Former dancer-actor Yexel Sebastian pays tribute to late brother Jam

Isang emosyunal na Facebook post ang ibinahagi ni Yexel Sebastian, ang kuya ni Jam ng Jamich, ngayong gabi, March 4. Sinabi nitong ang bunsong kapatid ang naging inspirasyon niya upang matupad ang kanyang pangarap sa buhay.


Labis ang pangungulila ni Yexel Sebastian sa kapatid na si Jam Sebastian, na pumanaw ngayong Miyerkules ng umaga, March 4.

Si Jam, 28, ay bahagi ng YouTube sensation na Jamich, kasama ang kasintahang si Mich Liggayu.

Si Yexel, 32, ang kuya ni Jam na dati ring aktor at miyembro ng ‘90s all-male dance group na Kids At Work.

Ngayong gabi ay nag-post si Yexel sa kanyang Facebook account ng isang emosyunal na mensahe para sa namayapang kapatid:

“'Kuya, dati ang dasal ko, kung mawawala man ako sa mundong ito, e, sana huwag yung parang wala lang, sana may maiwan o magawa man lang ako na makabuluhan.'

“Eto ang dasal ni Jam noon, sabi niya sa akin.

“Eto naman ang sagot ko:

"'Tol, sobrang nakaka-proud ka! Akala ko nun lagi sa gilid lang kita.

"Akala ko nun, lagi ako lang ang kuya mo na idol mo at lagi lang kung ano gusto ko, e, sasang-ayon ka na lang.

“Pero 'tol, iba ka pala.

"Da best yung ginawa mo, bukod sa sarili mong pangarap, e, naiahon mo ako para tuparin din ang sarili kong pangarap na hindi ko naman naabot mag-isa.

"Ikaw ang dahilan kung bakit kahit papa'no, e, meron nang nasimulan si Kuya.

"Ikaw ang bumuo ng lahat ng ito, 'tol, hindi ako.

“At hindi lang 'yon, 'tol, marami kang tinulungan mga kapwa nating Pilipino kung pa'no umibig nang tapat at tama.

"Marami kang in-inspire, pinasaya, at pinakilig.

"Marami ang tinularan ka na puwede palang maging daan ang YouTube para makapasok sa telebisyon.

“Maraming tao ang nagmahal sa 'yo.

“GOOD JOB TOL!!! JOB WELL DONE!!!

“Kaya ayos na, masaya na si Kuya.

“Mami-miss kita bunso ko, tatlo na lang tayo nila Mama, nawala ka pa.

"Pero huwag kang mag-alala, ako na bahala dito, gaya ng lagi nating sinasabi.

"Patuloy tayong magpasalamat sa Diyos kahit may hinagpis ang puso natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Patuloy tayong magpasalamat sa Diyos kahit nasa pinakamasamang araw tayo ng buhay natin.

“Mahal na mahal kita, 'tol.

"Ang hirap lang isipin ng bukas na wala ka na.

"Sana lagi mo kaming bantayan ni Mama dahil hanggang nabubuhay ako, hindi ako titigil na ikuwento ang buhay nating magkapatid sa lahat ng makakasalamuha ko sa buhay.

“Salamat Jam, ha, ikaw ang nagdala sa 'kin sa lahat ng aspeto ng buhay.

"Mananatili kang isang inspirasyon at magandang alaala kay Kuya,
IDOL KA!!!!

“Kahit sa mga magiging apo ko, ipagmamalaki ko na meron sa buhay ni Lolo Yexel na meron siyang napakabuti at napakagaling na kapatid na si Jam Fernando Sebastian.

“Mahal na mahal kita, 'tol, DA BEST KA!”

Kalakip ng mahabang mensahe ni Yexel para kay Jam ay ang larawan nilang dalawa noong mga bata pa sila:

“PATULOY SIYANG NAGPAPASALAMAT…” Sa ipinadala namang text message ni Yexel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong gabi, sinabi nitong kahit sa huling hininga ng kapatid, malaki ang pasasalamat nito sa lahat ng sumusuporta at nagdarasal sa kanya.

Aniya, “Maraming salamat po sa pagmamahal at pagdarasal na ibinigay niyo kay Jam.

“Mahal na mahal niya po tayo kaya kahit nahirapan siya, e, pilit siyang lumalaban.

“Kayo po ang dahilan ng katuparan ng pangarap niya.

“Kaya kahit sa huling hininga niya ay patuloy siyang nagpapasalamat sa inyo.

“Kayo po ang naging inspirasyon niya.”

Samantala, inanunsiyo naman ni Yexel sa Facebook pa rin ang lugar ng lamay ng kapatid.

Post ni Yexel:“Ang Burol po ni Jam Fernando Sebastian ay sa
LOYOLA Memorial Chapel Sucat.

“Maraming salamat, laging may panibagong bukas.

"Mahal tayo ni Jam, misyutol!!!!

“Maging masaya po tayo dahil sigurado ako masaya ang kapatid
ko dahil sa isang taon na pakikipaglaban, e, nakapagpahinga na siya
kasama ang ating mahal na Panginoon.

"God bless — feeling blessed."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN