kanyang anak, bilang Pilipino na na-exile, ’tapos alam niyang any time na umuwi siya e, dead siya?

“’Di ba?

“Ang ano lang siguro dun, sobrang restrained. Dahil nung mga panahon na yun, ang babae ay hindi masyadong nagpapakita ng tunay na emosyon dahil pigil, ’di ba?

“Dahil ganun yung kultura natin noong araw pero ang background ni Teodora Alonzo, isa siya sa mga babaeng matatalino nung panahon niya, na may-kaya, yung sobrang pino, refined,” dagdag pa ng veteran character actress.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eula sa presscon ng Ilustrado sa Historia Restaurant noong Huwebes, October 16.

Sa Ilustrado ay kasali rin si Solenn Heussaff bilang si Nellie Boustead; Jaclyn Jose bilang Conchita Monteverde; Ricardo Cepeda bilang Francisco Mercado; Polo Ravales bilang Venchito Monteverde; JC Tiuseco bilang Antonio Luna; Marco Alcaraz bilang Paciano Mercado; Max Collins as Consuelo Ortigas; Lucho Ayala bilang Jose Alejandrino; Freddie Webb bilang Jose Alberto; Lito Legaspi bilang Padre Amado; at si Kylie Padilla bilang si Leonor Rivera.

Nasa Ilustrado rin sina Jhiz Deocareza bilang batang Jose Rizal at si Sean Ross bilang batang Venchito.

Hindi raw siya nagdalawang-isip na gumanap bilang ina ni Alden na isang binatang artista na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dahil sa totoong buhay ang panganay ko naman e, bente-anyos na,” pagtukoy niya sa binatang anak niyang si Miguel.

“’Tapos pinatanda naman ako dito, e. Ako na nga naglalagay ng pampatanda sa mukha ko,” at natawa si Eula.

MAKE-UP WOES. Tinanong namin si Eula kung saan siya mas na-challenge—sa papel niya bilang Teodora Alonzo sa Ilustrado o sa papel niya dati bilang sirenang si Dyangga sa Dyesebel?

“Ang sirena naman ay nakakapagod kasi gusto nila lagi sumisigaw e,” at natawa si Eula.

“Napagod, hindi na-challenge,” pagtukoy niya sa kanyang mermaid role dati.

Sa Ilustrado naman ay napagod raw ang kanyang balat.

“Sa make-up! Dahil hindi namin alam kung gagawin na lahat ng batang eksena ko sa ganitong days.

“Hindi.

“Sa isang araw, depende kasi kung ano ang available na location, at availability ng artista.

“Minsan ang hapdi na ng mukha ko,” at natawa si Eula.

“’Tapos minsan kalahati na ng buhok ko yung pinapuputi ko dahil sabi matanda raw ako sa eksena biglang, ‘Ay kumambiyo po, bata po ulit!’

“Parang, ‘Ano ba talaga?’

“So tatanggalin ko na naman,” reklamo niya.

ACTING CHALLENGES. Nahirapan ba siya sa pagganap?

Patuloy pa ni Eula, “Siyempre na-challenge rin at saka nakakapagod din dahil habang tumatanda ako, meron kasing... alam mo yung merong continuity ang pag-age ko, e.

“So yung buong script, nilalagyan ko ng marka from episode ganito to ganyan, bata ako, tapos may mark na rin yung eksenang matanda ako.”

Kuwento pa ni Eula, grabe ang mga pinagdaanan ni Teodora Alonzo.

“Nakulong si Teodora, pinaglakad siya ng pagkalayu-layo twice. Nung bata siya, at nung matanda na siya from Calamba [Laguna] to Sta. Ana [Manila].

“Naglakad!”

Pang-award ba ang pagganap niya sa Ilustrado?

Mabilis niyang tanggi, “Ay, hindi ako nanghihingi ng award dito, hindi. Dyusko! Hindi.

“Ginagawa ko lang kung ano yung hinihingi ng role at sana ay masaya yung direktor ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Ilustrado ay sa direksyon ni King Mark Baco at napapanood weeknights sa GMA Telebabad.

FREELANCER. Ang kontrata ni Eula sa GMA ay per project.

Mas gusto ba niya iyon kaysa nakakontrata siya sa isang network?

Lahad niya, “Iyon ang dumarating, e.

“And gusto ko naman yung resulta kasi kung saan may proyekto e, ’di doon ako.”

Kung bibigyan siya ng exclusive contract ng GMA, papayag ba siya?

“Depende sa pag-uusap siyempre yun. Depende kung anong klaseng kontrata,” giit niya.

Mas gusto ba niya ang tumatawid-tawid?

“Kasi gusto ko siyempre yung, iba rin yung proyekto sa kabila, magkaiba ’yan, e. Magkaiba so para hindi ka nabu-bore.

“’Tsaka trabaho lang. Trabaho lang,” patuloy pa niya.

PANGAKO SA ’YO REMAKE. Noong nasa ABS-CBN si Eula ay sumikat siya nang husto sa pagganap bilang Amor Powers sa soap opera na Pangako sa ’Yo. (PSY)

Kaya tinanong namin si Eula kung ano ang masasabi niya na ang bagong Amor Powers sa Kapamilya Network ay si Jodi Sta. Maria.

“Akala ko hindi niya tinanggap?

“Akala ko si Angelica Panganiban daw, ang huling rinig ko?

“Wala, wala akong comment,” at natawa si Eula.

“E trabaho niya yun, e! Itatrabaho niya yun. E di, wala!

“Basta happy ako sa Pangako sa ’Yo nung time namin.

“Tapos na yun!” pahayag pa niya.

Naging phenomenal ang kasikatan ni Eula noon bilang si Amor Powers.

“At hanggang ngayon ay niri-replay pa rin siya abroad.

“Happy ako na hanggang ngayon tinatangkilik pa rin yung Pangako Sa ’Yo.

“Yung emosyon ko at reaksyon ko ay nagtatapos sa panahon namin.

“Yung bago ngayon, kung anuman ang gagawin nila, right nila yun, kung gusto nilang gumawa ng panibagong version. Siyempre bagong mga artista dahil kung hindi, bakit pa sila gagawa e ’di i-replay na lang din nila ulit,” pagbibiro ng aktres.

Tumatak nang husto sa publiko noon ang Pangako Sa ’Yo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Happy na nga ako doon sa resulta sa trabaho namin noon. And yung sa ngayon ay good luck!

“Maganda pa rin yung proyekto,” sabi pa niya.

WHO IS THE BETTER AMOR POWERS? May ibang nagsasabi na mahirap pantayan ang orihinal na PSY.

“Siyempre naman, malay mo naman mahigitan naman ng kung sinong papalit?

“Bilog ang bola. E, kung si Jodi magaling, si Jodi. Gusto ko si Jodi,” pagpuri niya.

Sino ang mas pipiliin niya: si Jodi o si Angelica?

“Wala, good luck sa kanilang dalawa,” natatawang sagot niya.

Pero sino ang mas gusto niya?

“Kasi kaibigan ko si Jodi, e! So alam mo yun? Pero sa kakayahan, malay mo naman, may pasabog si Angelica?

“’Di ba? Hindi mo rin masasabi, e. Nasa materyal yan, e. Kung maganda ang materyal, lalabas at lalabas ang galing mo.

“Puwera na lang kung bobo ka,” ang tumatawang pagtatapos ni Eula sa aming panayam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN