Direk Wenn Deramas still saddened by memory of Rico Yan-Claudine Barretto loveteam

Wenn Deramas on Rico Yan-Claudine Barretto loveteam: "Ibang klase ang lakas nila sa mga tao, mapa-pelikula o telebisyon, sinusuportahan ng kanilang mga tagahanga ang ginagawa nila. Lahat ng gawin nila, basta magkasama sila, panalo. Wala silang ginawa na hindi kumikita o nagri-rate."


Nagbalik-tanaw ang direktor na si Wenn Deramas noong kasagsagan ng kasikatan ng loveteam ni Claudine Barretto at namayapang si Rico Yan.

Sabi ni Direk Wenn sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), isa sa pinaka-successful na tambalan sa showbiz ang kina Rico at Claudine noong late ’90s hanggang early 2000.

"Naku, maraming patutumbahing loveteam ngayon ang tambalan nila Rico at Claudine! Grabe ang kasikatan nila noon.

"Ibang klase ang lakas nila sa mga tao, mapa-pelikula o telebisyon, sinusuportahan ng kanilang mga tagahanga ang ginagawa nila.

"Lahat ng gawin nila, basta magkasama sila, panalo. Wala silang ginawa na hindi kumikita o nagri-rate.

"Kaya masasabi ko talaga na isa ang tambalan nila na talaga namang sumikat at walang kukuwestiyon doon."

RICO-CLAUDINE LOVE STORY. Pahayag pa ng direktor, "Saksi ako first Mula Sa Puso [1997-1999], sabihin natin.

"Bago pa lang namin ginagawa ang Dahil Mahal Na Mahal Kita [1998], alam na namin na mahal na mahal na siya [Claudine] ni Rico Yan.

"At sobra rin naman ang pagmamahal ni Claudine kay Rico.

"Si Claudine Barretto na siya, pero willing siyang maging yaya ni Rico, ganun ’yan… na-witness ko ’yan.

"Siya ang alarm clock, nanay, yaya ni Rico, kaya masakit na hindi sila nagkatuluyan.

"Kasi nakita namin at naramdaman yung pagmamahalan nila.

"Kasi halos every day nagpepelikula kami ni Claudine, nagti-TV kami.

"’Pag hindi kami nagti-taping, magkakasama kaming nanonood ng sine o kaya nasa bahay ni Jaclyn Jose, kumakain.

"Iba kasi yung naging samahan namin, naging sobrang solid.

"It’s beyond actor-director relationship.

"Gusto ko silang kutusan noon!" pagbibiro pa niya.

Patuloy na kuwento ng box-office director, "Nung time nga nung namatay si Rico, feeling ko, isa ako sa Barretto sisters.

"Halos tumira ako sa bahay ni Marjorie kasi nandoon si Clau-Clau [Claudine].

"At ako lang yung ganito, may sasabihin yung pamilya, ako yung kinakausap ni Clau-Clau.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kapag may kailangang gawin si Clau, sa akin sasabihin at kakausapin ko si Clau-Clau.

"Kaya isa talaga ako sa mga nalungkot sa nangyari noon."

RAYMART-CLAUDINE FEUD. Ikinalungkot din daw ni Direk Wenn ang paghihiwalay at pag-aaway ni Claudine at ng asawa nitong si Raymart Santiago.

Aniya, "Hindi ba kayo aware sa mga nangyayari?

"Nakakalungkot lang kung bakit kailangang mangyari yung ganun.

"Kaya lang, hindi naman natin saklaw ang buhay nila.

"Katulad nga ng sabi ko, na hindi ako nakikialam kapag tungkol na sa pamilya yung usapin.

"Pamilyang problema ’yan, so dapat sila ang umayos niyan.

"Nag-usap na kami ni Clau tungkol diyan at ayaw ko nang idetalye pa sa inyo yung pinag-usapan namin.

"Basta ang mahalaga, sila ang aayos niyan.

"Wala namang puwede umayos kung ano man ang problema nila kung hindi sila.

"Dahil sila naman ang nakakaalam ng puno’t dulo ng pinag-ugatan ng ’di nila pagkakaunawaan.

"Kaya hayaan na lang natin silang ayusin ang mga bagay-bagay at huwag na tayong makisawsaw pa.

"Alam kong kayang kaya nila ’yan," saad ni Direk Wenn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN