Raymart Santiago on reconciliation with Claudine Barretto: "Wala nang second chance yun."

It’s complicated is how Raymart Santiago explains his difficulty in entering into a new relationship, "Ayoko ngang idamay ang ibang tao sa problema ko na hindi pa naman din ayos ang buhay ko.”


Minsan nang na-link sa isa’t isa sina Raymart Santiago at Jennylyn Mercado nang magkasama sila noon sa Futbolilits (2011).

Ngayon ay magkasama silang muli sa bagong primetime series ng GMA Network, ang Second Chances, na pagbibidahan nila kasama sina Camille Prats at Rafael Rosell.

Ito ang inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Raymart sa presscon ng nasabing teleserye kahapon, January 6.

Marami kasi ang nakakapansing mas lalo pang gumaganda at sumeseksi si Jennylyn ngayon, kaya hindi malayong mahumaling si Raymart sa aktres.

Sabi naman ng Kapuso actor tungkol dito, “Alam mo, hindi naman maiiwasan na magkagusto sa isang kagaya ni Jennylyn Mercado.

"Pero kagaya nga ng sinasabi ko, hindi pa ako handa. Totoo yun.

“Hindi maiiwasang magkagusto ka kay Jennylyn, sa ganda niya, sa talent niya. Mabait.

"Pero hindi pa."

IT'S COMPLICATED. Nag-iingat ba siya ngayong ma-link sa kahit na sinong babae, dahil baka magamit ito laban sa kanya sa kaso nila ng kanyang estranged wife na si Claudine Barretto?

Sabi ni Raymart, “Oo, maaari rin yun…

"Pero sa akin naman, e, hindi naman siguro masamang makipagkaibigan."

Nakikipag-date ba siya ngayon?

“Hindi, hindi,” nakangiti niyang sagot.

Sa isang banda, matagal na ring nali-link sa kanya ang co-star niya noon sa Villa Quintana na si Bettina Carlos. Ano nga ba ang totoong estado ng samahan nila?

Ayon kay Raymart, “Alam mo, kaibigan ko lang si Bettina.

"Masyado ngang complicated ang buhay ko.

"Ayoko ngang idamay ang ibang tao sa problema ko na hindi pa naman din ayos ang buhay ko."

Kailan kaya yung masasabi niyang handa na siya?

“May tamang panahon, may tamang oras sa ganyan, hindi ko pa alam.”

Masasabing naging masalimuot ang ilang bahagi ng buhay niya noong 2014, dahil na rin sa hindi pa natatapos na legal battle nila ni Claudine.

Ngayong pumasok na ang 2015, ano ang inaasahan niyang mga posibleng pagbabago?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad ni Raymart, “Well, sana, gusto ko namang maayos ang mga gusot.

"Yun ang ipinagdarasal ko, na makita ko naman ang mga anak ko.”

Kahit halatang pinipilit niyang maging kaswal ang mga sagot ng press, inamin ni Raymart na hindi niya nakasama ang mga anak na sina Sabina at Santino noong nakaraang Pasko at Bagong Taon.

Tuloy pa rin ang kaso nila?

“Oo, tuloy pa,” sagot niya.

Hindi ba siya napapagod?

“Nakakapagod nga… may kuwarto na nga ako dun [korte]!” biro niya.


INCOMPLETE. Katulad ng titulo at tema ng bago niyang teleserye, naniniwala ba siya sa second chances?

Sagot ni Raymart, “Oo naman.

"May mga panahon, ‘di ba, na puwede nating itama at binibigyan tayo ng second chance para itama ang mga maling yun?"

Gusto ba niyang bigyan ng 'second chance' ang kinahinatnan ng pagsasama nila ni Claudine bilang mag-asawa?

“A, yun, wala nang chance yun. Wala nang second chance yun,” sagot ng aktor.

Yung pagiging magkaibigan?

“Yun, puwede pa, sa friendship.”

Nang matanong tungkol sa annulment, sinabi ni Raymart na inaayos na nila ito ngunit hindi na siya nag-elaborate pa.

Sa punto ng buhay niya ngayon, masasabi ba niyang masaya naman siya?

Tugon ni Raymart, “Hindi masyado, hindi kumpleto.

"Makikita niyong masaya ako minsan, pero sa loob, medyo malungkot ako.

"Lalo na sa mga anak ko, yung pamilyang buo.

"Siyempre, hoping na maayos, pero hindi naging ganun.

"So, hindi rin ganun kasaya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN