Mayor Junjun Binay detained and forced to attend Senate hearing

“Wala na pong dahilan para humarap sa hearing na ito...I would like to respectfully manifest, Mr. Chairman, that I will no longer participate in the ongoing proceedings," said Makati Mayor Jejomar "Junjun" Binay Jr., who repeatedly refused to participate in the Senate investigation involving alleged anomalous transactions in Makati City.


“Hindi po natin nilalabanan ang Senado bilang institusyon. Pero meron din kaming karapatan na kailangan pakinggan.”

Ito ang pahayag ni Mayor Jejomar "Junjun" Binay Jr. matapos siyang sapilitang iharap sa Senate Blue Ribbon Subcommittee, Huwebes ng umaga, January 29.

Naaresto at dinitena si Mayor Binay sa tanggapan ng Senate sergeant-at-arms matapos siyang sampahan ng kasong contempt o pagsuway sa utos na siya ay dumalo sa pagdinig sa Senado.

Kaugnay ito ng imbestigasyon tungkol sa mga diumano'y maanomalyang transaksiyon sa Makati City, kabilang na ang diumano'y overpriced construction ng Makati City Hall Parking Building II at Makati Science High School.

Ayon sa ulat ng GMA News Online kahapon, January 29, iginiit ni Mayor Binay na wala siyang intensiyong suwayin ang utos ng Senate Blue Ribbon Subcommittee.

Patunay umano nito ang pagsagot ng kampo ni Mayor Binay sa naunang subpoena na inisyu sa kanya at iba pang sangkot sa imbestigasyon.

“Alam naman po natin na kami ay nagkuwestiyon ng jurisdiction at kami po ay humingi ng mga katanungan po dito sa Senado kaya nung shinow cause kami, ito naman ay sinagot namin.

“Kaya ang paniniwala namin ay wala pong dahilan kung bakit kami isa-cite ng contempt,” paunang pahayag ni Mayor Binay matapos siyang puwersahang dinala sa Session Hall mula sa sergeant-at-arms office kung saan siya panandaliang idinitena.

Nilinaw rin niyang pinayuhan siya ng kanyang legal counsel na huwag nang dumalo sa pagdinig, lalo pa't naniniwala ang alkalde na sapat na ang pagharap niya sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee, noong Agosto 2014.

“Wala na pong dahilan para humarap sa hearing na ito.

“Nasabi ko na po lahat ng dapat kong sabihin.

“Kaya nga po inu-oppose ko po itong proceedings na ito.

“I would like to respectfully manifest, Mr. Chairman, that I will no longer participate in the ongoing proceedings.”

Matatandaang kinuwestiyon ni Mayor Binay ang jurisdiction ng Senado kaugnay ng imbestigasyon sa mga diumano'y maanomalyang transaksiyon ng Makati City, sa paniniwalang labag ito sa karapatan nilang dumaan sa due process.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong July 2014, sinampahan ng reklamong plunder si Mayor Binay at ama niyang si Vice President Jejomar Binay, dahil sa diumano'y overpriced construction ng Makati City Parking Building II.

December 2014 naman nang maharap sa hiwalay na reklamong plunder ang mag-ama at iba pang Makati officials kaugnay ng diumano'y overpriced construction ng Makati Science High School.

Ngunit simula pa lang ay nanindigan na si Mayor Binay na walang katotohanan ang mga alegasyong ibinabato sa kanilang pamilya.

Giit pa niya noon, "obvious" na politically motivated ang mga naturang reklamo at hindi upang magkaroon ng public accountability.


SENATE INVESTIGATION. Sa kabilang banda, iginiit ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na mayroong jurisdiction ang Senado na maglunsad ng imbestigasyon, upang mabigyang-linaw ang posisyon ni Mayor Binay kaugnay ng mga nabanggit na alegasyon.

Ngunit pagkatapos muling tumanggi ni Mayor Binay na sagutin ang mga katanungan sa imbestigasyon ng Senado ay ay nagpasya ang Senate Blue Ribbon Subcommittee na pakawalan ang alkalde.

Pinaalalahanan din ng senador ang alkalde na kailangang maki-cooperate ang huli sa future proceedings ng komite.

"Since the order of arrest has been satisfied, the mayor is already right before us, your manifestation [not to answer questions] is noted.

“Since we will respect your request that you not be asked questions anymore, you lose your chance to give your inputs on this subject matter, you are free to go," sabi ni Senator Pimentel kay Mayor Binay.

Tumagal ng tatlong oras ang pagditena at pagkuwestiyon kay Mayor Binay bago siya pakawalan sa Senado.

Nakatakdang magkaroon ng susunod na pagdinig ang Senate Blue Ribbon Subcommitee sa February 12.


FORCED ATTENDANCE. Samantala, inalmahan ni Mayor Binay ang sapilitang pagdala sa kanya sa Session Hall, sanhi upang magtamo siya diumano ng mga pasa.

“I have to be bodily taken to the plenary kaya medyo napadiin ang kapit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yes, I was forced to attend the hearing physically as evidenced by the bruise nga ho.

“Kinapitan po ako, dalawa po yata, hindi ko na maalala, masyadong mabilis ang pangyayari.

“I’m sure I had one on the left and one on the right,” lahad ni Mayor Binay sa isang press conference pagkatapos ng Senate hearing.

Malinaw na labag diumano sa kanyang karapatan ang sapilitang iharap siya sa Senate Hall, gayong ang tanging nakasaad sa utos ay arestuhin siya at dalhin sa Senate sergeant-at-arms office.

Sa katunayan, handa umano siyang maditena sa sergeant-at-arms office sa kadahilanang labag umano sa kanyang prinsipyo ang humarap sa pagdinig.

"Dala ko na ho yung bag ko, nakahanda na ho ako...

“Nagpaalam na po ako sa pamilya ko. Iniyakan na po ako ng mga anak ko kaninang umaga ulit.

“Kailangan pong maging matatag po tayo dahil hindi po tama ang nangyayari na dito," turan ni Mayor Binay.

Sa huli, inihayag ni Mayor Binay ang posibilidad na pormal siyang maghain ng apela sa Supreme Court kaugnay ng pagkuwestiyon niya sa jurisdiction ng isinasagawang Senate investigation.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN