Eugene Domingo shuns doing soaps; open to do sitcom with Jose Manalo

Doing indie films and sitcoms is more rewarding for Eugene Domingo in that she gets to do in-depth acting in the first and in the second, well, "It’s good for the soul ang tumawa kesa umiyak.”


Matagal na raw hindi tumatanggap ng teleserye ang award-winning actress and TV host na si Eugene Domingo.

Ayon kay Eugene nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Celebrity Bluff noong November 26, ilang teleserye na ang tinanggihan niyang gawin dahil kuntento na raw siya sa show na ginagawa niya ngayon.

Ang huling teleseryeng ginawa ni Uge ay ang Sa Ngalan Ng Ina ng TV5 noong 2011.

Paliwanag pa niya, “Ayoko na masyadong ma-stress kasi.

“Nagpapasalamat ako na may mga offers pa rin sa atin na makasama sa mga teleserye. Pero ako na rin ang tumatanggi talaga.

“Nasabi ko nga noon, kapag gumawa ang isang artista ng teleserye, yun ang magiging buhay niya.

“Biruin mo na for the next three months, yun lang ang gagawin mo three times a week.

"’Tapos inaabot pa ng madaling-araw sa location. Para sa akin, nanghihinayang ako sa nasasayang na araw.

“Gusto natin maging productive every day.

"Kung sobra ka namang napagod dahil sa taping, yung isang araw na ‘yon ay ipapahinga mo na lang, ‘di ba?

“Para sa akin, sayang, e.

“Sana may nagawa ako sa araw na ‘yon na ibang bagay, ibang trabaho.

"Kaso puyat ka, ngarag ka, kaya itutulog mo na lang,” sabi pa ni Uge.

BURNT-OUT. Since 2001 ay nagkasunud-sunod ang projects na ginawa ni Uge, mapa-drama o comedy.

Inamin ni Uge na dumating na siya sa point na na-burnout na siya dahil sa sobrang dami ng kanyang trabaho.

Ngayon ay mas gusto raw niyang mas marami siyang panahon para sa kanyang sarili.

“Noon kasi, basta may trabaho, tinatanggap natin.

"Yun ang kalakaran, ‘di ba? Kailangan may teleserye ka or else wala lang kikitain.

“Aside sa TV, ratsada ka rin sa pelikula.

“Siguro nga sobra na akong napagod. May burnout factor na.

“Sobra na yung stress na na-absorb natin mula sa mga naging trabaho natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Tulad sa mga teleserye, minsan paiiyakin ka nang todo.

"Ako pa naman, matagal bago ko mahiwalay ang sarili ko sa character ko.

“Ganun din sa pelikula, pinapaiyak din ako.

“Dahil nga yun lang ang ginagawa ko for such a long time, naiuuwi ko na sa bahay ang mga problema ng role ko.

“Mahirap kasi minsan apektado ang buong araw mo pati na ang mga kasama mo sa bahay.

“Parang umaarte ka na wala namang kamera!” tawa pa niya.

LAUGHTER HEALS. Kung papipiliin si Uge, mas type daw niyang mag-sitcom na lang kesa mag-drama siya sa isang teleserye.

“Mas gusto ko yung masaya lang, yung magaan lang sa kalooban natin.

“Kaya nga enjoy ako dito sa Celebrity Bluff kasi I get to be myself.

"At magandang therapy sa atin yung tawa tayo nang tawa.

“Totoo ang kasabihan na ‘Laughter is the best medicine.’

“Kaya gusto kong nasa paligid ko sina Jose Manalo, Boobay, at Brod Pete kasi genuine ang pagpapatawa nila.

"Lalo na kapag hindi nagro-roll ang camera, matatawa ka sa mga hirit nila sa isa’t isa.

“Ako naman, sinu-surprise nila parati. Wala akong alam sa mga sasabihin nila.

"Clueless talaga ako kaya kapag may nag-punchline, makikita ninyo na sobra akong natatawa.

“Kaya enjoy ako sa samahan namin sa Celebrity Bluff kasi pampasaya ng buhay.

"It’s good for the soul ang tumawa kesa umiyak."

TRIED AND TESTED. Kung sakaling may sitcom na offer sa kanya at kay Jose, dahil sa kanilang JoGe loveteam, papayag daw si Uge.

“Oo naman, basta si Jose!

“Tried and tested na kasi ang tandem namin at nakikita ko na maganda ang kalalabasan kung magkaroon kami ng sitcom.

“Pero siyempre, gusto namin na yung maganda ang itatakbo ng istorya.

"May basic formula kasi ang sitcom dito sa atin, e.

"Kung makaisip sila ng kakaibang kuwento, ’tulad ng mga comedy series sa US, mas maganda kung ganun.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BEST ACTRESS. Sa pelikula na lang daw magda-drama si Uge.

Ang huli nga niyang pinagbidahanng pelikula na Barber’s Tales (Mga Kuwentong Barbero) ay nakatanggap ng maraming papuri mula sa film critics, at nanalo pa siya ng best actress award sa Tokyo International Film Festival.

Saad niya, “Mai-stress din lang ako, e, di gumawa na tayo ng pelikula, ‘di ba?

“Mas gusto kong gumawa ng indie films talaga.

"Kasi may freedom silang gawin ang mga kuwento na iniiwasang gawin ng mga mainstream producers.

“Let’s face it, kapag nag-produce ka naman ng pelikula, ang unang iisipin mo bilang producer ay kung kikita ba ito ng malaki. Business pa rin kasi, e.

"Unlike sa indie, priority nila ang magandang istorya at yung magiging appeal nito sa international film market."



CHRISTMAS ABROAD. Every Christmas nga ay sa ibang bansa nagse-celebrate si Uge. This year ay pinag-iisipan pa niya kung saan siya magpa-Pasko.

“Siguro around Asia lang. Somewhere na medyo mainit naman.

“Yun naman ang regalo ko para sa sarili ko every year.

"Yung makapagbiyahe tayo since we’ve been working non-stop sa buong taon.

“’Tsaka therapy ko rin ang mangibang-bansa.

“Nakakapagpahinga ako, nakakapag-meditate at gusto ko sa lugar na walang makakakilala sa akin.

“Para lang tuluy-tuloy ang pahinga na hindi mo naiisip ang trabaho.

“Makapag-recharge lang ako, okey na ulit akong mapagod ng isang taon!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN