Ryzza Mae Dizon on her MMFF Best Child Performer award: “Itong award na ito po ang masasabi kong best gift na natanggap ko ngayong Pasko.”

Ryzza Mae Dizon confesses that she wasn’t expecting to win any award: “Hindi po. Kasi masaya na po ako na marami ang nanonood ng pelikula namin. Pero dahil nanalo nga po ako, mas masaya po ang pakiramdam ko.”


Gaya ng inaasahan ng marami, si Ryzza Mae Dizon ang nanalong Best Child Performer sa katatapos na 40th Metro Manila Film Festival (MMFF) awards night na ginanap kagabi, Sabado, December 27, sa Plenary Hall ng Philippine International Convention Center.

Ito ay para sa entry nila ni Vic Sotto na My Big Bossing.

Matatandaang si Ryzza Mae din ang nanalo sa ganitong kategorya sa MMFF noong isang taon para sa entry rin nila ni Vic na My Little Bossing.

“Masaya po,” bungad niya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng awards night.

“At saka po thank you sa mga tao sa suporta nila. Para po sa kanila ito.

“Thank you din kay Papa God. At saka kay Mama ko.

“At saka sa mga Dabarkads ko,” pagtukoy pa niya sa mga kasamahan niya sa Eat Bulaga!

“Itong award na ito po ang masasabi kong best gift na natanggap ko ngayong Pasko.”

Inasahan ba niya na mananalo siya ulit ng award?

Pag-amin niya, “Hindi po. Kasi masaya na po ako na marami ang nanonood ng pelikula namin.

“Pero dahil nanalo nga po ako, mas masaya po ang pakiramdam ko.”

ON ALONZO MUHLACH. Nag-attend din ng MMFF awards night ang co-stars niya sa “Prinsesa” episode ng My Big Bossing na sina Niño Muhlach at ang anak nitong si Alonzo Muhlach.

“Escort ko po si Alonzo,” nangiting sabi ni Ryzza Mae.

Naging very close na nga silang dalawa ni Alonzo. Nag-selfie pa nga sila habang magkasama.

“Napaka-cute po ni Alonzo. Wala siyang kakulit-kulit!” tawa pa niya.

“Wala siyang kalikot-likot!”

Mag-best friend na ang turingan nila?

Sagot niya, “Opo. Pero minsan, hindi naman masyadong best friend.

“Kasi nga, ayun… ang kulit!”

PLANS FOR 2015. Ilang araw na lang, Bagong Taon na. Ano ang balak o plano niya sa 2015?

Tugon niya, “Mas lalo ko pa pong gagalingan. Para sa inyo po.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saan ba siya magnu-New Year?

Aniya, “Hindi ko pa po alam. Kasi may kasal po si Ate Marian, ’di ba?”

MARIAN-DINGDONG WEDDING. Siya ang flower girl sa nalalapit na kasal nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Ano ang wish niya para sa dalawa?

“Sana maging masaya sila,” pakli niya.

Gusto ba niyang magkaroon agad ng baby si Ate Marian niya?

Sabi niya, “Opo.”

Ilan ba ang gusto niyang maging anak nito?

“A… five!” sabay bungisngis ni Ryzza Mae.

Bakit five?

“Wala lang po. Para masaya,” natatawa niyang saad.

Ano ang gusto niyang maging unang baby ni Ate Marian? Babae or lalaki?

“Girl. Gusto ko lang po na… girl.

“Pero okey rin lang po kung boy,” lahad niya.

NEW YEAR’S WISH. Meron ba siyang New Year’s wish?

“Yung mga hindi pa po nakakapanood ng My Big Bossing, manood na sana po. Yun lang po ang wish ko,” sambit pa niya.

Patuloy pa ring pinipilihan ang My Big Bossing. At dahil dito, puwede na siyang matawag na Box Office Princess.

“Ayyyy!” napabungisngis ulit na reaksiyon ni Ryzza.

“Thank you po. Uhm… maliit na bagay!” sabay hagikhik pang biro niya.

BUSINESS VENTURE. Balitang gusto niyang magkaroon ng negosyo?

Pakli niya, “Meron na po. Computer shop.”

Bakit computer shop ang napili niyang negosyo?

Pagklaro niya, “Hindi naman po ako ang pumili no’n. Ang mama ko po.

“Ewan ko po kung bakit iyon ang napili ni Mama. Pero okey naman po sa akin kung iyon ang nagustuhan ni Mama.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN