Aiza Seguerra and Liza Diño wed for the second time via ’symbolic ceremony’ in Batangas

Eksaktong isang buwan pagkatapos ng kanilang pag-iisang dibdib sa California, muling nagpakasal sina Aiza Seguerra at Liza Diño sa pamamagitan ng isang symbolic ceremony na ginanap sa San Juan, Batangas, noong January 8.


Kasabay ng paghampas ng mga alon sa dalampasigan ang pagpapalitan ng wedding vows nina Aiza Seguerra at Liza Diño sa kanilang intimate beach wedding.

Ginanap ito noong Huwebes ng hapon, January 8, sa Parasol Resort sa Kota Keluarga, Costa de Madera, Sitio Napayong, Barangay Laiya Ibabao, sa San Juan, Batangas.

Alas-tres y medya ng hapon ang nakasulat sa imbitasyon, pero bandang alas-singko na nagsimula ang seremonya.

Ideally ay sunset wedding dapat ito, kaya lang ay nagtago ang araw at naging makulimlim nung hapong iyon, ngunit mabuti na lang at hindi bumuhos ang ulan.

Kabilang sa mga naglakad kasama ng wedding entourage ang daughter ni Liza na si Amara Espinosa bilang Mini Bride, habang Mini Groom naman ang pet dog nilang si Porky.

Walang cell phone signal sa parteng iyon ng Batangas kaya walang nakapag-post sa social media habang nagaganap ang kasalan.


THE OUTFITS AND SET DESIGN. Suot ang kanyang low-cut wedding dress na gawa ng British designer na si Jenny Packham, naka-sandals lang ang ‘bride’ na si Liza para kumportableng maglakad sa buhanginan.

Later on sa reception ay pinalitan niya iyon ng pair of Chucks o Converse rubber shoes.

Gawa naman ni Oscar Dangca ang dark suit ng ‘groom’ na si Aiza.

May inilagay na puno sa may tabi ng dagat na pinalamutian ng artificial leaves at sinabitan ng maninipis na puting tela. Doon ginawa ang seremonya.

Ang mahinang pagtugtog ng stringed instruments ng famous Aiza hit na “Pagdating ng Panahon” ang maririnig habang naglalakad si Liza.

Napaiyak ang ikakasal nang magtagpo na sila sa bandang harapan at yakapin nila ang kani-kanilang magulang—si Aiza sa parents niyang sina Daddy Dick at Mommy Caring Seguerra, si Liza kina Mr. Martin Diño at Mrs. Marissa Bautista.

Yumakap din sina Aiza at Liza sa kanilang respective parents-in-law na pawang naiiyak din at nagpapahid ng kanilang mga luha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SYMBOLIC CEREMONY. Nauna nang ikinasal sina Aiza at Liza sa Amerika exactly a month ago, December 8.

Read: Aiza Seguerra and Liza Diño tie the knot in forest wedding

This time sa Pilipinas ay isa itong ‘symbolic ceremony’ kapiling ang kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan.

Ang nag-officiate ng wedding ay si Ms. Carelle “Claire” Mangaliag, isang motivational speaker and corporate trainor na malapit na kaibigan nina Aiza at Liza at misis ng dating child actor na si RR Herrera.

“This isn’t about political rights or any of our religious views. This is simply a celebration of love,” pambungad na mensahe ni Ms. Carelle.

Katulad sa isang Catholic wedding ay meron ding candle, cord, at veil ceremony.

Mayroon ding bigayan ng wedding arrhae at exchange of vows and rings.

Sa halip na sermon ay special message ang ibinigay ni Ms. Claire, kung saan inihalintulad niya ang pag-ibig nina Aiza at Liza sa pagkaing adobo, sa laruang Lego, sa sayaw na Flamenco, sa isaw, at iba pa.


PARENTAL CONSENT. Pagkatapos ng wedding vow nila para sa isa’t isa, sinindihan nina Aiza at Liza, kasama ang kanilang mga magulang, ang unity candle.

Iniabot ni Liza ang mikropono sa tatay niya at nagbigay ito ng kaunting pananalita.

“Siguro ngayon, wala nang magda-doubt na suportado kayo ng tatay at nanay niyo.

“Ang daming naka-witness ngayon.

“Palagay ko, buong mundo ang makakakita ngayon na anak, 101 percent, suportado ako sa ‘yo, sa inyong dalawa ni Aiza,” pahayag ni VACC (Volunteers Against Crime and Corruption) Chairman Martin Diño.

Ibinigay ni Aiza sa kanyang Daddy Dick ang mikropono, pero ipinasa nito kay Mommy Caring at sinabing sa bahay nila ay ito talaga ang spokesperson. Tawanan ulit.

Pahayag ni Mommy Caring, “Hinahangad ko talaga ang kaligayahan ni Aiza, ngayon… walang iyakan.

“Alam kong napakaligaya ni Aiza nang makita niya si Liza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, lahat nagmamahalan, kaya lahat tayo magmahalan!”

Nagtapos ang seremonyas ni Ms. Claire sa pamosong linya mula sa Star Wars na, “May the force be with you!”

Pagkatapos ay umawit ang The Company ng “Now That I Have You” sa saliw ng musika ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra sa ilalim ng pagkumpas ni Maestro Gerard Salonga, na nagsidayo pa ng Batangas para sa espesyal na okasyong ito.

PRINCIPAL SPONSORS & GUESTS. Kabilang sa mga Ninong sa ikalawang ZaZa (Aiza-Liza) wedding sina Mr. Antonio P. Tuviera (ng TAPE, Inc. at APT Entertainment), Direk Bert de Leon, Direk Rahyan Carlos, Dr. Anton Juan, Dr. Joel Mendez, Direk Will Fredo, at si Vic Sotto.

Ninong din sina Ado Escudero, Wendell Capili, Juan Miguel Ongsiako, at Dante Jimenez.

Kabilang naman sa mga Ninang sina Ms. Cory Vidanes ng ABS-CBN, Bibeth Orteza, Sylvia Sanchez-Atayde, Gang Badoy-Capati, at Annabelle Regalado-Borja na manager ni Aiza.

Ninang din sina Melinda Garcia, Loida Bautista, at Regina Banaag.

Isa sa dalawang Best Men ang brother ni Aiza na si Juanchi Seguerra. Isa naman sa two Maids of Honor ang sister ni Liza na si Abell Diño.

Bahagi ng ‘Groom’s Gang’ sina Tom Rodriguez at RR Herrera.

Nagkatrabaho sina Tom at Aiza sa Kapamilya daytime series na Be Careful With My Heart at doon sila naging magkaibigan.

Pawang non-showbiz friends ni Liza ang bumubuo sa ‘Bridal Gang.’

Dumalo rin sa kasal ang mga kagrupo ni Aiza sa ASAP Sessionistas na sina Kean Cipriano, Sitti Navarro, at Princess Velasco.

Sa mga Eat Bulaga Dabarkads ay present sina Pauleen Luna, Ruby Rodriguez, Julia Clarete, Ms. Malou Choa-Fagar, at Direk Poochie Rivera.

Nandun din ang veteran actress na si Divina Valencia, Meryll Soriano, Jeffrey Hidalgo, Gloc9, at sina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan na naunang magpa-same sex marriage last year sa New York.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE RECEPTION. Kumanta naman sa reception sina Martin Nievera, Noel Cabangon, at ang Tres Marias na sina Lolita Carbon, Bayang Barrios, at Cookie Chua.

Pa-dance number ang pag-entra ng newlyweds sa reception. Bigay na bigay ang bagong kasal sa paghataw ng “Time of My Life.”

Naki-join din sa dancing ang kanilang entourage, na halatang nag-rehearsals dahil saulado ang choreography.

May surprise paandar pa si Aiza sa kanyang misis. Sumayaw siya ng “Treasure” ni Bruno Mars at later on ay nag-join din sa kanya ang Groom’s Gang.

Lalo pang sumaya ang gabi nang magsimula nang magkantahan.

Well-applauded si Mr. Noel Cabangon nang awitin nito ang “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko” at “Kanlungan” habang naggigitara.

Si Liza ay sumayaw kasama ang kanyang ama habang kinakanta ni Martin Nievera ang “I’ll Be There.”

May dance moment din ang mag-inang Liza at Amara.

Panay ang kiss ng mag-asawa habang kinakantahan sila ni Martin ng “You Are My Song” na nakaupo sa pagitan nila si Amara.

Nakakabilib din ang jamming nina Aiza, Noel, Lolita, Bayang, at Cookie ng OPM song na “Walang Hanggang Paalam” ni Joey Ayala.

Si Kean Cipriano ay bumanat ng Ed Sheeran hit na “Thinking Out Loud.”

Hindi pumayag ang groom na matapos ang gabi na hindi niya naaalayan ng kanta ang kanyang maybahay.

Mapuso ang pagkakaawit ni Aiza ng “Araw Gabi” para kay Liza.

Sabi ni Aiza kay Liza: “Syet! Sobrang saya ko talaga, pramis!

“Ngayon ko lang nalaman na puwede palang ipakita yung totoong kulay mo sa isang relasyon.

“Ngayon lang ako naging ganito kasaya!

“You make me feel so many things. You make me feel alive.

“Thank you and I love you so much!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN