PEP EXCLUSIVE. Tippy Dos Santos deeply troubled by alleged stalker

“She’s very shaken about it kasi matagal nang nangyayari. It dates back even before her 18th birthday. Itinatago lang namin kasi we didn’t want to make it a big deal. Kaya lang, yun nga, he was found again nitong Friday [August 21],” says Tippy Dos Santos’s Stages Management manager Carlo Orosa in an interview with PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).


Inihayag ng kampo ni Tippy Dos Santos, 20, na lubhang nababahala ang singer-actress sa diumano’y stalker nito na nagngangalang Rondon Gurion, 37.

Ito ay sa kadahilanang may insidente kung saan diumano’y pilit na nakapasok si Rondon sa backstage ng Carlos P. Romulo Auditorium ng RCBC Plaza, sa Makati City, noong November 21.

Sa naturang venue isinasagawa ang Grease stage musical na pinagbibidahan ni Tippy mula November 15 hanggang December 7.

Bukod pa ito sa napapadalas na pagpapadala ni Rondon ng emotional e-mail messages kay Tippy, na may petsang November 17, 20, 21, at 23.

Dito ay makailang-beses inihayag ni Rondon ang kanyang “uncontrollable feelings” para kay Tippy at hinihikayat pa ang singer-actress na makipagkita sa kanya.

Patunay nito ay ang e-mail messages ni Rondon kay Tippy na nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa Stages Management manager ng singer-actress na si Carlo Orosa kahapon, November 25.

Makikita sa e-mail messages ni Rondon na umaasa siyang maging mutual ang feelings ni Tippy para sa kanya sa oras na magkita sila nang malapitan at mas magkakilanlan nang husto.

Pahayag pa ni Carlo tungkol sa reaksiyon ni Tippy: “She’s very shaken about it kasi matagal nang nangyayari.

“It dates back even before her 18th birthday. Itinatago lang namin kasi we didn’t want to make it a big deal.

“Kaya lang, yun nga, he was found again nitong Friday [August 21].”

PRIVATE MESSAGES, GIFTS, OTHER ALLEGED STALKING INCIDENTS. Napag-alaman ng PEP na nakilala ni Tippy at ng kanyang ina si Rondon nang mag-offer ang huli na maging photographer sa 16th birthday party ng singer-actress sa Centerstage, Makati City, noong August 16, 2010.

Pumayag ang ina ni Tippy dahil nagpakilala si Rondon bilang isang “freelance photographer” ng ABS-CBN.

Mula noon ay madalas na itong nagpapadala ng private messages sa Facebook ni Tippy.

Ngunit dalawang beses lang nag-reply ang singer-actress upang pasalamatan si Rondon sa libreng serbisyo nito bilang photographer at sa pag-aakalang isa itong masugid na fan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang sumunod na taon ay patuloy pa rin ang pag-send ng private Facebook messages ni Rondon kay Tippy, kahit na madalas ay hindi na nakakapag-reply ang singer-actress dahil sa busy schedule nito.

Ngunit bandang August 2011 ay nagpahayag si Rondon ng pagmamahal para sa singer-actress at panay ang padala ng “love letters” kay Tippy.

Sa puntong ito ay hindi na kailanman nag-reply si Tippy sa pangungulit ni Rondon, dahil hindi kumportable ang dalaga sa natatanggap na Facebook messages.

Ganunpaman, mayroong insidente kung saan nagpadala ng mga regalo (i.e. stuff toys, CDs, and letters) si Rondon sa private school kung saan nag-aaral si Tippy, noong 2011.

May pagkakataong nag-iwan ulit ng mga regalo (i.e. Hunger Games trilogy books and CD) si Rondon sa driver ni Tippy noong graduation day ng singer-actress sa Camp Aguinaldo Theater, Quezon City, noong March 2012.

Ngunit ang mas ikinakabahala ng kampo ni Tippy ay nagpupunta rin ang naturang stalker sa mismong bahay ng singer-actress para doon naman magdala ng kung iba pang regalo (i.e. ring, stuff toy, balloons, and roses).

Nangyari ito nang magdiwang ng kaarawan si Tippy noong August 16, 2012 at August 16, 2014.

INCIDENT REPORT. Bunsod nito, naalarma ang kampo ni Tippy nang mamataan si Rondon sa loob ng auditorium ng RCBC Plaza, noong November 21.

Mismong ina pa ni Tippy ang kumumpronta kay Rondon tungkol sa nakababahalang ikinikilos nito at direktang pinagbawalan na lapitan ang singer-actress.

Ayon pa rin sa impormasyon mula sa Stages Management, ang hindi alam ng ina ni Tippy ay nakapasok si Rondon sa dressing room kung saan naroon ang singer-actress noon ding araw na iyon.

Nagulat pa raw si Tippy nang makita ang diumano’y matagal na niyang stalker.

Hindi nakalapit si Rondon kay Tippy at ipinabigay na lang ang dala nitong regalo sa isang staff member ng Grease.

Nang sumunod na araw, November 22, muling namataan ang diumano’y stalker sa comfort room malapit sa Carlos P. Romulo Auditorium.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman hinuli ng RCBC security si Rondon upang kuwestyunin at hingan ng statement tungkol sa magkasunod na insidenteng diumano’y pag-stalk niya kay Tippy sa vicinity ng RCBC Plaza auditorium.

Kaugnay nito, pinadalhan ng Stages Management ang PEP ng kopya ng incident report ni 9 Works theatrical production manager Randy Salvador sa RCBC security at pagkilala sa diumano’y stalker ni Tippy na pinangalanang Rondon Guiron.

Aminado ang kampo ni Tippy na walang anumang ginawang pisikal na karahasan si Rondon sa singer-actress.

Nais lamang daw nilang tuldukan ang ilang taon nang pagsunud-sunod at sapilitang pakikipaglapit ni Rondon kay Tippy.

Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng kampo ni Tippy kung maghahain ba sila ng pormal na police report kaugnay ng diumano’y stalking incidents.

Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ni Tippy at ni Rondon hinggil sa naturang incident report.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN