Matet de Leon feels intimidated working with mom Nora Aunor: “Hindi kaya ng dibdib ko!”

Matet de Leon describes what it’s like acting with her mom Nora Aunor: “Hindi ko kaya, hindi kaya ng dibdib ko! Natatakot ako kay Mommy, e. Hindi ko siya matingnan, e.”


Ikinatuwa ni Matet de Leon ang pagkakapanalo ng ina niyang si Nora Aunor nang sunud-sunod bilang Best Actress: sa Gawad Tanglaw, sa Star Awards for Movies, at sa PASADO Awards kung saan ka-tie nito bilang Best Actress ang kanyang sarili.

Nagwagi ang Superstar para sa mga pelikula nitong Dementia at Hustisya.

“Good! Penge naman akong isa,” natawang reaksiyon si Matet.

“Iyon ang comment ko, penge naman akong isa.

“Magtataka pa ba tayo? Magaling si Mommy kasi talaga.”

Matagal nang hindi nakakasama ni Matet sa trabaho ang ate niyang si Lotlot de Leon at ang mommy niya.

“Kami ni Ate Lot, yung Sa Dulo Ng Walang Hanggan 'tsaka yung Bunsong Kerubin.

“Kami ni Mommy, noong thirteen years old ako! Nung huli kaming magkatrabaho ni Mommy.

"Ayoko nang maulit, hindi ko kaya!" at natawa si Matet.

Dagdag niya, “Hindi ko kaya, hindi kaya ng dibdib ko!

"Natatakot ako kay Mommy, e. Hindi ko siya matingnan, e.”

Bakit siya takot?

“Takot lang ako sa kanya. Parang maaano ka, e.

"Kahit Nanay ko kasi siya... A, hindi pala takot, intimidated.

“Kahit na si Mommy siya, alam mo yung, ‘Wait lang, teka, baka pagalitan ako nito kasi mali yung acting ko. Baka pag-uwi sa bahay, yari ako dito!’

“Yung ganun!” at muling tumawa si Matet.

Kung may project na magkakasama sila nina Ate Guy, Lotlot, at Janine?

“Huwag na! Baka walang matapos.

“Ang gulu-gulo namin, baka tsikahan lang at tawanan. Kulitan nang kulitan. 'Tapos isasama mo pa si Kuya Ian [de Leon]?

“Huwag na!

“Pero maganda, okay siya kung sakali,” pahabol pa niya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Matet sa presscon ng InstaDad sa GMA Network Center noong March 10.

Ipapalabas ang InstaDad ngayong Abril sa Kapuso network sa timeslot pagkatapos ng Sunday All Stars.

THIRD FOR GMA. Bago maisama sa cast ng InstaDad ng GMA Network ay sa ABS-CBN huling napanood si Matet.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi kasi siya exclusive contract star ng kahit na anong TV network.

Sabi ni Matet, “Hindi ako sanay. Hindi naman talaga ako nae-exclusive, e. Kahit saan lang ako.”

Mas gusto raw iyon ng dating child star.

“Oo. Kahit saan, masaya!

“Masaya kasi nakakatrabaho ko itong mga kaibigan ko dito sa GMA, nakakatrabaho ko yung mga kaibigan ko sa ABS.

“Halu-halo ang friends ko!” natatawa niyang sabi.

Pangatlong show pa lang ni Matet sa GMA ang InstaDad; ang unang dalawa ay Ikaw Lang Ang Mamahalin at Broken Vow.

Aniya, “Kasi nababad ako dun sa kabila [ABS-CBN].”

Bakit siya nababad?

“Ewan ko!” at tumawa si Matet.

Walang masabing pagkakaiba si Matet working with GMA and ABS-CBN.

“Parehas lang naman. Kasi yun nga, ang nangyari, naging kaibigan ko kasi halos lahat.

“So, magaan naman, magaan naman lahat.”


PREGGY. Samantala, limang buwang buntis ngayon si Matet.

“Eksaktong five months kahapon!” detalye niya.

Tatlong babae na ang anak ni Matet at ng mister nitong basketball player na si Mickey Estrada.

At sa pamamagitan ng ultrasound ay napag-alaman nilang babaeng muli ang ipinagbubuntis ni Matet.

May anak sana silang lalaki ngunit namatay ito limang araw makaraang isilang noong 2005.

Sa InstaDad ay hindi buntis ang gagampanan niya; kaya paano ang taping niya?

“'Eto nga, napakabait ng InstaDad [production crew]!

"Kasi ito, itong InstaDad, kinuha nila ako, hindi pa ako buntis.

“'Tapos after a few months, akala ko hindi na tuloy.

“Ngayon, tumawag sila sa akin ulit, sinabi na iyon nga, magte-taping na.

“Sabi ko, ‘Buntis na po ako!’

“Kung tumatanggap ba sila ng buntis? ‘Sandali lang, babalikan ka namin.’

“Alam mo, wa' sila paki, wala silang pakialam,” pagpapasalamat niya.

Dahil kasalukuyan ngang buntis si Matet, hindi pa raw niya alam kung paano kukunan ang kanyang mga eksena.

Lahad niya, “Hindi ko alam kung ano ang gagawin nila, e, kung iaano nila sa istorya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero kung hindi, magagawan naman ng paraan na kalahati lang ang shot.

“O kaya mataba ako kunwari.”


MATERNAL LEAVE. Aabutin siya ng panganganak habang nagte-taping at umeere ang InstaDad.

“Oo. Iyon nga ang isa pang okay dun sa kanila.

“Pagkapanganak ko, bibigyan lang nila ako ng a few... kung ilang ano ang gusto ko, kung gaano.

"Like, sabi ko, bigyan nila ako ng two weeks, ganyan, three weeks, makabalik lang ako sa sarili kong utak, e, magte-taping na ako ulit,” pahayag niya.

Okay naman daw din iyon sa mister niyang si Mickey.

Ani Matet, “Okay naman sa kanya kasi first time ko itong magtrabaho na buntis ako.

“So, boring kasi... ang boring naman talaga 'pag buntis.

"Ang ano ko, hindi mo namamalayan.

“Kasi, 'di ba, trabaho ka, trabaho, taping-taping, may mga ganitong presscon, may mga ano... hindi mo namamalayan kasi ang daming ginagawa.

“So, iyon ang mas okay. Ang bilis nga nito, e.”

Ang pinaglilihihan daw ni Matet ay ang mister niyang si Mickey.

“Mahal na mahal ko siya!” sambit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN