Itinanghal na third runner-up si Ariella Arida sa Miss Universe noong 2013 kaya hiningan namin siya ng komento tungkol sa pagwawagi ng pulis na si Neil Perez, na siyang representative ng Pilipinas sa katatapos na Mister International sa South Korea.
Read: Police officer Neil Perez crowned Mister International 2014
Sabi ni Ariella, “Actually, bongga! Bongga talaga.
"Parang, 'di ba, hindi lang sa girls tayo nare-recognize?
"Kahit sa male international pageant, parang alam mo yun, dala na natin yung Philippines.
“Nakaka-proud!
"Feeling ko, sisimulan ni Neil 'yan at magdidire-diretso na 'yan.”
Pinakaunang Pilipino si Neil na nagwagi sa Mr. International.
“Yeah, first.
“Actually kahapon, nagulat nga ako, sa Twitter ko lang siya nabasa.
"Nire-tweet ko talaga siya agad.
"Kasi, 'di ba, first Mr. International na win talaga, siyempre nakaka-proud.”
AN ACHIEVEMENT. Nakausap namin si Ariella nitong Linggo, February 15, sa SMX, SM Mall of Asia, kung saan hosts sila ni Ken Alfonso sa booth ng Hong Kong Tourism Board para sa Travel Expo na ginanap doon.
Sa tingin ni Ariella, natabunan ba ng tagumpay ni Neil ang hindi pagwawagi ni MJ Lastimosa sa katatapos din lang na Miss Universe?
Sabi niya, “Successful naman ang lola mo.
"Basta ako, top ten is top ten, especially nung ako nanonood mismo na parang…
"Kahit yung tawagin ka pa lang sa top fifteen… ‘Shucks, ang dami pang girls na naiwan!’
“So, parang sobrang laking achievement talaga din kung ano yung narating niya.
"Especially sa top ten na papasok ka sa butas ng karayom.
"From top fifteen, 'tapos top ten. For me, it’s a great achievement na.”
HOSTING. Speaking of achievement, isang achievement ni Ariella ngayon ay ang tinatahak niyang landas patungo sa pagiging isang mahusay na host.
Gusto ba niya talaga maging host?
“Oo naman po!" bulalas niya.
"Kasi parang for me, parang new career path.
"Hindi forever yung crown, every year may nananalong beauty queen.
"It’s time for me to explore talaga yung mga kung ano ang puwede ko pang gawin sa buhay."
Si Ariella at ang actor/singer/model na si Ken Alfonso ang co-hosts ng Touchdown, ang bagong travel show na malapit nang umere.
Isa raw na pinaghahandaan ni Ariella para sa taping nila for their Hong Kong episode ay ang kanyang mga isusuot.
“Siguro, unang-una yung clothes ko!” at tumawa ang beauty queen.
“Kasi sabi nila, malamig pa raw ngayon sa Hong Kong, e.
"Siyempre sanay ako sa tropical climate, 'tapos sanay ako na laging nagbi-beach.
“So siyempre kailangang ihanda ang sarili, ang clothes.
“Pati ang sarili ko, first time para sa akin to do hosting talaga.
"I mean, co-host, so sana maging successful and, ayun, I’m looking forward also.
"Kasi trip naman yun, travel, and I love travelling.”
ASPIRATION. Ni-request nga din raw ni Ariella na magkaroon siya ng hosting workshop.
“So, mas okay and para mas maging confident din ako.”
Kung mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng show na siya ang main host ay ikatutuwa raw iyon ni Ariella.
“Sure naman. Why not, choosy pa ba ako?” at tumawa ito.
Bukod sa hosting, nais din ni Ariella na maging artista.
“Puwede namang pareho.
“When it comes sa acting, I did acting workshops.
"Pero wala pa po yung talagang show, teleserye, never pa.
“So sana, after hosting, 'di ba, may follow-up, sana acting naman.”
