Superstar Nora Aunor joins rally for President Noynoy Aquino’s ouster

Nakiisa ang Superstar na si Nora Aunor sa isinagawang rally ng mga militanteng grupo kahapon ng umaga, March 17, para sa paggunita ng 20th death anniversary ni Flor Contemplacion at panawagan para bumaba na sa puwesto si Pangulong Noynoy Aquino.


Nakiisa ang Superstar na si Nora Aunor sa isinagawang rally ng grupong Migrante at iba pang militanteng grupo ‘tulad ng Gabriela at International Women's Alliance (IWA), kahapon ng umaga, March 17.

Layunin ng mga grupong ito na proteksyunan ang kapakanan ng mga manggagawa, lalo na ang kababaihang Pilipino, dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Ang rally ay isinagawa bilang paggunita sa ika-20 taong kamatayan ng OFW na si Flor Contemplacion, na binitay sa Singapore noong March 17, 1995.

Ang rally na nagsimula sa corner streets ng Recto-Avenida dakong ika-11 ng umaga ay bumaybay patungong Mendiola Street, kung saan nakasarado at napapaligiran ng barbed wires ang Mendiola Bridge gate na papuntang palasyo ng Malacañang.

Suot ni Nora ang itim na t-shirt na may slogan na: "Proud to be Filipino Ashamed of my Government.”

Kasama ni Nora at ng iba pang militanteng grupo ang anak na babae ni Flor, si Russel Contemplacion, na naluha sa pagkikita nilang muli ng aktres na gumanap noon sa papel ng kanyang ina sa isinapelikulang biopic ni Flor Contemplacion.

Kinaya ni Nora ang mahigit dalawang oras na paglalakad kasama ng mga rallyists, dala ang iba't ibang plakard na nagsasaad ng kanilang pagkadismaya sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy"”Aquino III.

Ugnay sa nangyari kay Flor Contemplacion, 20 taon na ang nakakaraan, patuloy ang siphayo ng mga manggagawang Pilipino ‘tulad ng nakasaad sa Migrante banner:

“Bigtihin mo man nang paulit-ulit, hindi mawawala ang galit ng bawat Flor sa aming dibdib.”

Paulit-ulit ding pinatutugtog ang awiting “Kahit Konting Awa” ni Nora.

Mula Recto-Avenida ay may iba't ibang rally stations kung saan iba't ibang manggagawa at mga kaanak nila ang nagsasalaysay ng malulungkot at kalunus-lunos na karanasan ng mga Pilipinong manggagawa.

Karamihan sa mga nagiging kaso, ayon sa testimonya, ay hindi nabigyang-solusyon at katarungan ng ating pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at embahada ng Pilipinas sa iba't ibang bansang may OFWs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa endpoint ng rally, sa Mendiola street, ay nagsalita ang iba't ibang kinatawan ng mga militanteng grupo.

Naging mapayapa ang kabuuan ng rally, bilang pagtugon sa naitakda ng batas ukol sa legalidad ng katulad na assembly.

Sa pagpapakilala kay Nora ay nabanggit ng taga-Migrante ang isyu na naging masakit para sa mga tagasuporta ng Superstar—ang pagkaka-disqualify sa aktres bilang ipoproklamang National Artist for Film and Broadcast Arts noong Hunyo 2014.

May kinalaman ang administrasyon ni PNoy sa diskwalipikasyon ni Nora, ugnay sa naging desisyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCp) na siyang pumili at nagdeklarang pumasa si Nora sa mga kuwalipikasyon ng pagiging National Artist.

Read: NCCA questions decision of Malacañang to exclude Nora Aunor as National Artist nominee

“Si Nora Aunor po ang tunay na Pambansang Alagad ng Sining... at tinig ng Migrante at ng mamamayan!”

Sinalubong iyon ng masigabong palakpakan at masiglang sigawan ng supporters.

Anilang paulit-ulit: "Artista ng Bayan, ngayon ay lumalaban!"

Sa kanyang talumpati ay binasa ni Nora ang mga hinaing ng Migrante at iba pang grupo laban sa Aquino administration:

“Serbisyo, hindi negosyo... proteksiyon, hindi koleksiyon...

“Labor Export policy, ibasura!

“Tama na, Noynoy, bumaba ka na, mag-resign ka na!

“Ito ang gusto ko. Ito ang gusto ng mga mamamayan. Ang gusto naming lahat!

“Bumaba ka na, Noynoy! Nananawagan po kaming lahat ngayon!”

Sinundan iyon ng malakas at paulit-ulit na pag-alingawngaw ng “Noynoy Resign!” sa rally area.

OFW SUPPORTER. Bilang tagasuporta ng mga ipinaglalaban ng Migrante at iba pang labor groups, para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers, malayang nagpahayag si Nora ng kanyang saloobin sa naunang interview ng media, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Saad niya, “Kung natatandaan po nila, ako ay naniniwala noon pa man sa lahat ng OFW, ng mga kababayan natin [na nagtatrabaho sa ibang bansa].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ginawa ko po ang pelikulang Flor Contemplacion, para sa mga kababayan natin.”

Ang isyu noon ay ang hindi makatarungang pagkabitay kay Flor Contemplacion, alinsunod sa naging desisyon ng pamahalaang Singapore, matapos siyang maparatangang “pumatay” ng inaalagaang batang anak ng kanyang Singaporean employers at ng kapwa niya OFW na si Delia Maga.

Ang stand ng pelikula, na isinulat ni Ricky Lee at sa direksiyon ni Joel Lamangan, ay pabor kay Flor Contemplacion; na wala itong kasalanan.

Naging malaking dagok sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang sinapit ng Pilipinang OFW.

Samantala, sa kasalukuyan ay nasa krisis din ang administrasyong Aquino dahil sa Mamasapano SAF 44 mishap.

Pero marami ring labor issues laban sa pamahalaan ang nabanggit sa rally; nasa dalang mga plakard ng mga kasapi at nabanggit din sa mga talumpati, 'tulad ng binasa ni Nora.

Patuloy ng Superstar, “Kung tutuusin po, may mga personal na nangyari, pero yung nangyayari po ngayon ay wala sa kalingkingan ng mga kapalpakan na ginagawa ng ating Pangulo na si Noynoy Aquino.

“Sa palagay ko, mas grabe ang administrasyon na ito kaysa nung nakaraan [FVR administration] na ipinaglalaban natin si Flor Contemplacion.

“Sa palagay ko, wala siyang alam sa mga nangyayari.

“Hindi siya dapat naging Presidente.

“Kinakailangan na po yata na siya’y bumaba,” pahayag pa ni Nora.

NATIONAL ARTIST ISSUE. Para din kay Nora, labas sa issue ukol sa pagkakadiskwalipika niya bilang National Artist ang ipinaglalaban ngayon ng iba't ibang grupo, sa pangunguna ng Migrante.

Wika ni Nora sa hiwalay na panayam ng PEP, “Noon pa, sinabi ko, marami pang dapat bigyan ng parangal bilang National Artist.

“Hindi naman po ako ang humiling nun.”

Kung may pakikipaglaban man ang iba't ibang sektor pabor kay Nora, iyon ay kanyang ipinagpapasalamat.

“Malaking karangalan po na maraming naging tagasuporta, mula sa ating mamamayan,” sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CALL FOR UNITY. Batid ni Nora na isang malaking risk ang kanyang naging hakbang, subalit buo raw ang kanyang suporta sa pinaniniwalaang pakikipaglaban ng iba't ibang labor sectors, kabilang ang sa mga kabataan at kababaihan.

“Tinatawagan ko ang mga kababayan natin na lumabas na rin sila, dahil sila mismo ay naniniwalang walang nagagawang kabutihan ang pamahalaan sa mga mamamayan.

“Ako po, kapag lumabas po ako at nagsalita sa ganitong okasyon, wala pong nagtuturo sa akin.”

“Iyan po ay nanggagaling sa puso ko.

“Kung may maniniwala sa akin, magpapasalamat po ako nang mabuti.

“Pero yun po ay nanggagaling sa puso ko at hindi ako maaaring matakot kapag ginusto ko, at yun ang paniniwala ko, sa sariling paningin, sa administrasyong ito.

“Hindi ako dapat matakot.

“Maraming mga bagay ang magpapatunay na napabayaan ng Pangulo ang mga mamamayan.

“At sa palagay ko, palala nang palala ang sitwasyon, sapagkat ultimo yung kanyang mga galamay ay hindi na nga niya sinusunod.

“Sa palagay ko, ang gusto niyang masunod ay kung ano ang gusto niyang gawin.

“Wala siyang pinapakinggan. Siya lang mag-isa, kung ano ang gusto niyang magawa.”

Kung may mensahe si Nora kay Pangulong Aquino, ano ito?

Sabi ni Nora, “Isa lang ho ang sasabihin ko: Bumaba na ho kayo… mag-resign na po kayo!

“Hindi lang po ako ang nagsasabi, kundi ang taong bayan, mga mamamayan po.

“Gusto na po nila na kayo ay bumaba.

“Yun din po ang aking panawagan sa lahat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN