Jam Sebastian’s mom unfazed by critics: “Hindi kasi nila nararamdaman kung anong nararamdaman namin."

"Sa lahat ng taong nagdadasal, ’yan po ay malaking utang na loob namin sa inyo dahil kayo po ang bumuhay sa kanya sa mahabang panahon. Alam ko na masayang-masaya siya sa dami ng pagmamahal ng tao sa kaniya. Dun pa lang po e, masaya na kami para kay Jamvhille," says Yexel Sebastian commenting on the huge turnout of fans who flocked to Loyola Memorial Park to pay their last respects to the deceased YouTube sensation.


Ayaw nang pagtuunan ng pansin ng pamilya ni Jam Sebastian kung ano man ang pambabatikos na natatanggap nila sa social media.

May ilang netizens ang hindi nagustuhan ang pagiging overexposed diumano ng malubhang karamdaman ni Jam, gayong naghihirap ito at nakaratay sa ospital, noong mga huling linggong nabubuhay ito.

Pumanaw noong March 4 si Jam, ang kalahati ng YouTube sensation na Jamich.

“Wala akong pakialam sa basher.

“Hindi kasi nila nararamdaman kung anong nararamdaman namin.

“At saka hindi nila kami kakilala,” pahayag ng ina ni Jam patungkol sa negative feedback na natatanggap ng kanilang pamilya sa social media.

READ: Is Jam Sebastian's suffering too publicized?

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Maricar sa huling gabi ng lamay para kay Jam kagabi, March 7, sa Loyola Memorial Park, Sucat, Parañaque.

Ayon kay Maricar, matagal na siyang hiwalay sa asawa at tanging mga anak na sina Jam at Yexel ang nagsilbing katuwang niya sa buhay.

Naging matinding dagok sa kanilang pamilya nang ma-diagnose ng stage four lung cancer si Jam noong March 2014.

Sa kabila nito, mas lalong hinangaan ni Maricar ang tibay ng loob ni Jam kahit na malubha ang karamdaman nito.

“’Yan ang batang hindi marunong magreklamo, hindi marunong umangal.

“Kahit nasasaktan siya, kinikimkim niya. Kaya siguro nagkasakit, e,” lahad ni Maricar.

Hanggang sa huling sandaling nabubuhay ito ay ayaw umanong maging pabigat ni Jam sa pamilya.

Kuwento pa niya, “Sabi niya, ‘Ma, thank you. Alam ko ginawa mo lahat para sa akin.’

“Kunwari, yung may pinabili [lang] siya sa akin magpapa-thank you siya.

“Sabi ko, ‘wag kang magpa-thank you anak. Lahat gagawin ko para sa ‘yo.”

Sa kabila ng paghihirap na pinagdaanan ni Jam, marami itong magandang alaalang iniwan hindi lang kay Maricar kundi sa ibang kaanak, kaibigan, at tagahanga ng yumaong YouTube sensation.

Sa hiwalay na panayam ng PEP, ibinahagi ng nakatatandang kapatid ni Jam na si Yexel kung saan sila kumuha ng lakas ng loob sa halos isang taong pakikipaglaban ni Jam sa lung cancer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre yung hirap na pinagdaanan niya, actually kasabay kami dahil wala rin kaming pahinga masyado.

“Emotional, financial, spiritual [aspect], lahat damay, e.

“Siyempre kay Lord pa rin kami humugot ng lakas ng loob.

“Sabi ko rin kay Jamvhille lagi siyang magdasal at least kahit anong mangyari kasama niya si Lord.

“So OK naman. Sabi niya, ‘di ba, hanggang sa huli, tanging si Lord lang magpapagaling sa kanya,” saad ni Yexel.

Maiksi man ang naging buhay ni Jam, masaya si Yexel dahil kahit papaano ay natupad umano ni Jam ang pangarap na makilala sa larangan ng pag-arte, pagsayaw, at pagkanta sa pamamagitan ng viral videos nito sa YouTube.

Ganunpaman, nakakaramdam ng pangungulila si Yexel lalo pa’t si Jam ang madalas na nagdadala ng saya sa kanilang pamilya.

“Siya ang nagbigay ng totoong kahulugan ng magic.

“Sabi niya, ‘Magpahinga ka kuya, makipag-date ka, yung Pasko i-celebrate mo nang maayos.’

“Natutunan ko sa kanya ‘yan kasi puro work kasi ako ng work, kasi lumalagpas lang yung panahon na parang wala lang.

“Sabi ko nga e, yung quality ng buhay nakuha niya nang tama.”

Sa huli, nagpasalamat si Yexel sa lahat ng taong sumuporta kay Jam at nakiramay sa kanilang pamilya.

“Alam ko na masayang-masaya siya sa dami ng pagmamahal ng tao sa kaniya.

“Dun pa lang po e, masaya na kami para kay Jam.”

Bandang alas tres ng hapon ngayong Linggo, March 8, ang interment ni Jam sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN