Katatapos lang ni Rocco Nacino ang Hiram Na Alaala na pinagbidahan niya kasama sina Kris Bernal at Dennis Trillo.
Pero kaagad ay may kasunod nang project na gagawin ang aktor.
“I’ll be doing two movies, parehas na indie film,” masayang pagbabalita ni Rocco nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Sunday All Stars noong Linggo, January 11.
“At very exciting… mag-i-script reading na kami.
“Yung isa, medyo seryoso na drama, malalim ang tema.
“Nakita ko yung isinulat ni Direk Paul Sta. Ana, na ang nakalagay do’n... the title is Balut Country.
“'Tapos may tagline do’n na, 'Where twins are being sold before they are hatched,' parang gano’n.
“Yung isa pa, medyo light na may pagka-comedy naman, very excited din ako sa cast namin.”
Kaya lang daw, “Hindi pa puwedeng sabihin, e,” sabay-ngiti ni Rocco.
“Basta yung sa Balut Country, ang director namin ay si Paul Sta. Ana, ang alam kong producer ay si Direk Brillante Mendoza.
“So, I’m excited to finally work with it and yung isa naman will be directed by Direk Ellen Marfil.
"Hindi ko pa lang puwedeng sabihin ang title kasi in the works pa, e.”
NEW SOAP. May pinaplano na rin ba ang GMA para sa kanya na bagong teleserye?
“Meron daw, pero magmi-meeting pa.
“Basta excited ako dahil maraming naka-line up na project na gagawin for this first quarter ng 2015."
Nagkakakaroon na ba ng linaw yung pangarap nila ni Lovi Poe na travel show together?
“Wala pa!” sabay-tawa na naman niya.
“Sana matuloy kapag maluwag-luwag na ang schedule namin.
“Why not, 'di ba? Para maiba naman.”
Ngayong hindi pa siya gaanong busy, ano pa ang ibang pinaplano niya?
“Ngayon naghahanda ako, meron akong [Brazilian] jiu-jitsu tournament, sa end of the month yun.
“So habang walang ginagawa, habang wala pa akong taping o shooting e training lang ako nang training.
“Sana manalo naman this time!” tawa niya ulit.
HIS MUSE. Hindi ba masyadong pisikal at delikado ang mag-compete sa jiu-jitsu?
“Well, 'eto nga may mga konting sugat ako dahil sa training, konting injuries.
“Pero sport ko na siya, e. Lifestyle ko na siya, so…” napakibit-balikat na lang ang aktor.
“Pangatlong pagsali ko na ito sa jiu-jitsu tournament.
Yung first and second, talo, kasi hindi ako masyadong naghahanda para ro’n... for the experience lang.
“Sabi ko nga kay Lovi, manood siya, e.
“Sabi niya, baka gulpihin niya yung kalaban ko! Ha-ha-ha!”
Hindi kaya ma-pressure naman siya kapag nandoon at nanonood si Lovi?
“The first two tournaments, wala si Lovi, so sabi ko nga try natin itong pangatlo kong pagsali.
“Baka bigla akong lumakas kapag nando’n siya!” tawa na naman ni Rocco.
JAPAN WITH LOVI. One month na lang at Valentine’s Day na naman. Tuloy ba ang planong pagbabakasyon nila ni Lovi sa Japan?
“Sa April pa kung sakali, sa Holy Week.
“With my family, 'tapos kasama rin nga si Lovi.
“Then baka mag-extend na lang kami ni Lovi to celebrate our anniversary,” nangiting pahabol pa ni Rocco.
“Madalas namang nagkikita at nagkakasama sina Lovi at ang family ko.”
Pero first time na bibiyahe silang lahat abroad?
“Yeah! And for sure, it will be fun.”
Baka mamaya, biglang may sorpresa pala siya kay Lovi pagdating nila sa Japan. Baka sa gitna ng cherry blossoms doon ay mag-propose siya, ano kaya?
“No!” tawa na naman niya. “Matagal pa ‘yon.
“Hindi. Hindi, marami pa kaming priorities na dapat matupad. We know our priorities.
“Nagtutulungan kami ngayon, we’re supporting each other na makamit yun.
“Siyempre bago, ano, mag-move on sa next phase.
“Pero matagal pa ‘yon, parehas pa kaming nag-i-enjoy sa relationship namin.”
NEW BUSINESS. Ngayong 2015, binabalak din ba niyang mas mag-expand pa ng kanyang business?
“With Elorde Gym? Yes!
“We have two branches na, isa sa Ortigas at isa sa Marcos Highway.
“And may mga new sites kami na ina-eye for our new branches.
"At hopefully, matuloy na rin yung food business na ipapasok ko.
“Kasama ko dito ang isang Kapuso natin at malapit sa akin, malapit na kaibigan.
“We’re planning to put up a restaurant, pero iba ang dating.”
Sinong Kapuso na malapit sa kanya ang tinutukoy niyang kanyang magiging partner sa papasuking restaurant business?
“Hindi ko pa puwedeng sabihin, e.”
Hindi kaya si Lovi ito?
“A, hindi!” tawa na naman niya.
Pero napag-uusapan din marahil nila ni Lovi ang tungkol sa business?
“Yeah! Oo, kanya-kanyang business. May gusto rin siyang i-set up.”
Wala silang planong magsosyo sa isang negosyo?
“Mahirap kapag ang kasama mo sa business ay isang kamag-anak or… syota mo.”
Hindi siya naniniwala na ang perfect couple na gaya nila ni Lovi ay puwedeng perfect business partners din?
“Napag-usapan namin. Parehas kaming question mark sa gano’n.
“Pero sinasabi ko sa kanya minsan… ano, subukan natin?
“But… huwag na lang kaya? Ha-ha-ha!
“May mga gano’n.
“She has ideas of her own, ako meron din akong sariling ideas.
“So, hopefully, hopefully, matuloy.
“Nag-iipon na talaga ako para do’n,” huling nasabi ni Rocco.