Walang nararamdamang kaibahan si Bianca King sa pagtatrabaho niya sa TV5 kumpara sa pagsisilbi niya bilang artista sa GMA-7.
Magtatatlo na ang nagagawang show ni Bianca sa Kapatid Network.
Una rito ang Obsession. Ikalawa ay ang lalabas bukas na Wattpad Presents: His Secretary na sila ni John James Uy ang mga bida. At ang ikatlo ay ang uumpisahan pa lang na serye nila ni Derek Ramsay—ang Mac & Chiz.
Sampung taong nagtrabaho si Bianca sa Kapuso network at nitong taon lang siya nagkaroon ng pagkakataong subukan ang ibang istasyon.
Kinumpara niya ang pagtatrabaho sa TV5 at sa GMA-7: “Same rin naman.
“Maraming mga taong nakatrabaho ko sa TV5 na galing ng GMA. So hindi ako nahirapang mag-adjust sa kultura.
“Wala namang significant difference in terms of production, same lang.
“Yung sa treatment naman... walang mas-mas.
“Sinabi ko naman sa presscon namin last week na naramdaman ko naman sa TV5 na pinahahalagahan talaga ako bilang artista.
“Saka merong tiwala, dahil yung mga roles na ibinigay nila sa akin hindi ko pa nagagawa, e. So parang nagsusugal sila na parang, 'Ah, kaya ni Bianca 'to.'
“Nakakataba ng puso kasi siyempre, after 10 years na rin… magi-11 [years na ako in showbiz] sa March-April.
“So after 10 years, may mga bago pa rin akong mga roles na ginagawa, bagong experience.
“At nagpapasalamat ako sa TV5, kasi dumating ako sa point ng career ko na isang klase lang ng role ang ginagawa ko.
“Dito [TV5] nabibigyan ako ng pagkakataon na i-explore pa at ipakita sa mga tao yung kaya kong gawin bilang artista.
“'Etong Wattpad, romantic-comedy talaga siya. Si James [John James Uy] light-light kasama.
“Tina-Tagalog ko siya palagi, e. Kasi nahihirapan siya.
“Iniisip ko, kapag kakausapin ko siya, dapat Tagalog para masanay yung dila niya sa taping.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Bianca sa presscon ng TV5 para sa appearance niya sa Wattpad Presents: His Secretary, noong November 26 na ginanap sa Nomama Resto, Greenfields, Pasig City.
FREELANCER. Naramdaman ba niyang wala nang gaanong challenges para sa kanya sa GMA, kaya niya ginustong maging freelancer?
Aniya, “Hindi rin. Hindi naman nawalan. Lahat naman ng roles na ginawa ko, challenging pa rin.
“Yung last three years ko sa GMA magaganda talaga yung mga role.
“Nung naumpisahan na akong bigyan ng mga lead roles, yun na yung mga roles na naapi. Yun talaga ang bago for me.
“No'n, kakaumpisa ko lang noon, palaging kontrabida ang ginagawa ko. Yun ang naramdaman kong repetitive.
“Kasi seven years akong nag-kontrabida at hindi nari-realize ng tao na seven years akong palaging kontrabida.
“Naiintindihan ko naman yun dahil yung look ko naman nababagay doon. Pero acting-wise, marami pa naman akong kayang gawin na hindi ako nabigyan ng pagkakataon.
“And then finally, binigyan ako ng chance ng GMA na magbida, na-appreciate ko naman yun at lahat ng role simula noong magbida ako, grabeng bigat talaga.
“Hindi ko alam kung paano na makapag-survive.”
Wala raw inisip na risk ang paglipat ni Bianca sa TV5 dahil siya naman daw ang binitiwan ng GMA noong nag-expire ang kontrata niya noong January. Mula noon ay hindi na ni-renew ang kanyang kontrata.
Mula raw noong January hanggang ngayon ay freelance artist na siya. Nangangahulugang puede siyang magtrabaho kahit saan.
Ipinagmamalaki niyang bumalik siya sa Kapuso network kamakailan nang mag-guest siya sa Ryzza Mae Show.
“So maganda yun, puwede ako kahit saan, wala nang paa-paalam,” lahad niya.
HEALTH-RELATED BUSINESS. May gusto pa bang ma-achieve si Bianca sa kanyang career ngayong puede siyang pumili kung saang network niya gustong magtrabaho?
“Career-wise, magpu-pursige talaga ako na i-promote yung mga businesses na in-open ko itong year na ito.
“Kasi kaya ko naman siya ginawa, para may iba naman akong maihatid sa mga Filipinos.
“Meron akong yoga studio na puwede silang mag-exercise. May restaurant na puwede silang kumain ng healthy.
“Actually, yung sa healthy restaurant ko, hindi naman about weight. About health talaga. In a way, related siya sa nangyari sa dad ko at sa lola ko, 'di ba?”
Nagkaroon ng bypass surgery ang ama ni Bianca.
Patuloy niya, “Kasi high cholesterol, hypertension.
“Tapos yung lola ko naman nagkaroon ng colorectal cancer. Nagkaroon siya ng blockage sa colon niya at meron siyang colostomy bag.
“So nung nakita ko yung dad ko at lola ko na nag-suffer, doon ako nagsimulang mag-aral about nutrition.
“Actually, kumuha rin ako ng online course para maging nutrition coach.
“Hindi ko pa siya natatapos, meron pa akong two months.
“So yun ang naka-apekto sa akin kaya dedicated ako sa wellness. Exercise and healthy living talaga. Kasi ayokong maulit yung nangyari sa dad ko at lola ko.”
PREVENTIVE CHECK-UP. Natakot ba si Bianca na baka ma-inherit niya yung sakit ng ama at lola niya?
“Yes. Kaya nga nung nangyari yun sa lola ko, lahat kami nagpa-check-up.
“Imagine, nagpa-colonoscopy ako, at my age, ha? Kasi you’ll never know.
“Maganda yung makita nang maaga. Nag-endoscopy and colonoscopy. Pati yung mom ko.
“May nahanap na polyps. Buti naagapan. So lahat ng related na sakit—diabetes, hypertension—it’s all traced back to the food that you eat.”
