Neil Perez relives Mister International win: "Confident na ako, pero hindi ako nagbabakasakali na mananalo."

Neil Perez on what he likes to achieve next after winning Mister International: “Siguro kung magiging katulad ko si Manny [Pacquiao], tutulong din ako sa mga mahihirap. Kasi yun talaga yung pangarap ko simula nung bata pa ako.”


Bakas pa rin ang labis na kasiyahan kay PO2 Mariano Flormata Jr., o mas kilala bilang Neil Perez, sa pag-uwi nito ng Mister International 2014/2015 title na ginanap noong February 14 sa South Korea.

Si Neil ang kauna-unahang pulis na nakapag-uwi ng isang international beauty title.

Siya rin ang isa sa mga unang representative mula sa Pilipinas na kumuha ng tulong ng isang interpreter sa question-and-aswer portion ng pageant.

Hindi pa man nakakapagpahinga nang maayos, sunud-sunod na ang schedule ni Neil sa pagbabalik niya dito sa Pilipinas.

Kahapon, February 20, unang nagtungo si Neil sa Manila City Hall upang mag-courtesy call kay Mayor Joseph "Erap" Estrada, bago tumungo sa kanyang victory party na ginanap naman sa One Esplanade, sa Pasay City.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Neil sa kanyang victory party, at nagpasalamat ito sa lahat ng mga nagbigay ng suporta sa kanya.

Binalikan din ni Neil ang kanyang naging karanasan sa Mister International pageant.

Saad niya, “Masaya, walang mas tutumbas sa experience na yun kasi first time ko mag-travel ng Korea, 'tapos during pageant pa, so nakakatuwa.”


MISTER INTERNATIONAL. Ano sa tingin ni Neil ang naging dahilan kung bakit naiuwi niya ang titulong Mister International?

Sagot niya, “Ano lang po, confident na ako, pero hindi ako nagbabakasakali na mananalo.

“Ginawa ko lang yung best ko, ginawa ko lang po yung ugaling Pinoy, ugaling pulis.

“Yung disiplina, lahat po yun nadala ko... siguro dinala ko lang din sa Korea yun.

“Siyempre, ginawa ko lang yung best ko sa national costume, sa formal wear, 'tapos sa Q&A.

“Yun lang siguro kaya ko nakuha yun.”

Inamin naman ni Neil na hindi niya naiwasang kabahan at mawalan ng pag-asa sa kalagitnaan ng coronation night ng Mister International.

Kuwento pa niya, “Actually, nung Top 10, medyo nawalan ako ng pag-asa kasi ako yung last na tinawag.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang sabi ko, ‘Matatawag pa ba ako sa Top 5?’

“Nung natawag ako sa Top 5, parang may kumakaba na sa dibdib ko.

“'Tapos Q&A, siyempre inisip ko na lang na parang interview lang, like ganito, para maging relaxed ako.

“Ayun, awa ng Diyos, alam ko nasa likod Niya ako palagi, nasagot ko naman nang tama.”

Sino sa palagay niya ang kanyang naging mahigpit na kalaban sa kumpetisyon?

Ayon kay Neil, “Para sa akin, si Poland, kasi nung voting, lumamang siya.

"So, ibig sabihin, mas maganda yung popularity niya kesa sa akin."

SALUTE 44. Sa victory party niya kahapon, kasama ni Neil ang ilan sa kanyang mga kabaro sa PNP-Special Operations Unit (SOU) na masayang-masaya rin sa kanyang pagkapanalo.

Hawak ng mga ito ang isang T-shirt na may nakasulat na “Salute 44” bilang pagkilala sa ginawang sakripisyo ng 44 PNP-Special Action Force (SAF) members.

Sa huling panayam ng PEP kay Neil bago siya umalis papuntang South Korea, nabanggit nitong inaalay niya sa mga nasawing SAF members ang kanyang laban.

Pito sa mga ito ay personal na nakilala at naging ka-batch ni Neil.

Sabi pa niya, “Ito yung pinakabawi ko sa kanila.

“Dine-dedicate ko rin po itong laban ko para sa mga kabaro ko.

“Lalo na sa mga ka-batch ko na SAF, pito sila, so para sa kanila 'to.”

Read: Police officer Neil Perez all set for Mister International; dedicates battle to slain SAF members

Ito rin ang unang pumasok sa kanyang isipan nang tanghalin siya bilang Mister International.

Sa kanyang pagkapanalo, mangiyak-ngiyak si Neil na tumanggap ng kanyang tropeyo at makailang beses ding sumaludo habang hawak ang bandila ng Pilipinas.

Sa kanyang pagbabalik, tinanong ng press si Neil kung ano ang kanyang mensahe sa may kagagawan ng pagpaslang sa mga kabaro niya.

Aniya, “Siguro, meron naman tayong mga mambabatas, e.

“Sila na lang ang bahala kung ano'ng magiging kalabasan ng imbestigasyon sa kanila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nais namang i-donate ni Neil at ng iniedorso nitong relo mula sa UniSilver ang ilang porsiyento ng kikitain ng watch line niya para sa mga naulila ng mga yumaong PNP-SAF members.

Aniya, “Ang balak ko po siguro [i-donate] sa lahat [ng pamilya] na rin po.

“Kasi po, hindi rin namin alam kung [ano pang puwedeng mangyari].”

DUTIES. Sa Lunes, February 23, magko-courtesy call naman si Neil sa Camp Crame upang pag-usapan na rin kung paano niya magagawa ang kanyang mga trabaho bilang isang pulis, habang ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin bilang Mister International.

Pagbabahagi ni Neil, “Pag-uusapan po namin kung ano ang magandang gawin para hindi po makaapekto sa trabaho.”

Nakatakda ring lumabas si Neil sa variety/talent show ng Kapamilya network na It’s Showtime sa susunod na linggo.

Pagkatapos nito ay tutulak siya pabalik ng South Korea at pupunta ng Bangkok, Thailand, bilang suporta naman kay Joseph Doruelo, na lalaban sa Mister Global pageant para sa Pilipinas.

Sabi pa ni Neil, “Yung manager ko, si Carlo, siya na po yung nakikipag-deal sa ibang mga network para yung schedule po, hindi po maapektuhan.”

Sa ngayon, wala pa raw TV or movie projects na lumalapit para kay Neil.

Ngunit nang tanungin kung bukas siya sa mga ganitong proyekto, maiksing sagot ng pulis, “Puwede rin, puwede rin.”

Mayroon pa kaya siyang nais makamit matapos ang pagwawagi niya sa Mister International?

Ayon kay Neil, “Siguro kung magiging katulad ko si Manny [Pacquiao], tutulong din ako sa mga mahihirap.

“Kasi yun talaga yung pangarap ko simula nung bata pa ako.”

Naitanong din ng press kung balak na ba nilang magpakasal ng kanyang long-time girlfriend.

Sagot ni Neil, “Siguro after ng reign ko, puwede.

“Siyempre yung mga opportunity, sayang, so yun lang.”

Dagdag pa niya, “May plano po, pero sa ngayon, sa sobrang bait niya po kasi, pinagbibigyan po muna niya ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN