New Kapamilya Kyla excited to perform with ASAP artists

Kyla is particularly excited to do a duet with Sarah Geronimo: “Kasi, I see her ano… mga performances, and she also does yung mga R&B sometimes. ‘Tapos feeling ko ay mahahawa ako sa kanyang passion. Kasi, like, when she performs, talagang may mga dance-dance.”


Naging mahirap na desisyon daw para sa R&B Princess na si Kyla ang pag-alis sa bakuran ng GMA Network.

Sa loob ng mahigit sampung taon ay naging bahagi siya ng Sunday musica-variety show ng GMA: SOP, Party Pilipinas, at Sunday All Stars.

Nagkaroon din siya ng sariling talent search sa QTV 11, sister network ng GMA, ang Popstar Kids na nagkaroon ng dalawang seasons.

Maliban dito ay lumabas din si Kyla sa ilang teleserye ng GMA: Narito Ang Puso Ko (2004), Time of My Life (2011), at Villa Quintana (2013).

Siya rin ang gumanap sa life story ni Sarah Geronimo sa Magpakailanman noong 2004.

Ngunit ngayon ay nagdesisyon na ang singer na umalis ng GMA at lumipat sa ABS-CBN.

Pahayag ni Kyla sa kanyang desisyong lisanin ang Kapuso network, “Opo, medyo matagal kong pinag-isipan ito.

“Kasi, mahirap din naman iyon, e.

“Kumbaga, kumportable na ako doon, alam na alam ko na ang galaw at kilos ng mga tao doon. Kaya mahirap din iwan.

“’Tapos, parang papasok ka sa lugar na ‘di mo memoryado at saka ‘di mo alam kung ano iyong future.”

Dagdag pa niya, “Mahirap po, sobrang mahirap.

“Lalung-lalo na kasi hindi naman po biro yung taon na nakasama ko yung mga katrabaho ko sa GMA-7.

“So, hindi po talaga madali na magpaalam. Pero I’m sure na naintindihan nila.

"Kasi kung nasa posisyon ko naman sila, I think they will do the same thing.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kyla sa ginanap na announcement ng MYX Music Awards nominees, noong Huwebes ng gabi, February 19, sa K-Pub Restaurant, sa Trinoma Mall, Quezon City.

Si Kyla ay nakakuha ng apat na nominasyon sa MYX Music Awards 2015 na gaganapin sa March 25, sa SM Aura Premier’s Samsung Hall.


KYLA ON ASAP. Ibinalita rin ni Kyla na mapapanood na siya sa musical-variety show ng ABS-CBN na ASAP sa Linggo, February 22.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, kanina yung first rehearsal namin and masaya silang lahat, ganyan…

“So, parang mas lalo akong nae-excite kasi excited din sila na nandoon ako.”

Nabanggit din ni Kyla na noong nagsisimula pa lang siya, dati na siyang lumalabas sa ASAP bago pa man siya maging mainstay sa katapat nitong musical-variety showsng GMA.

“First in so many years this Sunday, kasi noong nag-uumpisa ako, madalas ako sa ASAP.

“‘Tapos ngayon na lang ulit, siguro after mga thirteen years.”

Sa Linggo ay ipagdiriwang ng ASAP ang kanilang 20th anniversary sa MOA Arena, at ikinatutuwa raw ni Kyla na maging bahagi nito.

“Ay, opo! Siyempre iba yun.

“Malaking-malaking selebrasyon, na twenty years na sila.

“Natuwa naman ako at natawagan nila ako to be a part of it.

“Actually, hindi po namin ini-expect. But, mas lalo akong na-excite kasi, ‘Uy, kasama nila ako!’

“So, I’m really happy about it,” sabi niya.

Iyon bang paglabas niya sa ASAP sa Linggo, guesting lang yun o posibleng maging regular na rin siya?

Nakangiting sagot ni Kyla, “Tingnan po natin… siguro po.

“Makikita po natin iyan in the next few weeks.”

Nasabi rin ni Kyla kung gaano siya ka-excited makatrabaho ang mga idolo niyang nasa ASAP.

“Sobra-sobrang excitement at sobra-sobrang kaba rin!

“Siyempre, I’m always excited, although nakakatrabaho ko naman na sila all the time.

“Pero hindi maalis sa akin… kasi I really look up to them.

“Hindi maalis yung kilig ko, yung excitement ko na makakasama ko ulit sila in a show, in a TV show.”

Sino yung partikular na gusto niya talagang makasama sa ASAP?

“Lahat naman sila, lahat po ng mga kumakanta doon, gusto ko pong makasama sa production number."

Sino ang gusto niyang maka-duet sa ASAP?

“Honestly, siguro ay si Sarah [Geronimo].

“Kasi, I see her ano… mga performances, and she also does yung mga R&B sometimes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“‘Tapos feeling ko ay mahahawa ako sa kanyang passion.

“Kasi, like, when she performs, talagang may mga dance-dance.”

PRESSURE. Reinvention ba ni Kyla ang paglipat niya sa ASAP?

Tugon niya, “Hindi naman.

“But more on masarap makatrabaho ang mga ganoon, kasi nakakahawa.

“May energy, nakaka-inspire… ganyan.”

As an artist, ano ang ini-expect niya sa paglabas sa ASAP?

“As an artist, kasi ay nanonood po ako ng mga shows, especially sa ASAP. .. Ano po doon, e, bigayan ng best…”

Dahil maraming ‘best’ sa ASAP, hindi ba siya nape-pressure?

Pag-amin ni Kyla, “Siyempre, may kasama pong pressure.

“Kasi siyempre, parang mga bagong katrabaho ulit.

“‘Tapos kumbaga, hindi pa kami nagba-bond.

“So, may mga ganoong factors and hindi ko rin alam kung papaano sila kapag makaka-duet ko sila.”

Sa social media, nasabi niyang nakaka-starstruck ang ASAP artists.

Pagkumpirma naman ni Kyla, “Opo, hindi po maaalis yun.

“Kasi talaga namang even before I started in show business, I really look up to Gary V. and Martin Nievera.

“Although I have performed with them so many times already, pero hindi maaalis yun, e, ‘di ba?

“Iyong admiration for them, andoon lang siya parati.”

Noong nasa Sunday All Stars pa siya, kapag nauungusan ng ASAP ang show nila sa ratings, ano ang nararamdaman niya?

Sagot ni Kyla, “Actually, kami naman pong mga artists, siyempre we care about that.

“Siyempre nakakalungkot, but we’re more of… we don’t really think about ratings, e.

“We’re more on just having fun on stage lang and deliver and being able to share our music. Ganoon lang yung feeling.

“Kasi kapag inisip mo yung ratings, sometimes, naiiba yung performance, e. Parang may kasamang pressure.”

Mayroon ba siyang mami-miss doon sa iniwan niyang Sunday All Stars?

“Siyempre mami-miss ko silang lahat naman.

“Kasi, maganda naman po yung pinagsamahan namin lahat doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lahat ng mga kasama ko sa dressing room, sina Ate Reg [Regine Velasquez], Ate Jaya, Kuya Janno [Gibbs]… lahat sila, lahat po sila,” nakangiting saad niya.

Sabi niya ay nanonood siya ng ASAP. Dati pa ba iyon o ngayon lang na umalis na siya ng SAS?

“Naku, ire-reveal ko ba iyong secret namin?” natawang reaksiyon ni Kyla.

“Kasi, pinapanood po namin sila kapag nasa dressing room [kami]. Kasi, hindi ba po, mas nauuna sila?

“Kasi late kami nag-i-start, so napapanood po namin ang ASAP.”

KYLA, THE ACTRESS. Aside from singing, posible bang sumabak na rin siya sa acting?

Tugon ni Kyla, “Naku, siguro po. Actually, gusto ko rin i-try iyan.


“Actually, gusto ko ngang mag-Maalaala Mo Kaya, pangarap ko po iyon.

“Tama ba na sinabi ko iyon? Pero pangarap ko lang po iyon.

“No… kasi fan ako ng show na iyon. Nanonood talaga ako nun.

“Iyong maramdamin, nakakaiyak….

“Madami akong pinagdaanan sa buhay. Mayroon akong paghuhugutan ng mga ano,” pabirong saad pa ni Kyla.

Dahil 15th year niya na ngayon sa industriya, ano ang mga plano ni Kyla sa career niya this year?

“Ang Cornerstone is actually planning something for me. Marami silang niluluto for me. So, abangan na lang po nila iyan,” sagot niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN