Kris Aquino visits wake of slain PNP-SAF members

Nagtungo si Kris Aquino, bunsong kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino, sa Camp Bagong Diwa kaninang madaling-araw, January 30, upang makiramay sa mga pamilya ng mga nasawing PNP-SAF members sa Mamasapano clash.


Dumating si Kris Aquino sa burol ng mga nasawing miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kaninang madaling-araw, January 30.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino ng GMA News, kinausap ng TV host-actress ang miyembro ng pamilya ng ilan sa mga namatayan.

Dito, nagbigay ng simpatiya si Kris sa kanyang mga nakausap at binanggit na naransan din niya ang mawalan ng mahal sa buhay sa marahas na paraan.

Ang tinutukoy ni Kris ay ang kanyang ama na si dating Senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr., na binaril sa Manila International Airport noong 1983, pagkatapos ng ilang taong pagkaka-exile sa Amerika.

Bago ang pagbisita ni Kris, marami ang bumabatikos sa kapatid niyang si Pangulong Noynoy Aquino dahil hindi ito nakita sa pagsalubong sa mga labi ng 44 SAF members sa Villamor Air Base kahapon, January 29.

Naging trending topic din sa Twitter ang #NasaanAngPangulo dahil nga sa pagiging absent ni PNoy sa pagbibigay-pugay sa mga nasawing SAF members.

Sa halip ay dumalo ang Pangulo sa opening ng isang car plant sa Laguna.

Paliwanag naman ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, wala talaga sa schedule ni PNoy ang pagpunta sa Villamor Air Base.

Ngunit dadalo naman daw si PNoy ngayong araw, January 30, sa gaganaping necrological service para sa SAF members na namatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, noong Linggo, January 25.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN