PEP EXCLUSIVE. Dennis Padilla snubbed by daughter Julia Barretto in a Christmas party

Dismayado si Dennis Padilla sa naging asal ng anak na si Julia Barretto sa isang Christmas party na pareho nilang dinaluhan. Hindi raw kasi siya kinibo ng sariling anak sa naturang party.


Emosyunal at medyo naiiyak si Dennis Padilla nang eksklusibo siyang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) dahil sa hindi raw pagpansin sa kanya ng anak na si Julia Barretto sa Christmas party ng Dreamscape noong December 14, 2014.

Ang Dreamscape ay ang drama unit ni Deo Edrinal sa ABS-CBN na nagprodyus ng hit teleseryeng Ikaw Lamang, kung saan naging bahagi si Dennis.

Ang nasabing production unit din ang nasa likod ng Mirabella, na pinagbidahan naman ni Julia.

Si Julia ay panganay na anak ni Dennis sa dating asawa nitong si Marjorie Barretto.

Bukod kay Julia, may dalawa pang anak si Dennis kay Marjorie—sina Claudia at Leon.

Lahad ni Dennis tungkol sa pagkikita nila ni Julia, “Oo nga. Hindi ako na-greet. I was waiting din.

“Actually, December 14, dun sa Christmas party ng Dreamscape ni Deo, siyempre part ako ng Ikaw Lamang, 'tapos in-invite ako na pumunta dun sa Christmas party.

"At the same time, nag-text din sa akin si Coco [Martin, lead actor ng Ikaw Lamang].

“Ang sabi niya, 'Kuya, punta ka dun, ha, sa Christmas party ng Dreamscape.'

"'O, sige, punta ako.’

“E, nung pumunta ako dun, at the same time kasama rin ang MiraBella dun, kasi Dreamscape din yun, 'di ba?

"Ngayon, nakakasama lang ng loob, kasi Julia was only two tables away.

“And alam naman niya na nandun ako, ‘di niya ako binati... sakit.

“Masakit ‘pag in person.”

Nakausap ng PEP si Dennis bago ang launching ng bagong shows ng TV5 sa Sampaguita Gardens, Quezon City, kagabi, January 13.

Bahagi si Dennis ng bagong sitcom ng Kapatid Network na 2 ½ Daddies na pinagbibidahan nina Robin Padilla, Rommel Padilla, at BB Gandanghari.

“INUUNAWA KO NA LANG…” Ano ang naging reaksiyon niya sa hindi pagpansin sa kanya ng anak?

Tugon ni Dennis, “E, inuunawa ko na lang, kasi siyempre tayo yung nakakatanda, tayo yung magulang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, siguro meron siyang reason, and hindi ko lang alam kung ano yung reason niya para matiis niya na huwag ako batiin man lang.

“Kaya nga naiinggit pa nga ako dun sa ibang artista, e, dahil nakita ko tumayo siya, nag-hug siya, beso-beso sa ibang artista.

"E, kami lang naman ang mag-ama sa party na yun kaya…

"Actually, gusto ko na sanang umuwi nung bandang huli.

"Sabi ni Tita A [Angge] na, ‘Huwag na, Dennis, diyan ka lang. Part ka ng Ikaw Lamang, huwag kang umalis.’

“'Tapos sabi ni Coco sa akin, katabi ko siya, e, sabi niya, ‘Kuya, bayaan mo na. Alam mo, magulang ka, kaya mo ‘yan.’

“Sabi ko, ‘Kaya ko naman, kaya lang napakasakit.’ Sabi ko sa kanya, ‘Ang sakit.’”


THE CHANGE OF NAME CASE. Hulyo ng taong 2014 nang pumutok ang balitang naghain ng petisyon si Julia upang palitan ang kanyang apelyidong Baldivia (tunay na apelyido ni Dennis) at gawin na lang Barretto, na siyang surname ng ina niyang si Marjorie.

Read: Dennis Padilla fights for his right to daughter Julia Barretto's legal name

Kumusta na ba ang kasong ito?

Saad ni Dennis, “Ongoing, meron pang hearing sa February, isang hearing.

"Medyo matagal ‘yan, e, kasi Family Court.

"E, ang Family Court ng Quezon City, iisa lang.

“Ang huling hearing ko, e, two months ago pa.

"Ang susunod kong hearing, February pa.

"Ang susunod na hearing dun, March, 'tapos April.

“So, ibig sabihin, ang ganito kasing kaso, talagang matagal.

"Kumbaga, hindi siya priority, e. Maraming kaso kasi, ‘di ba?”

Kailan ba sila huling nagkausap ni Julia?

Sabi ni Dennis, “A, nung wake ng nanay ni Randy Santiago, nung September [2014]. Yun yung huli naming usap.

“'Tapos sabi niya, magmi-meeting na lang daw kami kasama yung mga lawyers namin, lawyers nila, 'tsaka lawyers ko.

"E, nung nag-set ng meeting, sabi ko, okay, para magkausap rin kami ni Julia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang problema, nung sinet nila yung meeting, hindi na raw a-attend si Julia ng meeting, mga lawyers na lang.

"E, nagtataka ako... e, si Julia mismo ang nag-aya nung meeting, 'tapos siya ang hindi pupunta.

“So, sabi ko sa lawyer ko, ‘E, hindi na rin ako pupunta. Lawyer to lawyer na lang kayong mag-usap.’

“E, sabi ng lawyer ko, ‘E, mag-email na lang kami, huwag na kami magkita.’”

Ano sa palagay ni Dennis ang dahilan ng malamig na pakikitungo sa kanya ni Julia? May nagbubuyo o nagbi-brainwash kaya sa anak?

Maingat na pahayag ni Dennis, “Well, I cannot comment on that, kayo na ‘yan.

"Kasi ang mahirap kasi, hindi ko puwedeng i-confirm yun, kasi I cannot prove it, ‘di ba? Hindi ko mapapatunayan.

"Kumbaga, hula ka lang nang hula, so ayoko namang manghula.

"So, masakit lang.

“Yung hindi niya pagti-text sa akin nung Christmas 'tsaka batiin man lang ako nung New Year, expected ko na yun.

"Kasi yung personal nga nung December 14, hindi niya na nga ako binati."

Ulit pa niya, “Masakit, ha.”

JULIA’S DEBUT. Sa darating na Marso na magdi-debut si Julia.

Bilang ama, bahagi kaya siya ng selebrasyon?

Sabi ni Dennis, “Wala pa naman.

"Sana ma-invite ako dahil siyempre, ayoko namang ma-miss yung event na yun, ng daughter ko.

"'Tsaka I’m sure malaking malaking event yun, dahil artista rin siya.

“Usually naman, 'di ba, ‘pag may nagde-debut kang anak na babae, ikaw yung first dance o kaya ikaw yung last dance, yung tatay?

"Puwera na lang kung patay na yung tatay.

"E, siyempre masakit sa kalooban ko naman kung hindi mangyayari yun dahil buhay pa naman ako, ‘di ba?”

Ano ang gusto niyang iparating na mensahe sa anak?

Pahayag ni Dennis, “Julia, kung anuman yung dahilan kung hindi mo ako binati, naunawaan ko.

"Kasi siguro nagagalit kayo sa akin dahil ipinaglalaban ko yung apelyido ko, na gusto niyo namang ipatanggal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa ngayon, hindi niyo pa siguro lubos na mauunawaan.

"Siguro ‘pag dumating yung ilang taon pa na mag-mature kayo, saka niyo lang maunawaan kung bakit ipinaglalaban ng isang tatay yung apelyido niya.

“And gusto kong malaman mo na hindi totoo yung sinasabi nila na illegitimate ka, lahat kayo legitimate, alam ng Panginoon yun.

“And lahat ng pangyayari, siguro naman may pupuntahan.

"Basta ako, ang wish ko lang sa inyong lahat, lalo na sa iyo Julia, ay more success.

"And gusto ko na lalo ka pang yumaman at maging malusog. Yun lang.

"Siyempre bilang ama, bilang magulang, yun lang naman ang wini-wish natin sa ating mga anak."

Ed's Note: Bukas ang PEP sa panig ni Julia Barretto kaugnay ng naging mga pahayag ni Dennis Padilla sa artikulong ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN