Robin Padilla reacts to VIP treatment in Bilibid: "Lumang isyu na po yun, e."

Bilang isang dating inmate, alam daw ni Robin Padilla ang tungkol sa VIP treatment sa ilang mayayaman at influential na inmates sa Bilibid. Ipinagmamalaki niyang kahit paano ay may nagawa siya upang linisin ang sistemang ito ngunit bumabalik daw ito tuwing nagpapalit ng administrasyon sa gobyerno.


Nagpahayag ng pagkadismaya si Robin Padilla sa mainit na pinag-uusapang VIP treatment sa ilang mayayaman at influential inmates sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa premiere ng 2014 Metro Manila Film Festival entry niyang Bonifacio: Ang Unang Pangulo, na ginanap sa SM Megamall kagabi, December 19, natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Robin ang tungkol sa isyung ito sa NBP.

Sagot ng aktor, na naranasang makulong sa Bilibid ng tatlong taon, “Lumang isyu na po yun, e. Ginawa ko pang pelikula ‘yan.

“Paglabas na paglabas ko ng kulungan, pagkatapos ng dalawang pelikula, ang ginawa ko nun, ang Hari ng Selda [2002].

“Sabi ko nga kanina sa interview ko sa 24 Oras, panoorin niyo ang pelikulang iyon.

“’Pag napanood niyo ang pelikulang yun, parang nakita niyo ang mga nangyayari ngayon.”

Hindi raw lingid sa kanya ang mga nangyayari sa loob at ipinagmamalaki niyang may nagawa siya upang linisin ito bago siya nakalabas.

Sabi ni Robin, “Ang masakit lang, nalinis na namin ‘yan nung araw.

“Nung panahon namin ni Director General Vicente Vinarao, hinarap na namin ‘yan at nalinis na namin ang drug problem sa loob.

“Ang aking ikinagagalit, yung drug problem, dahil naayos ko na yun.

“Nawala na ‘yan sa Bilibid, bumalik pa yun, dun ako pikon na pikon.


VIP TREATMENT. Reaksiyon naman niya sa isyu ng VIP treatment, “Kahit isang bilanggo, kahit isang guwardiya, walang magsasabi na ako ay tumanggap ng VIP treatment sa loob.

“Ako’y nakikisama. Ako po ay hindi naging kaaway ng mga bilanggo.

“Pero yung mga nagkaroon ng VIP treatment sa loob, hindi ko sila sinisisi dahil meron naman po nagawa ‘yan, katulad ni [Romeo] Jalosjos.

“Hindi ko po kilala ‘yan, hindi kami nagkasama niyan, pero alam ko lahat ng ginawa niyan sa Bilibid.

“Inalagaan niya yung mga matatanda, binigyan niya ng palengke yung mga bilanggo.

“Nagtayo siya ng palengke para sa kanila at tinuruan niya ng negosyo yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para sa akin, hindi masama yun.

“Pero yung jacuzzi, pambihira naman, saka club, e, malabo ‘yan.”

Himutok pa ni Robin, “Ang problema lang, ang sistema dito sa Pilipinas talaga, bulok!

“Pagkabago yung Presidente, pinapalitan yung magaling na tao.

“Si General [Vinarao] kasi magaling yun. Alam na niya kung ano yung Bilibid, e.

“Ang nangyari, magpapalit ng Presidente, papalitan ng bagong director.

“Ang bagong director, hindi naman niya alam ang kalakaran.

“Sana mapalitan ang sistemang iyon,” pahayag niya.

CHANGING THE SYSTEM. Ang ikinatatakot pa ni Robin, hindi raw sana ito maging dahilan para mabago ang mga desisyon at ibenta o ilipat ang New Bilibid Prison.

Saad ng 45-year old actor, “Kung ako ang tatanungin, sana hindi maging mitsa itong nangyayari na ito para magkaroon ng manipulasyon at maibenta ang Bilibid, ilipat.

“Ang nakakatakot diyan kasi, baka dun mapunta, e, lahat tayo dismayado.

“Mapunta ito sa usaping, ‘Hindi, ibenta na lang natin yun.’

“E, saan natin ililipat yung mga bilanggo? Kawawa naman.”

Pagdating daw ng 2016, mababago na naman daw ang lahat at magkakaroon na naman ng pagpapalit dala ng bagong administrasyon.

“Ang problema, lilinisin nila ngayon. Pagbaba ni PNoy [President Noynoy Aquino], papalitan na naman nila yung direktor.

“Wala pong katapusan ‘yan. Dapat magkaroon na talaga tayo ng hindi co-terminus.

“Para sa akin kasi, tigilan na yung utang na loob!

“Ganyan dito sa Pilipinas, uso yun, e.

“Basta may maipuwesto ka lang, mabigyan, dahil may utang na loob ka, aalisin natin yung magaling.”

Sana raw ay may magawa ang mga kabataan na mabago ang matagal nang sistemang hindi nagpapabago ng matagal nang kalakaran sa ating lipunan.

“Ang gusto ko sana, katulad nung misyon namin dito ni Daniel [Padilla, Robin’s nephew].

“Yung kabataan, gusto namin mamulat sila na gumawa naman kayo ng paraan.

“Nasa atin na lahat ng tools, mga kabataan ngayon, hanep!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gumamit ng Twitter, gumamit ng social media, pero gamitin natin sa tama,” pagtatapos ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN