Maris Racal on Stars Versus Me co-star Manolo Pedrosa: “Compatible raw ang signs namin.”

Maris Racal on her astrological compatibility with Stars Versus Me co-star Manolo Pedrosa: “Nagbabasa po ako, pero not totally po siguro. Pero may apps po kasi sa phone na horoscope at bigla na lang pong uma-appear sa phone ko. Siguro po, kung naniniwala man ako sa horoscope, mga 40% po siguro.”


Dati nang magkasama sa Pinoy Big Brother (PBB) house sina Maris Racal at Manolo Pedrosa, pero marami pa rin daw nadi-diskubre si Maris sa ka-loveteam na si Manolo lalo na nang gawin nila ang pelikula nilang Stars Versus Me na hango sa libro na sinulat at ngayo’y dinirek din ni Joven M. Tan.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Maris sa pictorial nila ng pelikula sa EDC Photography sa may Roces Ave., Quezon City at ayon dito, “Ang na-discover ko po kay Manolo, sweet po siya.

“May mga scenes po sa movie na dapat natural lang, mga sweet-sweetan, doon mo po makikita na sweet pala siya.”

Magiging masaya raw si Maris kung sila na nga ni Manolo ang magiging loveteam.

Sabi niya, “Masaya po kasi, kumportable na po kami sa isa’t isa.”

Natawa si Maris nang tanungin namin kung ano ang nagugustuhan niya kay Manolo.

Aniya, “Kung ano ang personality niya, ganun talaga siya. Kung ano yung nakikita sa kanya ng tao, yun talaga siya.

“Physically po, sana huwag niyang ika-yabang,” natawa pang sabi ni Maris,

“Yung mukha po niya at saka yung attitude niya po sa akin.”

MOVIE PLOT. Tungkol saan nga ba ang pelikulang Stars Versus Me?

“Akala po siguro, kilig-kilig lang ang story, pero may malaking twist po siya.

“'Tapos yung character ko po, masyadong devoted sa mga horoscope, zodiac sign. May nangyari na hindi maganda, so nag-decide siya na kakalabanin niya yung mga horoscope,” detalye niyang kuwento.

Naniniwala ba siya sa horoscope?

“Nagbabasa po ako, pero not totally po siguro.

“Pero may apps po kasi sa phone na horoscope at bigla na lang pong uma-appear sa phone ko. Siguro po, kung naniniwala man ako sa horoscope, mga 40% po siguro.”

COMPATIBLE. Ayon sa horoscope, compatible ang mga zodiac signs nila. Si Manolo ay Libra at si Maris naman ay Virgo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natawa si Maris, “Sabi nga po ni Direk, compatible raw ang signs namin.”

Saang mga bagay niya masasabing compatible silang dalawa?

“Tingin ko po, yung pagiging makulit. Friends po kasi kaming dalawa kaya pareho pong lumalabas, yung pagiging makulit namin,” saad niya.

EXCITED ABOUT MOVIE DEBUT. Dahil unang pelikula nila, sa tingin ba niya'y kaya nila ni Manolo na magdala ng isang pelikula?

“At first po, yung first day pa lang ng shoot, kinabahan na ko. Baka hindi magaling, hindi ganun. So, nag-prepare po ako, sa acting, tamang pag-acting talaga.

“At saka, nagtitiwala naman po ako sa mga fans dahil todo suporta naman po sila sa amin,” sabi niya.

Mas lamang ang excitement kesa sa kaba ngayong malapit ng ipalabas ang pelikula nila?

“Halos pareho po, kasi nae-excite at kinakabahan at the same time. Siyempre, first time ko ‘to kaya sana po, maging maganda ang result,” dalangin niya.

HANDLING BASHERS. Yun nga lang, kahit bago pa lang din sila sa industriya at hindi maikakailang nakabuo na sila ng mga followers o fans, kasabay nito ay ang mga bashers din.

Paano niya naha-handle yun?

“May mga ganun nga po, yung mga away-away po.

“Pero ako, ang ginagawa ko po, tine-turn-off ko na lang po ang Twitter ko para hindi masyadong nai-stress.

“May time nga po na nag-off ako sa Twitter like days para hindi ko mabasa.

“Minsan naman po, nagtu-tweet na lang na peace na, yung ganun po.”

May pressure ba sa mga fans na ang gusto, sila lang ang magkasama, sila na ang magkatuluyan?

Pag-amin niya, “Minsan, napi-pressure, oo.

“Hindi ko na lang talagang iniisip, yun naman kasi ang ibinigay. Minsan ipa-partner siya sa iba.

“Ipa-partner ako sa iba, tatanggapin ko na lang. Pero hindi ko naman talaga iniisip yung opinion nila, nirerespeto ko lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN