Jolina Magdangal and Marvin Agustin do a love scene for the first time

Why did the Marvin Agustin-Jolina Magdangal loveteam click? Jolina explains, “Mula noon, hindi rin kami sinasabihan na ganito ang gawin niyo or ganyan ang gawin niyo. Isa rin ’yon siguro sa magic ng Marvin and Jolina, na never kaming nag-pretend na kami.”


“Malamok, malamig!”

Ito ang pabirong paglalarawan ni Jolina Magdangal sa ginawa niyang love scene kasama ang longtime onscreen partner niyang si Marvin Agustin.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Jolina sa press conference ng bagong teleserye nila ni Marvin sa ABS-CBN, ang FlordeLiza, kagabi, November 12.

Dito, sinabi ni Jolina na mas natawa siya kaysa kinabahan nang malaman niyang may ganun silang eksena ni Marvin.

“Natatawa ako kasi alam namin na may may mga eksena kaming first time naming gagawin, so parang natatawa-tawa ako.

"Parang nae-excite lang ako na lume-level na pala ang loveteam,” sabi ni Jolina.

Nabanggit din ni Jolina na ito ang unang pagkakataong gagawin niya ang ganitong klase ng eksena.

Kaugnay nito, nagpapasalamat siya na si Marvin ang kaeksena niya dahil matagal na silang magkakilala.

Ani Jolina, “Siguro kaya rin ako kumportable kasi si Marvin ’yon, e.

"Kumbaga, nagta-trust naman ako sa kanya na kung ano lang talaga ang eksena, kaya okay naman."

Ano ang naging reaksiyon ng asawa niyang si Mark Escueta nang malamang magkakaroon sila ng love scene ni Marvin?

Sagot ng 36-year-old singer-actress, “Alam niya ang story ng FlordeLiza.

“And si Mark, hindi ko masasabi na parang mabigat dahil alam niya na ito ang trabaho ko at saka fan siya ng Jolina-Marvin.

“Alam din niya kung ano na ang mga nagawa ko dati at kung ano pa ang magagawa ko ngayon kasi alam niyang kailangan ng story.”



TAKING ON MATURE ROLES. Bagamat bago ito sa gagawin nila ni Marvin bilang magka-loveteam, nilinaw naman ni Jolina na, “Ayaw naming gawing bentahe ang bed scene dahil ang pinakabentahe namin dito ay yung kabuuan ng istorya, na makapag-antig ng mga puso nila bilang isang pamilya.”

Sinabi rin ni Jolina na hindi ito ang basehan na pagiging mature na niya bilang isang aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ayaw ko namang sabihin na dahil nag-bed scene ’yon na ang start ng pagma-mature.

“Ito rin siguro yung first time na gagawin ko ang pamilyadong tao dito sa istorya.

“’Tapos first time din namin ni Marvin na heavy drama.

“Ayaw ko naman na ’yon lang ang gawing basehan na nag-mature ako.”



MARVIN-JOLINA SECRET. Halos dalawang dekada na rin ang nakalilipas mula nang maging hit ang tambalan nina Jolina at Marvin.

Sa panahong iyon, inasahan na raw nila na maaaring muli silang magkasama, subalit mas mature na ang roles na kanilang gagampanan.

Ayon kay Jolina, “Yung pagtratrabaho namin ni Marvin bilang magkarelasyon, ine-expect ko ’yon in a way kasi maliit lang naman ang mundo ng showbiz.

“Magkakatrabaho at magkakatrabaho kami niyan kahit ilang taon pa.

“Ang hindi ko ine-expect, ang surprising sa akin ay ang pagtanggap ng tao.

"Para kaming batang loveteam na huma-hashtag ng MarJo!"

Sa tingin ni Jolina, marami pa rin ang nakakaalala sa kanila ni Marvin bilang magka-loveteam dahil nagpakatotoo sila noon.

“Kasi alam naman namin na noong panahon namin, kailangan ang loveteam nagkakatuluyan, e, hindi kami nagkatuluyan.

“So, feeling ko, kaya nandoon yung magic dahil hindi man kami nagkatuluyan.

"Hindi man kami nag-end up together, pero yung friendship namin ay nandoon.

“And, sa sobrang lalim na rin ng friendship namin, kaya naming balik-balikan kung ano yung nangyari dati na parang nagkukuwentuhan na lang.”

Diin pa ni Jolina, “Mula noon, hindi rin kami sinasabihan na ganito ang gawin niyo or ganyan ang gawin niyo.

"Isa rin ’yon siguro sa magic ng Marvin and Jolina, na never kaming nag-pretend na kami."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN