Makati Mayor Junjun Binay readies self for detention

Humarap si Mayor Junjun Binay sa kanyang mga tagasuporta sa harap ng Makati City Hall at humingi ng paumanhin sa mga ito dahil daw nadadamay sila sa kanyang kinasasangkutan kontrobersiya kaugnay ng overpriced Makati City parking building 2.


Ipinaaresto ng Blue Ribbon Committee ng Senado si Makati Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay Jr. at limang iba pa, matapos silang mapatawan ng contempt dahil sa patuloy nilang hindi pagsipot sa hearing na idinaraos ng naturang komite kaugnay ng alegasyong overpriced Makati City Hall Building II at iba pang anomalya sa lungsod ng Makati.

Sa utos ni Senator Teofisto Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee, ngayong araw, January 26, sinang-ayunan nito ang hiling ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III, chairman ng Blue Ribbon Subcommittee, para ipa-contempt at ipaaresto si Mayor Junjun.

Bukod sa alkalde ng Makati, kasama rin sa ipinapaaresto sina city administrator Eleno Mendoza, Eduviges “Ebeng” Baloloy, former city administrator Marjorie de Veyra, engineer Line Dela Peña, at Bernadette Portallano.

Pahayag ni Senator Guingona, "I am ordering the Senate sergeant-at-arms to serve the detention order."


“MAGPAPA-DETAIN PO TAYO.” Sa ulat ng GMA News Online ngayong araw, sinabi ni Mayor Junjun na handa siyang tumalima sa kautusan ng Senado.

Aniya, “Hindi na po nila ako kailangang arestuhin.

"Tatalima po ako sa naging decision ng Senate Blue Ribbon Committee... magpapa-detain po tayo."

Sa ginanap na press conference ng alkalde ng Makati City, sinabi pa nitong mali ang ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Maling-mali ang ginagawa nila.

"Nung nagpunta ako dun [sa hearing], kinukutya nila tayo, pero pinababayaan yung mga nagsisinungaling.

"Selective ang application ng rules."

Gusto lang daw ni Mayor Junjun at ng mga opisyales ng Makati na maging balanse at may due process ang pagdinig ng Senado.

“Ang gusto namin ay fairness at due process.

"Malinaw na iisa lang ang intensiyon nila. Ang siraan ang pangalan ng aking ama at sirain ang mga opisyal dito."

Handa na rin daw ang kanyang mga personal na gamit at mga damit para sa nakatakdang pag-aresto sa kanya.

Hinarap din ni Mayor Junjun ang kanyang supporters na nagtipon sa harap ng Makati City Hall.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi niya sa kanyang mga tagasuporta, “Kami po ay nahalal sa posisyong ito para paglingkuran kayo, pero dahil po sa masamang pulitika, pati kayo po ay nadadamay.

“Ang ipaglalaban ko po ay prinsipyo na... Hindi ko po nilalabanan ang Senado mismo, meron lang ilang senador na walang respeto sa karapatang pantao, pero tatalima po tayo sa kanilang kautusan para ipakita na hindi natin nilalabanan ang Senado.”

Panawagan pa niya sa mga ito, “Ang hiling ko lang po ay patuloy ninyong ipagdasal ang aming pamilya, lalung-lalo na po ang aking ama na patuloy na sinisiraan dahil lamang sa pulitika.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN