Aiza Seguerra and Liza Diño wedding has blessing of their parents

Although parents of the happy couple were not able to attend the U.S. wedding, both parties approve. Mommy Caring, Aiza Seguerra’s mom, says, “Tama naman e, ang pag-ibig walang pinipiling gender.” For his part, Martin Diño, Liza’s dad, adds, “Wala naman sigurong ama na hindi maghahangad ng kaligayahan ng kanyang anak.”


Suportado sina Aiza Seguerra at Liza Diño ng kanilang mga magulang sa kanilang desisyong pagpapakasal.

Hindi lang sila nakadalo sa Amerika, pero magiging bahagi raw sila sa seremonyang gagawin dito sa ating bansa.

Sabi ng ina ni Aiza na si Mommy Caring, magastos na raw ang pagpunta roon dahil ganun din daw ang gagawin sa Pilipinas na nakatakda na sa susunod na buwan.

Pahayag ni Mommy Caring; “Kasi yung ginawa nila sa Amerika gagawin din nila dito.

“Kaya lang iba yung mga ninang. Yung kinuha niya, yung mga talagang kaibigan namin sa Amerika.

“So ngayon kung gagawin naman dito sa Pilipinas, iba naman ang mga ninong at ninang. At least doon legal na. Dito illegal pa.

INITIAL APPREHENSIONS. Aminado si Mommy Caring na medyo alanganin pa siyang tanggapin ang relasyon nina Aiza at Liza.

Hindi naman daw ganun kadali na tanggapin agad ang ganung set-up, lalo na’t napagdesisyunan nilang magpakasal.

“Siyempre meron din tayong agam-agam.

“Siyempre ’di naman tayo agad-agad na iaano natin matanggap, siyempre hindi naman natin nakalakihan na ganun.

“Pero ang mga tao paiba-iba, sumusulong. Kung ano yung mga naiisip, so join na lang. Join na lang tayo para everybody’s happy,” natatawang pahayag ni Mommy Caring.

“Tama naman e, ang pag-ibig walang pinipiling gender,” sabi pa nito.

CLOSE FAMILIES. Binanggit na rin ni Mommy Caring na close daw sila sa pamilya ni Liza. Kaya wala raw problema sa kanila. Wala raw kontrabida sa pagmamahalan ng kanilang mga anak.

Nagpapasalamat na rin si Mommy Caring sa pagmamahal ni Liza sa kanyang anak.

“Nagpapasalamat ako kay Liza na talagang inibig niya si Aiza na taos sa puso at talagang inunawa niya.

“Kaya sabi ko, ’Maraming, maraming salamat Liza sa pagtanggap mo sa anak kong si Aiza,’” mensahe nito sa magiging daughter-in-law niya.

LIZA’S DAD SPEAKS UP. Nakausap naman ng Startalk ang ama ni Liza, ang dating barangay captain na si Martin Diño.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nga raw sila nakadalo sa kasalang iyon sa Amerika, pero nandun naman daw ang lahat na mga kamag-anak nila. Dumalo raw ang dalawang kapatid niya at ilang pamangkin.

Naging abala lang daw siya sa mga kasong inaasikaso ng anti-crime watchdog na VACC (Volunteers Against Crime and Corruption), kaya hindi na raw siya tumuloy ng Amerika. Si Diño ay opisyal ng VACC.

Hihintayin na lang daw nila ang pagbalik ng bagong kasal para sa seremonyang gagawin nila rito.

Kagaya ni Mommy Caring, nagkakaroon din daw siya ng pag-aalangan, pero nakikita raw niyang napakasaya ng kanyang anak sa piling ni Aiza, kaya tinanggap na rin niya.

“Alam mo tayong mga magulang ginagawa natin lahat para sa happiness ng mga anak natin.

“Siyempre nung una, normal siguro sa isang ama, pero nung nakita ko naman yung happiness ng aking anak, ’tapos nakita ko naman ang concern ni Aiza at yung concern niya sa apo ko.

“Wala naman sigurong ama na hindi maghahangad ng kaligayahan ng kanyang anak,” pahayag ni Chairman Diño.

Sang-ayon din ang ama ni Liza sa sinabi ni Mommy Caring na close silang magpapamilya kaya tanggap na tanggap nila si Aiza sa kanilang pamilya.

“Alam mo napakabait ng bata na ‘yan. Hindi lang kasi ngayon, matagal na ‘yan na pumapasyal sa bahay,” pakli nito.

“Basta ako ang tinitingnan ko agad yung kaligayahan ng aking anak.

“Paano yung kung halimbawa lalaki ang karelasyon ng aking anak? E, kung aapi-apihin naman ang aking anak, ibang usapan na yun.

“Nakikita ko naman masaya silang dalawa at nag-e-effort sila sa kani-kanilang family.

“Ang akin lang pagbigyan natin ang kaligayahan ng dalawa, Wala namang sinasaktan si Aiza. Siguro wala namang naaapektuhang pamilya sa kanila,” pahayag pa ng ama ni Liza.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN