Joey de Leon reveals negotiating for Willie Revillame’s game show to be aired on GMA

Posible nga kayang magsama sa iisang network sina Willie Revillame (kaliwa) at Joey de Leon (kanan)? Nabanggit kasi ni Joey na "nilalakad" niya na malipat ang Wowowee ni Willie sa Kapuso network. Ayon kay Joey, "Sabi ko nga nilalakad ko sa Channel 7 yung alas-singko gawin nang Wowowee, alas-singko hanggang bago mag-news."


Isiniwalat ni Joey de Leon nitong Biyernes sa noontime show na Eat Bulaga! na nagtutulong sila ng newscaster na si Mike Enriquez para mapanood sa GMA-7 ang sikat na game show noon ni Willie Revillame.

Sa pagsisimula ng segment ng Eat Bulaga! na "Sugod-Bahay," binati ni Joey si Willie na tinawag niyang "pare" na nanonood umano ng mga sandaling iyon.

"Sabi ko nga nilalakad ko sa Channel 7 yung alas-singko gawin nang Wowowee, alas-singko hanggang bago mag-news," patungkol ni Joey sa primetime newscast ng GMA na 24 Oras.

"Kami ni Mike Enriquez medyo inaayos namin," dagdag pa niya.

Kabilang si Mike sa mga anchor ng 24 Oras—kasama sina Mel Tiangco at Vicky Morales—na nagpapanood tuwing 6:30 P.M.

"Maganda ’yan, Channel 7, 5:00 to 6:30 [P.M.] Wowowee tapos 24 Oras. Iba yung kumpare natin, e," dagdag pa niya Joey.

Sinabi naman ni Senator Tito Sotto, na katabi ni Joey sa Eat Bulaga!, na ang nabanggit na oras na planong ilaan sa programa ni Willie ay time slot ng isang sikat na programa noon na Oras Ng Ligaya.

"Panahon ng Oras Ng Ligaya, noong araw, ’di ba," ayon kay Tito Sen.

Idinagdag pa ni Joey na sinabi niya kay Willie na ang Eat Bulaga! dabarkads ang bahalang mag-promote ng magiging programa nito sa GMA-7 sa hapon, dahil mauunang silang mapapanood sa longest-running noontime show sa bansa.

"Dahil mauuna tayo... tanghali tayo, e, alas-singko siya [Willie]," ani Joey.

Dating napanood ang Wowowee ni Willie sa ABS-CBN.

Nang lumipat ang host sa TV5, tinawag na Wil Time Big Time ang kanyang game show, at pinalitan ng Wowowillie na huling umere noong Oktubre 2013.

Matatandaan na nagkaroon ng iringan noon sina Joey at Willie pero natuldukan din nang surpresahin ni Willie si Joey sa show nitong Startalk noong Oktubre 2012.

Sa isang panayam noon, sinabi ni Joey ang malaking paghanga niya kay Willie na umasenso sa buhay matapos ang mga pinagdaanang hirap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa kasaysayan ng ibang artista, yung dinaanan mo ibang klase, hindi naging supot yung paputok mo… sumabog talaga ‘to.

"Pero dumaan sa kahirapan ‘tong taong ito, pati mga hindi nakaintindihan, nakaaway, nakakumpetensiya, pero bilib ako sa ’yo, pare," ayon kay Joey.

Inalala naman ni Willie ang ilang pelikula na pinagsamahan nila ni Joey noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz, kabilang na ang Barbie at Sam and Miguel.



MIKE EXPLAINS. Kaugnay nito ay nagbigay ng paglilinaw ang Kapuso news anchor na si Mike Enriquez tungkol sa naging pahayag ng kaibigan niyang si Joey de Leon na pagtutulungan nila na mapanood sa GMA-7 ang game show ni Willie Revillame bago mag-24 Oras.

Sa panayam sa telepono ng GMA News Online kay Mike nitong Biyernes, ipinaliwanag niya na nagkita-kita sila ni Joey at Willie nitong Huwebes ng gabi sa birthday celebration ng isa nilang kaibigan.

"Imbitado lang kami, doon kami nagkita-kita. Pero kung ang iisipin, e, sadyang nagkita-kita kami para mag-meeting, hindi ganun," paliwanag ni Mike.

Dagdag pa ni Mike, na kilala rin bilang "Mr Imbestigador ng Bayan," kasama nila sa naturang pagtitipon ang kani-kanilang maybahay.

Ayon kay Mike, ang posibleng pagkakaroon ng programa ni Willie sa GMA ay bahagi ng kuwentuhan ng mga magkakaibigan ay wala pang kasiguraduhan kung maisasakutaparan.

"Sabi ko nga sa kanila, may program committee, may mga taong nagde-decide tungkol sa diyan, hindi naman ako...

"Sabi nila, baka puwedeng banggitin," paliwanag niya.

Patuloy pa ni Mike, ang pagkakaroon ng programa ni Willie sa GMA ay ilan lamang umano sa mga "idea" na lumutang nang gabing iyon sa usapan ng mga magkakaibigan.

Katunayan, kabilang pa umano sa mungkahing lumutang sa pag-uusap na iyon ay ang pagkakaroon nila ni Joey ng radio program.

Napapakinggan din tuwing umaga si Mike sa programa nito na dzBB, na radio station ng GMA.

"Ako naman, anything na worth exploring, lalo na iyong mga outside the box na idea, yung new innovation at kung makatutulong sa GMA, susuportahan ko iyan," pahayag pa ng batikang newscaster.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin kung nabanggit na ba niya sa mga kinauukulan ang posibleng pagkakaroon ng programa ni Willie, tugon ni Mike, "Kagabi lang naman namin ’yan napag-usapan."

Sinabi pa ni Mike na matagal na rin niyang kaibigan si Willie at "tito" ang tawag nito sa kanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN